Bakit nga ba mayroong mga black holes sa ating universe? Para tuloy laging may nakaabang na panganib dahil sa presensya ng mga ito! Paano ba kasi sila nabuo? At ano ang mangyayari sa atin sakaling mahulog tayo sa isang black hole?
Paano nabuo ang isang black hole?
Ang buhay kasi ng isang bituin, gaya ng ating araw ay umiikot sa pag-balanse ng dalawang proseso. Ang isa ay ang puwersa ng gravity na nagco-compress ng mga atoms ng mga gas na nasa bituin hanggang maging napakainit nito. Ito rin ang dahilan kung bakit maliwanag ang mga bituin. Kapag umabot ang init sa temperaturang sapat para magkaroon ng nuclear fusion, ito ang syang magiging pangalawang proseso.
Ang nuclear fusion sa bituin ay ang pagsasanib ng nucleus ng mga atom ng hydrogen para maging helium. Ito naman ay nagdudulot ng pressure palabas. Yung puwersa na paloob dulot ng compression ng gravity at yung puwersa palabas dulot ng nuclear fusion ay magkapareho kaya ito ang balanse na nagpapanatili sa katatagan ng buhay ng isang bituin.
Habang mayroon pang hydrogen atoms ang bituin ay patuloy ang nuclear fusion na nagreresulta sa helium. Kapag naubusan na ng hydrogen atoms ay magsasanib naman ang mga atoms ng helium para bumuo ng carbon. Para sa mas maliliit na bituin ay hanggang helium na lang ang nangyayaring fusion pero sa mas malalaki tulad ng ating araw, tumutuloy ito sa carbon. Para sa mas malalaki pa gaya ng mga bituing limang beses na mas mabigat sa ating araw, ay tumutuloy ang fusion sa mas mabibigat pang elemento gaya ng oxygen, neon, silicon, magnesium, sulfur at iron.
Sa puntong ito, kapag ang core o yung pinakagitna ng bituin ay naging iron na, hindi na ito uit mag kakaroon ng nuclear fusion at yung puwersa ng gravity paloob ay mas dominante na kaysa sa puwersa ng nuclear fusion palabas. Sumisiksik nang sumisiksik paloob sa core ang puwersa hanggang ang temperatura nito ay umabot sa 1 billion degrees celsius. Ang resulta nito ay isang napakalaking pagsabog na yayanig sa buong kalawakan. Ang pagsabog na ito ay tinatawag na SUPERNOVA.
WATCH THE VIDEO:Malaking halaga ng enerhiya at mga materyales ang tatapon sa kalawakan dulot nito at ang matitira sa core o gitna ng bituin ay magiging neutron star. Kapag ang bigat nitong neutron star na ito o natirang core mula sa supernova ay higit sa tatlong beses na mas mabigat sa araw, o 3 solar masses, patuloy pa itong magco-collapse paloob hanggang ang lahat ng bigat ng kabuuan ng original na bituin ay magkasya na lang sa isang tuldok at ito na nga ang singularity ng black hole. Ang ibig sabihin, may ipinanganak na isang black hole ... isang stellar mass black hole.
Ano kaya ang magiging kapalaran ng ating araw?
Isa rin kasing bituin ang araw sa ating solar system at darating din ang panahon na matatapos ang buhay nito. Sasabog din ba ito na kasing lakas ng isang supernova at magiging black hole o neutron star?
ANG SAGOT: Masyadong maliit ang ating araw para sapitin ang ganyang kamatayan. Para ito ay maging black hole, dapat ay mga dalampung beses pang mas mabigat ito. Para naman maging neutron star ay mga at least sampung beses na mas mabigat pa ito dapat.
So, ano na ang mangyayari sa araw? Mga 6 billion years pa sa future, ito ay magiging white dwarf.
Mga 5 billion years mula ngayon, mag-uumpisa na itong maubusan ng hydrogen sa core nito na kailangan para sa nuclear fusion kahit may natitira pang hydrogen sa labas ng core. Mas iinit ito at mas lalapad ang panlabas na bahagi nito na aabot at lalamunin ang ating Earth. Ang yugtong ito sa buhay ng ating araw ay tinatawag na red giant. Tatagal ito ng mga isang bilyong taon hanggang ito na ay maging white dwarf – mas malabo na ang liwanag at mas malamig na ang temperatura. Mga 4 na bilyong taon pa matapos na ito’y maging white dwarf ay patuloy itong lalamig, kukupas at magiging tumpok ng carbon. Dito ay naabot na niya ang dulo ng kanyang buhay bilang isang black dwarf.
Kaya, hindi kailanman magiging black hole ang ating araw.
Paano kung mahulog ka sa isang black hole?
Wala raw nakakatakas o nagsu-survive sa loob ng black hole. Paano kung mahulog ka dito? Ano nga ba ang mangyayari sa iyo?
Palagay na ikaw ay isang astronaut na aksidenteng na-eject sa iyong sinasakyang spaceship. Napadpad ka sa isang black hole, at di mo namamalayang tumawid ka na pala sa boundary ng black hole na tinatawag na event horizon.
Ang mangyayari sa iyo mula dito ay depende sa kung gaano kalaki ang black hole na kahuhulugan mo. Kung ito ay maliit lang, hindi mo pa natatawid ang event horizon ay mababanat na ang iyong katawan dahil sa hila ng gravity. Ang iyong paa na mas malapit sa singularity ay mas makararanas ng mas malakas na hila kaysa sa iyong ulo kaya ikaw ay mababanat ng pahaba na gaya ng noodle ng spaghetti. Ang kaliwa mong bahagi ay hihilahin pakanan at ang kanan mong bahagi ay hihilahing pakaliwa kaya ang katawan mo ay tila mako-kompress at papayat habang ikaw ay humahaba. Tinawag ng mga scientists ang prosesong ito na spaghettification.
Tuloy tuloy ang iyong pagbanat hanggang maputol ka sa dalawang bahagi. Ganoon uli ang mangyayari sa putol mong katawan, mahihila uli at mababanat hanggang maputol uli sa dalawa kaya mayroon nang apat na bahagi. Mahihila uli at mababanat ang apat na bahagi hanggang maputol uli ang mga ito at maging walo.
Patuloy pa rin ang prosesong ito hanggang ikaw ay isang linya na lang ng mga particles na mas maliliit pa sa atom. Papalapit na ng papalapit ang iyong mga particles sa singularity hanggang sa makarating ito doon ... upang maging bahagi ng bigat na mayroon ang black hole. Ang lahat ng ito ay mangyayari sa loob lamang ng isang microsecond.
Kung malaki naman ang kinahulugan mong black hole na gaya ng M87*, ay medyo mas matagal ang iyong biyahe papunta sa singularity ng ilang minuto hanggang mga ilang oras. Para ka lang nahulog mula sa isang mataas na lugar at tuloy tuloy kang babagsak. Ang katunayan, misteryo pa talaga sa mga scientists kung ano na ang mangyayari sa iyo sa loob ng black hole at puro thought experimen o ideya pa lang ang mga lumalabas na posibilidad. Pero ituloy natin ang biyahe mo, base sa mga ideyang ito.
Habang papunta ka daw sa singularity, makikita mo sa iyong harapan ang lahat ng mga bagay na nilunok ng black hole mula pa sa unang panahon, kasama na ang mga ilaw, bituin at kung ano-ano pang bagay sa kalawakan. Kapag tumingin ka naman sa iyong likuran ay makikita mo ang lahat ng maaari pang kainin ng black hole.
Kapag ang black hole ay hindi umiikot, wala kang ibang patutunguhan kung hindi ang singularity. Pero kapag ang black hole ay umiikot, posible daw na maiwasan mo ang singularity at lumabas ka sa ibang spacetime dahil ang black hole ay gumagana na parang wormhole. Maaari din daw na ang labasan mo ay ibang universe.
Sinasabi ring sa loob ng black hole ay nagpapalit o nags-swap ang space at ang time at ang mga batas ng physics ay hindi na gagana. Again, ang lahat ng pwedeng mangyari sa loob ng black hole ay puro teorya lamang dahil nga hindi naman malalaman ng kahit sinong nasa labas ng black hole ang anumang impormasyon na nasa loob nito.
Sa labas naman ng black hole, ang kasama mong astronaut ay nakasakay pa rin sa spaceship. Nakatingin siya sa iyo at ang nakikita niya ay parang bumabagal ka at namumula. Naiiba na kasi ang dating ng wavelength ng ilaw na nanggagaling sa iyo palayo sa kasama mo kaya ang kulay ay mas nagiging pula at ito ang tinatawag na gravitational redshift. Kasunod nito ay hihinto ka na lang na parang nag-freeze o parang may pumindot ng PAUSE button. Palabo ka na nang palabo sa paningin ng kasama mo hanggang sa tuluyan kang maging invisible. Hindi ka niya makikita na nahuhulog sa black hole dahil sa paningin niya ay huminto ang iyong time.
Kung kakaiba o weird ang nangyayari sa loob at labas ng black hole, iyan ay dahil sa matinding pagkakabaluktot ng spacetime dahil sa bigat ng black hole na lumilikha ng napakalakas na gravity nito.
Ang space-time ay ang pinagsama-samang tatlong dimension ng space na length, width at height at ang ikaapat na dimension ay ang time. Kung nagawa ng Earth na baluktutin ang animo’y tela ng space-time dahil sa bigat nito, kaya nararanasan natin ang gravity, imaginin ninyo ngayon kung imbis na earth ay isang bagay na mas mabigat ng 6.5 billion times kaysa sa araw ang ipalit natin.Ang kurba na magagawa nito sa space-time ay sobrang lalim na parang wala nang katapusan o infinity kaya nga’t ang mga kasalukuyang batas ng Physics ay hindi na gumagana at nawawalang saysay.
Para malutas ang mga misteryo ng black hole na hanggang ngayon ay hindi pa lubusang maunawaan ng mga scientists ay kailangan ng bagong sibol na Albert Einstein para palawakin ang Theory of Relativity o gumawa ng bagong teorya na sasakop sa lahat ng ito.
Comments
Post a Comment