Skip to main content

Dark Matter: Siyam na Dekada Nang Hinahanap ng mga Scientists

Kahit saan sa universe ay mayroong dark matter! Kahit dito sa Earth! Pero hindi natin ito nakikita. Para siyang multo!

Napapalibutan ka ngayon ng dark matter at ayon sa mga scientists, kada segundo, milyon-milyon hanggang trillion na particles ng dark matter ang labas-masok at dumadaloy sa katawan mo nang hindi mo namamalayan. At napakabilis nila... nasa 400 km/sec. Ang missile ay may bilis na 6.4 km/sec lang at ang meteor ay nasa 42 km/sec lang. Delikado kaya ang dark matter?

Dark Matter (Tagalog)

Dark Universe Series

Wala pa namang taong nai-report na nasugatan o biglang itinakbo sa ospital dahil sa isang misteryosong tama ng bagay na hindi maipaliwanag. Yung tipo ng sugat na parang galing sa tama ng isang kakaibang sandata gaya ng lightsaber pero hindi nakikita ang pinanggalingan. Kasi kung mayroong ganon, malamang ay paghinalaang galing ito sa dark matter.

Watch it here:

Matter is anything that occupies space and has weight. Pero ang kilala nating matter... ang normal matter... Ikaw at ako, ang mga atoms sa katawan natin, ang mga bituin, planeta at lahat ng bagay na nakikita at nararamdaman natin ay mga 15% lang ng lahat ng matter sa buong universe. Ang 85% ay dark matter.

Ibang usapan naman kung kasama na ang energy, dahil  68% ng komposisyon ng universe ay dark energy. 27% ay binubuo ng dark matter, at 5% lang ang normal matter.

Gaya ng normal matter, ang dark matter ay may bigat at umookupa ng espasyo. Yun nga lang, hindi ito nag-aabsorb, nage-emit o nagre-reflect ng liwanag.  In other words, invisible ito! Nagi-interact o magkakaroon lang ito ng epekto sa normal matter sa pamamagitan ng gravity. 

Dark Matter Vs Dark Energy

Magkaiba ang dark energy at dark matter. Ang dark energy, na sinasabing may kagagawan ng mabilis na expansion ng universe, ay itinutulak palayo ang mga galaxies upang magkahiwa-hiwalay, samantalang ang dark matter ay hinihilang palapit ang mga galaxies upang magsama-sama. 

1933 pa nang unang na-diskubre ang dark matter. Ngayong 2022 na, halos siyam na dekada na ang lumipas, pero hindi pa rin direktang nakikita o nao-obserbahan ang dark matter. Hindi na dapat itanong kung totoo ba itong nage-exist. 

Sigurado ang mga astronomers na nage-exist ito dahil kung walang dark matter, wala na sanang mga galaxies at galaxy clusters. Unless... may mali sa mga teorya nila Isaac Newton at Albert Einstein tungkol sa gravity na malabong mangyari dahil matatag na at ilang beses nang napatunayan ang mga ito. 

Pagkatuklas ng Dark Matter

Si Fritz Zwicky, isang Swiss astronomer, ang unang nakadiskubre ng dark matter nung 1933. Inoobserbahan niya noon  ang galaxy cluster o kalimpunpon ng mga galaxies na tinatawag na Coma Cluster na ang layo sa Earth ay nasa mga 300 million lightyears. 

Fritz Zwicky
Wikipedia (Public Domain)

May nakitang anomalya si Zwicky. Napansin niya na yung mga galaxies sa cluster na ito ay mabilis na umiikot gayong kung kakalkulahin ang bigat ng lahat ng mga bituin sa Coma Cluster, hindi ito sapat para manatiling magkakasama ang mga galaxies sa cluster dahil lamang sa hila ng gravity.

Sa ganitong bilis, kumawala at naghiwahiwalay na dapat ang mga galaxies. Lumalabas kasi na yung bigat na nakalkula niya ay 1% lang ng bigat na kailangan upang manatiling magkakasama pa rin sa Coma cluster ang mga galaxies. Nasaan na yung 99%?

Sa pagtatangka ni Zwicky na maipaliwanag ang anomalya, ipinalagay niyang mayroong kakaibang bagay na parang glue na nagbibigay ng extrang gravity para manatiling intact o buo ang Coma Cluster. Ang kaso, hindi niya makita ang bagay na ito sa kanyang telescope kaya tinawag niya itong “dunkle materie” na salitang German na ang ibig sabihin ay “dark matter”. 

Dahil kakaiba at bago ang konseptong iminungkahi ni Zwicky, hindi ito agad tinanggap ng science community at sa halos apat na dekada, nakalimutan na ang tungkol dito. 

Kumpirmasyon ng Pagkakaroon ng Dark Matter

Isang babaeng astronomer ang nakapagkumbinse sa mga nagdududang scientists na totoo nga ang dark matter — si Vera Rubin

Nung 1970s, nakita ni Rubin, kasama ang kanyang katrabaho na si Kent Ford, na ang mga bituin sa bandang labas ng Andromeda galaxy ay gumagalaw ng napakabilis... kasingbilis rin ng mga bituin na nasa bandang gitna ng galaxy.

Vera Rubin, 1974
Credit: National Science Foundation

Nakakagulat ito dahil kung ihahambing nila ang ikot ng Andromeda sa kung paano umiikot ang solar system, hindi ba’t ang mga planeta na mas malapit sa gitna ay mas mabilis umikot kaysa sa mga nasa bandang labas? Karamihan kasi ng mga bituin, dust at gas ay nakaipon sa gitna ng galaxy. Ibig sabihin ang gravity ay naroon rin... at ang hila nito ay mas mahina na sa bandang labas. 

Ang inaasahan nila, kung ganoon pa rin kabilis ang pag-ikot ng mga bituin sa bandang labas ng Andromeda, dapat sana ay tumalsik na palabas ng space ang mga ito at kumawala na sa hila ng gravity ng galaxy. Sa halip, nanatili ang mga bituin sa kanilang orbit. 

Ang dahilan? Gravity! Mayroong dagdag na hila ng gravity na nanggagaling mula sa bagay na hindi nakikita na hindi lang nakapuwesto sa gitna kundi nakakalat sa buong galaxy. Isang bagay na hindi natin kilala. Ito na nga ang dark matter na dati nang iminungkahi ni Zwicky.

Hindi naman agad agad na nakumbinse ni Vera Rubin ang mga kapwa niya astronomers tungkol sa dark matter. Daan-daang galaxies ang pinag-aralan nila ni Kent Ford para ulit-uliting ma-check ang data. Tuwing mayroong magdududa o sasalungat, lalo lang niyang pinagbubuti ang kanyang presentasyon.

Ngayon, kumbinsido na ang halos lahat maliban lang sa pailan-ilan na mayroon ngang dark matter. Marami na ang pamamaraan kung saan nasusukat ang presensya ng dark matter, at lahat ay tumutugma sa mga naunang obserbasyon tungkol dito. 

Paghahanap sa Dark Matter

Ang kaso ang lahat ng ito ay hindi direktang pag-detekta at hindi pa rin alam ng mga scientists kung ano talaga ang komposisyon ng dark matter. Kaya naman marami ang sumusubok na madiskubre ito. 

May mga clues o pinaghihinalaang mga kandidatong particles ang mga scientists na posibleng umangkop sa katangian ng dark matter — mga particles na mas maliit pa sa atoms gaya ng neutrinos, WIMPS (Weakly Interacting Massive Particles) at axions.

LUX-ZEPLIN experiment
Credit: Berkeley Lab

Mga walumpung eksperimento na ang naisagawa para mahanap lang ang mailap na dark matter. Malalaki, sensitibo at makabago ang mga detectors na ipinatayo sa pag-asang makakakita sila ng senyales na magi-interact ang dark matter at normal matter sa loob ng mga detectors na ito. Pero ni isa ay walang naipakita na matibay na resulta.

Axion Dark Matter Experiment
Credit: National Radio Astronomy Observatory

Marami na ring pag-aaral at teorya ang naisulat tungkol dito. Sa isang pag-aaral ay nakalkula kung gaano karaming dark matter ang pumapasok sa katawan ng isang tao sa buong buhay niya. 

Ibinase ito sa typical na haba ng buhay na 80 years. Ang resulta — wala pa sa 1 milligram ang dami ng dark matter na pumapasok sa katawan ng tao sa buong 80 years ng buhay niya! Kaya naman pala... ganoon na lang kahirap itong hanapin ng mga scientists. Ibig rin sabihin, hindi ito delikado o makakapinsala sa atin.

Pero may isang pag-aaral na inilabas nung 2020 na ang pamagat ay Death and Serious Injury from Dark Matter. Iminumungkahi nito na posibleng ang isang uri ng dark matter ay mas malaki sa mga una kong nabanggit na particles. Tinawag itong macroscopic dark matter o macros.

Ang macros ay parang baril na pwedeng tumama sa katawan na parang bala. Dahil napakabilis nito, ang tama ay makakalikha ng grabeng init na parang plasma na makakatunaw ng laman. Sa haba ng panahon na nabubuhay ang tao sa mundo, wala pa namang nangyaring ganito kaya malamang ay hindi rin nage-exist ang dark matter bullets. 

Pero ayon sa mga scientists na nagsagawa ng pag-aaral, mahalaga ang imbestigasyong ito dahil naipakilala nila ang posibilidad na ang katawan mismo ng tao ay pwedeng maging detector. Sa pagkakataong ito, mukhang desperado na ang ilang scientists sa paghahanap ng dark matter na kung anu-ano na tuloy ang naiisip. 

Maganda ang sinabi ni Professor Geraint Lewis ng Sydney Institute for Astronomy sa interview niya sa Veritasium na, “Sa science, dapat ay matanggap natin ang posibilidad na minsan, pwedeng hindi na natin mahahanap ang kasagutan. Pwede itong makaalpas sa atin, pero at least, sinubukan natin.”

Prof. Geraint Lewis, Sydney Institute for Astronomy
Screenshot: Veritasium


Comments

Popular Posts

Agartha at mga Teorya Tungkol sa Hollow Earth (Part 1)

May kaharian daw sa kaloob-looban ng ating mundo, sa kaila-ilaliman ng ating kinatatayuan, at hindi daw totoo na solid ang core o pinakagitna nito gaya ng napag-

Totoo ba ang HOLLOW EARTH Ayon sa Siyensiya? (Part 5)

Isang napakagandang mundo! Isang sibilisasyong walang kaguluhan, walang tumatanda, masagana ang buhay, malinis ang hangin, mababait ang

Pilipinas, Makakagamit ba ng 1Gbps Starlink Internet ni Elon Musk?

Makakatulong kaya at mapapakinabangan sa Pilipinas ang Starlink satellite project ni Elon Musk at ng SpaceX?