Skip to main content

Black Hole Serye Part 1: Mahahalagang Kaalaman Tungkol sa Black Hole (Explained in Filipino)

Isang butas sa kalawakan na parang higanteng magnet, kaya nitong hilahin ang kahit anong bagay — ikaw, ako, ang buong mundo, mga bituin at ibang planeta, pati na ang araw at buong universe dahil sa lakas ng gravity nito. 

Madam Info's Black Hole Serye Part 1
Black Hole Serye Part 1

At kapag nahila na tayo, hindi na tayo makakalabas dito. Kahit ilaw ay hindi makakatakas

Ito ang unang bahagi ng serye ng mga artikulo tungkol sa Black Hole. 

Ang Black Hole sa Sentro ng Milky Way Galaxy

Tinuturing ng mga scientists na mga halimaw ito ng kalawakan dahil pwede nitong lunukin ang alin mang bagay na mapapadpad sa paligid nito. Lalo pang kamangha-mangha na sa sentro mismo ng ating galaxy, ang Milky Way Galaxy ay mayroon palang ganitong higanteng halimaw na 4 million times na mas mabigat sa ating araw at mga 23.6 million kilometers ang diameter. 

Watch the video:

Hanggang ngayon, ang Black Hole ay nababalot pa rin ng misteryo dahil marami pang hindi alam ang mga dalubhasa tungkol dito. Sa tantya ng mga scientists, mayroong mga sampung milyon hanggang mga isang bilyong black holes sa ating galaxy pa lang. At karamihan pala ng ibang mga galaxies ay mayroon ding kinakalingang black hole sa pinaka-sentro nila. 

Mga isang daang taon na ring ideya ang pagkakaroon ng black hole sa kalawakan at isa na nga si Albert Einstein na nakapag-isip ng tungkol dito sa kanyang Theory of Relativity. Pero hirap ang mga scientists na patunayan ang existence ng black hole dahil invisible ito sa kalawakan. Ang nakikita lang sa telescope ay ang mga bituin at ang galaw ng mga ito. 

Sa paglipas ng panahon ay nalaman na ng mga scientists na mayroong black hole kapag nakita nila na may mga bituing umiikot ikot sa isang espasyo na tila wala namang laman. Sumunod ay na-obserbahan rin nila ang epekto ng gravity ng black hole sa mga nakapaligid dito at gayun din ang x-ray at radio waves na nasasagap ng kanilang mga instrumento. 

Pero nitong April 10 2019 sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinakita ng mga scientists ang totoong imahe ng isang black hole at ito ang pinakamalakas na ebidensya na nage-exist nga ito. Sa pagtutulong-tulong at pagkaka-konekta ng walong malalakas na telescopes na nakalagay sa iba’t ibang bahagi ng mundo, nabuo ang Event Horizon Telescope na animo’y isang telescope o simulation ng isang higanteng telescope na singlaki ng buong mundo. Anumang mas maliit dito ay hindi kayang i-produce ang imaheng kanilang naturang imahe.

First actual image of a black hole
Photo: eventhorizontelescope.org

Ang black hole na nakuhanan nila ng imahe ay tinatawag na M87*. Mas mabigat ito ng 6.5 billion times kaysa sa ating araw at halos kasing laki ng ating solar system. Kayang-kaya palang kainin nito nang buong-buo ang ating mundo. Pero buti na lang at napakalayo ng lokasyon nito at nasa ibang galaxy. Ito ay nasa sentro ng Messier 87 galaxy na ang layo sa Earth ay 53.49 million light years o 506 quintillion, 100 quadrillion kilometers (506,100,000,000,000,000,000 = 5.061 × 10^20 km).

Mga Uri Ng Black Hole

Supermassive Black Hole

Ang M87* black hole ay isang supermassive black hole. Gayundin ang black hole sa sentro ng ating Milky Way Galaxy na tinatawag na Sagittarius A*, pati na ang karamihan sa iba pang black holes na nasa sentro ng ibang mga galaxies. Mas malaki ang galaxy, mas malaki ang black hole. Ang isang black hole ay itinuturing na supermassive black hole kung ang bigat nito ay kasingbigat ng mga 100,000 hanggang 1 billion na araw. 

Stellar Mass Black Hole

Ang iba pang mga uri ng black hole ay ang stellar mass black hole na kasingbigat ng isa hanggang mga isang daang araw, at ang intermediate-mass black hole na kasingbigat naman ng mga isang daan hanggang isang daang libong araw.

Primordial Black Hole

Ayon sa pag-aaral ng mga scientists may isa pang uri ng black hole na siyang pinakamatanda o pinaka-sinauna sa mga black holes dahil ito ay ipinanganak wala pang isang segundo matapos ang Big Bang. 

Ang  Big Bang ang pinakakinikilalang teoryang nagpapaliwanag sa pinagmulan ng ating universe.  Ang black hole na ito na sinasabing lumitaw bago pa nagkaroon ng mga bituin, galaxies at iba pang mga bagay sa kalawakan, ay tinawag nilang primordial black hole. Sa lahat ng klase ng black hole, ito ang pinakamahirap mahanap ng mga scientists dahil sa pagkakaalam nila ay maliliit lamang ang mga ito. 

Hypothetical pa lang kung mayroon ngang Primordial Black Hole at wala pang direktang ebidensya ang mga scientists tungkol dito. Ang bigat daw nito ay iba-iba. Mayroon daw mga napakagaan na nasa .00001 gram lang at mayroon ding mga 100,000 times na mas mabigat pa sa ating araw.

Ang Planet 9 Ay Isang Primordial Black Hole?

Nitong nakaraang buwan lang — September 24 2019 ay nagulantang ang mundo ng siyensiya dahil sa nakamamanghang ideya na isinulat ng dalawang astronomers na sina Jakub Scholtz ng Durham University at James Unwin ng University of Illinois. 

Ipinahihiwatig nila sa kanilang papel na posibleng may Primordial Black Hole dito mismo sa ating solar system. Sinasabi nila na paano daw kaya kung ang hinahanap na Planet 9 ay maaaring hindi planeta kungdi isang Primordial Black Hole pala.

Hypothetical Planet 9
Photo: Caltech/R. Hurt (IPAC)

Ang Planet 9 ay isang hypothetical na planeta na iminungkahi naman ng mga astronomers na sina Konstantin Batygin at Michael E. Brown ng  California Institute of Technology o CALTECH nung 2015. Ibinase nila ang posibilidad ng pagkakaroon ng Planet 9 sa mga kalkulasyon at computer simulations nila na mayroong malaki o mabigat na bagay na nag-iimpluwensya sa ikot ng mga dwarf planets at iba pang mga nagyeyelong bagay na nasa Kuiper Belt, kasama na dito ang Pluto. 

Ang Kuiper Belt ay tila sinturon na puno ng mga bato, yelo, kometa at dwarf planets, kasama na nga ang Pluto, na umiikot sa labas ng orbit ng Neptune. 

Pinaniniwalaan nila Batygin at Brown na ang Planet 9 ay singbigat ng mga lima hanggang sampung Earth at ang laki ay kaparehas ng Uranus o Neptune. Sinabi rin nila na mabubuo nito ang pag-ikot sa araw sa loob ng mga 10,000 hanggang 20,000 years. Ang Neptune ay nakaka-kumpleto ng isang orbit sa araw tuwing 165 years. 

Ang Neptune ay ang ika-walong planeta ng ating solar system at sa ngayon ay ang pinakamalayo sa araw. Ang Pluto sana ang ika-siyam na planeta pero noong August 2006, na-demote ang Pluto sa pagiging isang dwarf planet na lang. Kaya ang pag-diskubre sa bagong ika-siyam na planeta ay napaka-exciting para sa mundo ng siyensiya.

Ang kaso, mula pa nang iminungkahi nila Batygin at Brown na may planeta nga sa dulo ng solar system na mas malayo sa Neptune ay wala pang nakakadiskubre nito. Inengganyo na nila ang mga ibang astronomer na hanapin ang Planet 9 sa pamamagitan ng malalakas na telescope. Ibinigay pa nila ang posibleng lokasyon nito. Ang rehiyon daw sa kalawakan na nasa pagitan ng Orion’s Belt at ng Taurus Constellation ang area kung saan pwedeng hanapin ang Planet 9. 

Kapag daw nakita mo ang Aldebaran na siyang pinakamaliwanag na bituin sa Taurus Constellation, ay dapat mahahanap mo na rin ang Planet 9. Pero mula pa noong 2015 hanggang ngayon, wala pang nakakakita nito. Kaya parang hindi nga imposibleng may punto ang mungkahing isang Primordial Black Hole ang tinutukoy nila Batygin at Brown.

Ang papel na isinulat nila Scholtz at Unwin ay nakabase sa dalawang naunang papel. Ang isa nga ay ang kina Batygin at Brown at ang isa ay isinulat ng mga Japanese scientists na sila Niikura, Takada, Yokoyama, Sumi at Masaki. Sinasabi ng mga Japanese scientists na may nakita silang anomalya sa Optical Gravitational Lensing Experiment o OGLE mula sa limang taon nitong obserbasyon. 

Ang ginagawa ng OGLE ay naghahanap ito sa kalangitan ng mga bagay na maapektohan ng malakas na gravity at nakikita ito kapag ang sinag ng liwanag ay kumukurba o bumabaluktot. Ito ang tinatawag na gravitational lensing at nakabase ito sa General Theory of Relativity ni Albert Einstein na nagsasabing ang mga bagay sa kalangitan ay nakakalikha ng kurba sa space-time na binabali ang ilaw na dumadaan sa likuran nito. 

Ang anomalyang nakita ng OGLE ay nagtutukoy sa anim na mabibilis na bagay na singbigat ng kalahati hanggang dalawampung Earth at ang galaw nito ay hindi normal na galaw ng isang planeta. Ito raw ay posibleng ebidensya na ang anim na bagay na ito ay Primordial Black Holes.

Kaya naikonekta nila Scholtz at Unwin ang dalawang papel dahil ang parehong anomalya ay tumutukoy sa bagay na may halos magkaparehong bigat. Doon sa anim na Primordial Black Holes, ang isa daw dun ay posibleng napunta sa ating Solar System at ang laki nito ay parang grapefruit o suha, kung ang bigat ay mga limang beses ng bigat ng Earth, at singlaki naman ng bowling ball kung ang bigat ay mga sampung beses ng bigat ng Earth.

Napakaliit nito para hanapin sa kalawakan. Ito nga kaya ang dahilan kung bakit hindi mahanap ang Planet 9? Malaking misteryo talaga itong bagay na ito!

At kung black hole nga ito, delikado ba ang ating Solar System? Mahihila nga ba nito ang Earth at hihigupin tayo ng black hole na ito? 

Ang sabi nila Schotz at Unwin, wala naman tayong kailangang ikabahala dahil iikot lang rin ito sa araw na gaya ng mga planeta. Oo, may epekto ang gravity nito pero sa mga nasa paligid lang niya gaya ng ginagawa ngayon ng inaakala nating Planet 9. Napakalayo pa rin ng lokasyon nito sa ating Earth dahil ito ay nasa bandang labas na ng ating Solar System.

Sa mga susunod na buwan o taon ay maaaring may makakita na rin sa Planet 9 o baka naman makumpirma na, na may black hole nga sa ating solar system.

Comments

Popular Posts

Agartha at mga Teorya Tungkol sa Hollow Earth (Part 1)

May kaharian daw sa kaloob-looban ng ating mundo, sa kaila-ilaliman ng ating kinatatayuan, at hindi daw totoo na solid ang core o pinakagitna nito gaya ng napag-

Totoo ba ang HOLLOW EARTH Ayon sa Siyensiya? (Part 5)

Isang napakagandang mundo! Isang sibilisasyong walang kaguluhan, walang tumatanda, masagana ang buhay, malinis ang hangin, mababait ang

Pilipinas, Makakagamit ba ng 1Gbps Starlink Internet ni Elon Musk?

Makakatulong kaya at mapapakinabangan sa Pilipinas ang Starlink satellite project ni Elon Musk at ng SpaceX?