Skip to main content

Nakamamanghang Neptune, Rogue Planet, Neutron Star at Black Dwarf

Sadyang nakamamangha ang mga bagay sa universe. Narito ang ilang kaalaman tungkol sa apat na intersanteng bagay sa kalawakan: 

  1. Ang planetang Neptune
  2. Ang mga Rogue planets
  3. Ang Neutron Star at ang
  4. Black Dwarf

1. Simula nang nadiskubre ang planetang Neptune, nakakamangha na isang ikot pa lang sa araw ang nakumpleto nito. 

Ang layo ng Neptune sa araw ay nasa 4.5 billion kilometers o 30 astronomical units o AU. Ang isang AU ay ang sukat na katumbas ng distansya ng Earth sa araw, kaya ang 30 AU ay tatlumpung beses ng layo ng Earth sa araw.

Amazing Neptune, Rogue Planets, Neutron Star, Black Dwarf by Madam Info

Sa ganitong layo, 165 Earth years ang lilipas bago makakumpleto ang Neptune ng isang ikot sa araw. Nadiskubre ang Neptune nung September 24 1846 kaya mula noon ay nung 2011 pa lang nito nakumpleto ang isang orbit paikot sa araw. 

Sa taong 2176 pa uli makakakumpleto ang Neptune ng isang orbit mula nung 2011.

Watch it here:

2. Nakakamangha na hindi lahat ng planeta ay may iniikutang bituin.

Mayroon palang mga lagalag na planetang gumagala sa ating Milky Way galaxy na nagsosolo lang at hindi kabilang sa isang star system. Tinatawag silang rogue planets.

Rogue Planets — mga lagalag na planeta
Credit: NASA

Ang ating planeta, ang Earth ay kabilang sa solar system dahil ang bituing iniikutan natin ay ang Sol na siyang Latin word ng Sun. Kung baga ang kinabibilangan nating star system ay ang solar system.

Dahil sa gravity, tangay tangay tayo ng araw, kasama ng ating buwan, ang pito pang planeta at kani-kanilang mga buwan, ang mga dwarf planets, mga asteroids at comets habang umiikot ito sa Milky Way sa bilis na 230 km/sec. 

Pero ang mga rogue planets ay hindi nakatali sa anumang star system. Sila ay free-floating at nag-iisa lang na binabagtas ang interstellar space.

Dahil walang araw sa kanilang kalangitan, laging gabi sa mga rogue planets at siyempre ay laging madilim at sobrang lamig. Dahil dito, mahirap ma-detect ang mga rogue planets. Halos invisible sila gaya ng mga black holes.

Ang isang paraan para sila makita ay ang gravitational microlensing. Kapag dumaan ang rogue planet sa harapan ng isang malayong bituin, ang liwanag mula sa bituin na ito ay madi-distort o babaluktot at maa-amplify dahil sa epekto ng gravity ng rogue planet. Umaaaktong parang cosmic magnifying glass ang rogue planet.

Posibleng ang mga rogue planets ay nagsimulang mabuo gaya ng mga bituin pero hindi sila lumaki kaya hindi nagtuloy na magkaroon ng nuclear fusion. Posible ring ang ilan sa mga rogue planets ay galing sa isang star system pero na-eject o  napatalsik papalayo.

Pwede rin itong mangyari sa mga planeta sa ating solar system. Posible rin silang maging rogue planets, lalo na yung mga nasa bandang labas o ang mga outer planets na Uranus at Neptune.

Mga 4.5 billion years mula ngayon, ang ating araw ay magsisimula nang mamatay. Lalaki ito at magiging red giant na lalamunin ang mga inner planets kasama ang Earth at posibleng pati ang Mars. Pero ang Jupiter at ang lahat ng mas malayo dito ay tuloy pa rin ang ikot sa araw.

Pagkalipas pa ng mga 1 billion years, at naging white dwarf na ang araw, kalahati ng bigat nito ang mawawala kaya’t ang gravity nito na nagpapanatili sa mga planeta ay hihina rin. Pwedeng lumawak ang orbit ng Uranus at Neptune, at pati na ang Pluto,  o tuluyan na silang makawala sa solar system at maging rogue planets.

Lahat-lahat mga dalawang daan pa lang ang nadidiskubreng rogue planets at karamihan sa mga ito ay hindi pa kumpirmado. Gayunpaman, sigurado ang mga scientists na totoo at nage-exist ang mga rogue planets.

Ayon sa pag-aaral ng mga astronomers sa University of Leiden sa  Netherlands, posibleng may mga 50 billion rogue planets sa ating Milky Way galaxy. 

Ayon naman sa mga researchers ng Ohio State University, malamang ay mas marami pa ang rogue planets kaysa sa mga bituin sa Milky Way.

Talagang kamangha-mangha ang mga rogue planets dahil sinasabi rin ng mga scientists na hindi imposibleng magkaroon ng buhay doon, lalo kung ito ay mayroong buwan. 

Tulad ng mga Galilean moons ng Jupiter pwede makalikha ng tidal heating ang buwan ng rogue planet na siyang panggagalingan ng init.

At dahil nga walang bituin na iniikutan ang mga rogue planets, ang cosmic rays ang pwedeng gumawa ng trabaho ng sunlight na magbibigay ng enerhiya sa ibang klase ng lifeforms na pwedeng mabuhay doon.

3. Nakakamangha na ang isang kutsarita lang ng neutron star ay mabigat pa sa buong populasyon ng tao sa Earth.

Ang neutron star ay ang naiwan mula sa pagkamatay ng isang malaki at mabigat na bituin  pagkatapos nitong sumabog sa isang supernova. 

Neutron star
Credit: NASA

Kung ang buhay ng ating araw ay nagtatapos kapag ito ay naging white dwarf na, ang buhay naman ng malalaking bituin na at least ay mga sampung beses na mas mabigat sa ating araw ay magtatapos sa isang napakalakas na pagsabog na tinatawag na supernova. 

Tulad ng ibang bituin, ang enerhiyang nililikha ng isang malaking bituin ay galing sa nuclear fusion na nangyayari sa pinakagitnang bahagi na tinatawag na core. Ang hydrogen atoms  sa core ay magfu-fuse o magsasanib at magiging helium.

Kapag naubos na ang mga hydrogen atoms, ang mga helium atoms naman  ang magsasanib at makakalikha ng carbon. Tuloy tuloy ang ganitong proseso at pabigat nang pabigat ang mga elements na malilikha gaya ng  oxygen, magnesium, neon, silicon, sulfur at kapag puro iron atoms na lang  ang natira sa core, ito na ang simula ng katapusan ng bituin na ito. Sa puntong ito, hihinto ang proseso ng nuclear fusion.  

Ang mas maliliit na bituin gaya ng ating araw ay hanggang oxygen lang ang nalilikha bago huminto ang nuclear fusion at ito ay maging white dwarf.

Para sa malalaking bituin, aabot sila sa paglikha ng iron. Sobrang tibay ng iron atoms kaya hindi na nito magagawa ang nuclear fusion. Imbes na mag-produce ito ng energy ay kakainin pa nito ang energy para lang mangyari ang fusion. 

Sa paghinto ng fusion, wala na ring pressure palabas na  sasangga sa malakas na puwersa ng gravity paloob. Ang resulta, ang core ay magco-collapse o guguho. 

Pasiksik nang pasiksik at paliit nang paliit ang core kaya’t ang mga electrons at protons ay maggigitgitan, magsasanib at magiging neutrons na sobrang siksik.

Ang ibang layers ng bituin na nasa ibabaw ng core ay babagsak ring paloob sa core nang napakabilis — mga 15% ng speed of light. 

Pagtama ng mga layers na ito sa core, tatalbog ito palabas na halos singbilis na ng speed of light. Makakalikha ito ng shock wave,  na magdudulot ng napakalakas na pagsabog ng bituin — ito na nga supernova.

Mga ilang segundo lang tatagal ang aktuwal na pagsabog pero ang liwanag mula dito ay tatagal pa ng mga ilang buwan. Mula sa nangyaring pagsabog ay maiiwan ang lumiit na core ng bituin na puno ng nagsisiksikang neutrons. 

Kung ang natirang core ay kasingbigat lang o hanggang tatlong beses na mas mabigat sa ating araw, ito na ang tinatawag na neutron star. Pero kung mas mabigat pa roon, ay patuloy itong magco-collapse at magiging black hole.

Dahil sa pinagdaanan ng neutron star, sobrang dense o siksik nito. Imaginin natin ang napakalaking bituing ito na mga 10 million km ang diameter bago mangyari ang supernova, na ki-nompress o pinitpit hanggang ang diameter ay 25 km. na lang.

O ganito na lang, parang lahat ng tao sa Earth na pinagkasya sa lalagyang kasinglaki lang ng isang sugar cube. O ang Mount Everest na inilagay sa isang tasa ng kape.

Kaya tuloy sinasabi ng mga scientists na ang isang kutsarita lang ng neutron star ay mabigat pa sa 1 trillion kilograms. Ibig sabihin ay mas mabigat pa ito sa buong populasyon ng tao sa Earth na nasa mga ilang daang bilyong kilograms lang. 

4. Ang pinakahuling yugto ng mga bituin na kasinglaki ng ating araw ay ang black dwarf. Nakakamangha na sa dami ng bituin sa universe, hanggang sa ngayon ay wala pa ni isang bituing nakakarating sa yugtong ito.

Ang ating araw, sa ngayon ay nasa yugtong tinatawag na main sequence star. Sa loob ng mga 4.5 billion years ay mauubos ang hydrogen sa core ng araw at papasok na ito sa yugto ng red giant star. 

Pagkaraan pa ng mga 1 billion years, magco-collapse ito at magiging white dwarf, kung kailan hindi na ito magsasagawa ng nuclear fusion at hindi na rin lilikha ng init at liwanag. 

Pero dahil nagsimula itong napakainit — na may temperature na mahigit 10,000 kelvins, may kaunti pa itong ningning at matagal bago ito tuluyang lumamig at dumilim. 

Sa kalkulasyon ng mga scientists, aabot ng mga 10 trillion years o higit pa bago dumating sa puntong wala na talagang liwanag na makikita dito. Ito na yung yugtong tinatawag na black dwarf.

Ang edad ng ating universe ay nakalkulang nasa 13.8 billion years old lang na wala pang 1% ng panahong lilipas para maging black dwarf ang isang bituin. Kaya hanggang ngayon ay wala pang nage-exist na black dwarf star. 

Comments

Popular Posts

Agartha at mga Teorya Tungkol sa Hollow Earth (Part 1)

May kaharian daw sa kaloob-looban ng ating mundo, sa kaila-ilaliman ng ating kinatatayuan, at hindi daw totoo na solid ang core o pinakagitna nito gaya ng napag-

Totoo ba ang HOLLOW EARTH Ayon sa Siyensiya? (Part 5)

Isang napakagandang mundo! Isang sibilisasyong walang kaguluhan, walang tumatanda, masagana ang buhay, malinis ang hangin, mababait ang

Pilipinas, Makakagamit ba ng 1Gbps Starlink Internet ni Elon Musk?

Makakatulong kaya at mapapakinabangan sa Pilipinas ang Starlink satellite project ni Elon Musk at ng SpaceX?