Skip to main content

Cellphone sa 1928 at 1938? Sabi ni Einstein, Posible ang Time Travel

Ang cellphone na ordinaryong ginagamit natin ngayon ay unang gumana nung 1973 pero nahuli ng camera sa dalawang magkahiwalay na insidente — isa nung 1928 at isa nung 1938 — ang dalawang babaeng tila gumagamit ng cellphone?!

Let's Talk About Time Travel (w/Albert Einstein)
Time Traveler sa 1938? Ano'ng masasabi ni Albert Einstein?

Mapapaisip tayo kung sila kaya ay time travelers. Real talk ang pagtalakay natin kung ano talaga ang sinasabi ng siyensya tungkol sa time travel. 

Time Traveler sa Taong 1928?

Si Charlie Chaplin ang pinakasikat na komedyante sa Amerika nung panahon ng silent movies. Ang isa sa kanyang mga pelikula, ang “The Circus” na ipinalabas nung 1928 ay ini-release sa DVD nung 2019. Kasama sa DVD ang ilang mga bonus na video clips at isa dito ay kuha mula sa Hollywood premiere ng The Circus noon ding 1928.

Kapansin-pansin sa video clip ang isang babaeng naglalakad na tila may kausap sa hawak niyang bagay na parang isang cellphone. 1928 ito nangyari! Ang kaunaunahang pagtawag mula sa isang gumaganang handheld mobile phone o cellphone — ang prototype ng isang DynaTAC model ng Motorola na dalawang kilo ang bigat — ay 1973 pa nangyari. Marami tuloy ang nagsabing ang babae, marahil, ay isang time traveler.

Watch the video:

Time Traveler sa Taong 1938?

Ang pangalawang insidente naman ay tungkol sa isang video clip mula 1938. Isang babae rin ang may hawak ng bagay na para ring cellphone. Gaya ng babae sa premiere ng pelikula ni Charlie Chaplin, inisip din ng mga netizens na baka isang time traveler ang babaeng ito.

Actually, may paliwanag para sa dalawang insidenteng ito pero sa puntong ito, mas mag-focus muna tayo sa sinasabi ng siyensiya tungkol sa time travel.

Time Travel Ayon sa Siyensiya

Time Travel Papunta sa Future

Ang katotohanan ay lahat tayo ay nagti-time travel. Mula nung nakaraang taon hanggang ngayon ay umusad tayo ng isang taon pasulong. Sa madaling salita bumibiyahe tayo sa panahon o nagti-time travel tayo sa bilis na isang taon sa bawat isang taon – 1 year per year.

Ang tanong — pwede ba itong pabilisin, palagay na 10 years per year? Ibig sabihin, sa loob ng isang taon pwede bang mangyari na bibiyahe tayo ng sampung taon papunta sa future? Ang sagot — PWEDE! Paano? Sa isang konseptong ipinakilala ng batikang scientist na si Albert Einstein — ang TIME DILATION!

Albert Einstein, 1947
Albert Einstein, 1947 (Public Domain)

Una niya itong tinalakay sa kanyang Theory of Special Relativity noong 1905. Ayon sa teoryang ito, hindi pare-pareho ang bilis ng oras para sa lahat. Bumabagal daw o bumibilis ang oras depende sa bilis ng galaw kaugnay o relative sa iba. Habang ang bilis ng isang bagay ay lumalapit sa speed of light, mas bumabagal ang oras para dito.

Ibig sabihin, mas mabagal ang oras para sa isang spacecraft na lumilipad sa space sa bilis na mga 8 km/sec kaysa sa oras ng isang tao sa Earth na nakapirme lang at hindi gumagalaw.

Para lang ma-imagine natin ito,  narito ang isang espesyal na orasan na tinatawag na light clock kung saan ang ilaw ang ginamit para sukatin ang oras. Isang segundo ang lumilipas tuwing makukumpleto ang pababa at pataas na pagtalbog ng ilaw. Dalawang light clocks ang gagamitin natin. Isa ang mananatili sa puwesto —  tawagin natin itong LIGHTCLOCK A... at isa ang gagalaw — tawagin natin itong LIGHTCLOCK B. . Naka-synchronize ang dalawa — ibig sabihin ay sabay na sabay ang oras nila.

Ayon din sa Theory of Special Relativity, ang speed of light ay constant, ibig sabihin ay hindi nagbabago kahit saan pa tignan o kahit nasaan ang tumitingin, kaya ang galaw ng ilaw sa parehong lightclocks ay hindi magbabago. Pero pansinin natin ang oras na siyang pwedeng magbago.

Mula sa paningin natin, mapapansin natin na mas mabagal ang takbo ng oras ng LIGHTCLOCK B, dahil mula sa kinalalagyan natin bilang observer, nakikita nating mas mahaba ang distansyang ibinibiyahe ng ilaw.

Ganito rin ang nangyayari sa isang spacecraft na lumilipad sa space sa bilis na mga 8 km/sec gaya ng International Space Station o ISS. Palagay nang ang LIGHTCLOCK B ay nakasakay sa ISS at ang LIGHTCLOCK A ay hawak-hawak mo. Para sa iyo na nasa Earth, ang oras sa LIGHTCLOCK B ay mas mabagal dahil sa distansyang ibinibiyahe ng ilaw habang ang ISS ay gumagalaw.

Samantala, ang oras ng LIGHTCLOCK A na hawak-hawak mo ay walang ipinagbago. Pero para sa astronauts na nakasakay sa ISS, walang pagkakaiba ang oras dahil para sa kanila, nakapirmes lang ang distansya nila kaparehas ng LIGHTCLOCK B at ang ilaw nito ay tumatalbog lang sa parehong lugar.

Ang pagkakaiba ng oras sa LIGHTCLOCK A at L IGHTCLOCK B ang time dilation caused by relative velocity na tinatawag ding relative velocity time dilation. May formula para makuha ito, pero huwag kayong mag-alala dahil hindi tayo magko-compute dito. Sapat nang alam ninyong may pinagbabasehan ang mga numerong pinag-uusapan natin. 

Time Dilation Formula
Photo: medium.com

Maliit lang naman ng diperensya kapag kinalkula ang time dilation sa ISS sa loob ng isang taon. Lalabas na .01 second lang. Ibig sabihin kung nanatili ang astronaut sa ISS sa loob ng isang taon, lumalabas na mas bata siya ng .01 second kaysa kung nanatili siya sa Earth.

Maliit lang ang diperensya dahil malayo pa sa speed of light ang takbo ng ISS. Ang speed of light ay approximately 300,000 km per second. Sa bilis na 8 km/s,  nasa .00267% lang ng speed of light ang bilis ng ISS — ni wala pa sa 1%.

Let’s say, may  spaceship na naimbento na mas mabilis sa ISS — 50% ng speed of light o mga 150,000 km per second. Computing for time dilation, sa isang oras sa spaceship, isang oras at siyam na minuto na ang lumipas sa Earth

Bilisan pa natin. Sa bilis na 86.6% ng speed of light o 259,800 km per second, sa  isang oras sa spaceship, dalawang oras na ang lumipas sa tao sa earth.

At sa bilis na 99.99% ng speed of light, ibig sabihin ay malapit na malapit na talaga sa speed of light, sa isang oras sa spaceship, 71 hours na ang lumipas sa earth o halos 3 araw ang inilakbay ng spaceship papunta sa future sa loob lamang ng isang oras.

Kung may maiimbento na spaceship na ganito kabilis ang takbo, ito na ang pwedeng maging time machine papunta sa future. Ang kaso, sa ganitong sistema, 1 way lang ang biyahe. Hindi na mababalikan ng astronaut ang panahong nalagpasan niya sa Earth

May isa pang klase ng time dilation — ang time dilation dulot ng gravity o gravitational time dilation.

Sa Theory of General Relativity na sinulat naman ni Einstein noong 1915, sinabi niya na ang isang bagay na mabigat at malaki ay nagdudulot ng kurba o pagbaluktot ng spacetime. Ang kurbang ito ang nararanasan nating gravity. Binabaluktot at naapektuhan ng gravity ang spacetime.  Mas malapit ang isang bagay sa sentro ng gravity, mas bumabagal ang oras.

Ang terminong spacetime ay galing sa naging guro ni Einstein na si Hermann Minkowski. Alam natin na ang space ay may tatlong dimension – length, width at height. Pero ayon kay Minkowski ang time ay ang ika-apat na dimension na hindi hiwalay sa tatlong dimensions ng space kaya tinawag niya itong spacetime.

Interstellar Movie Poster
Photo: Interstellar

Ang pelikulang Interstellar na unang ipinalabas nung 2014 ang may pinakamagandang pagpapakita ng epekto ng time dilation dulot ng gravity. Sa planetang puno ng tubig na tinawag nilang Miller’s planet, ang isang oras ay katumbas ng pitong taon sa Earth. Dahil umiikot ang Miller’s planet sa Gargantua, na isang supermassive black hole, ang oras sa Miller’s planet ay napakabagal kumpara sa Earth. 

Sakay ng mas maliit na shuttle, mga tatlong oras ang itinagal sa Miller ng mga bidang si Cooper at si Brand, habang ang Endurance, ang mothership nila, ay iniwan nilang naka-park sa orbit na malayo-layo sa Miller. Pagbalik nila sa Endurance, 23 years na ang lumipas at ang kasamahan nilang naiwan dito na si Romilly, ay tumanda na.

Alam naman natin na ang puwersa ng gravity sa mga black holes ay sobrang lakas kaya nga sinasabing kahit liwanag ay hindi makakatakas dito. Ang gravity mismo sa Miller’s planet ay 130% na mas malakas kaysa sa gravity sa Earth.

Isa pang nangyaring time dilation sa pelikula ay ang eksenang lalapit sila sa mismo sa Gargantua. Hindi na sapat ang gasolina nila kaya upang makarating sa Edmund’s planet, ang huling kandidatong planetang  posibleng habitable o pwedeng tirhan ng tao, kinailangan nilang lumapit sa Gargantua para sa slingshot maneuver na magtatapon sa  Endurance sa nasabing planeta. Ang time dilation dito ay lalong  napakalaki. Nabanggit ni Cooper na 51 years ang dadagdag sa panahong lilipas sa Earth.

Sorry sa spoilers, kung hindi niyo pa napanood ang pelikulang ito, pero sa ending ay makikita nating tumanda na ang anak ni Cooper na si Murphy, na iniwan niya nung 10 years old pa lang ito, bago siya maglakbay sa space. Samantala, ang itsura ni Cooper ay halos pareho lang ng umalis siya kahit ang edad niya sa Earth time ay 124 years old na.

Kung baga, sa mga tatlong taon lang na aktuwal na bumiyahe si Cooper sa space, halos 90 years na ang lumipas sa Earth.

Ang lahat ng ito ay dahil sa gravitational time dilation at maraming beses sa pelikula na binanggit ng mga bida ang Theory of Relativity bilang reference. Makatotohanan ang pelikula sa puntong siyentipiko dahil kinonsulta ng direktor na si Christopher Nolan ang physicist at awardee ng 2017 Nobel Prize in Physics na si Kip Thorne upang siguraduhing scientifically correct ang mga eksena at dialogues.

Sa totoong buhay, nakikita natin na ang time travel papunta sa future ay posible at nangyayari na pero ang diperensya o ang time dilation ay maliliit lang. Dahil sa kasalukuyang  teknolohiya natin, matagal pa bago makaimbento ng spaceship na may bilis na kalahati man lang ng speed of light. 

Parker Solar Probe
Photo: NASA

Ang may hawak ng record ng pinakamabilis na spaceship ay ang Parker Solar Probe ng NASA. Ito ang kaunaunahang misyong nakalapit sa araw upang pag-aralan ito nang husto. Nito lang November 2021 ay nakapagtala ang Parker Solar Probe ng bilis na umabot sa 163 km per second. Gayunpaman, iyan ay .05% lang ng speed of light. Ni hindi pa rin umabot sa kahit 1% lang.

Malabo rin na magkaroon ng misyong makakalapit ang tao sa isang blackhole gaya ng nangyari sa interstellar. Matatagalan pa bago bumiyahe ang tao sa Jupiter na syang may pinakamalakas na gravity sa mga planeta sa solar system. Kaya hindi rin natin mapapakinabangan ang gravitational time dilation para mag-time travel nang mas mabilis sa future.

Time Travel Pabalik sa Nakaraan

Paano naman ang pabalik sa nakaraan? Kung totoo ngang mga time travelers ang dalawang babaeng may hawak ng cellphone, sila ay galing sa panahong hindi aaga sa 1973 at bumalik sila sa 1928 at 1938.

Actually, ang biyaheng pabalik sa nakaraan ang mas mahirap ipaliwanag. Base pa rin sa Theory of Special Relativity, posible lang itong mangyari kung ang sasakyan ay kayang lumagpas sa speed of light. 

Ang kaso, ayon na rin sa parehong teorya, walang kayang bumilis pa sa speed of light dahil habang bumibilis ang isang bagay, lumalaki din ang enerhiyang kailangan para pabilisin ito. INFINITE o walang hanggan sa sobrang laki, ang kailangang enerhiya para mapabilis ang isang bagay na sing bilis ng speed of light. At hindi pa nadidiskubre ang materyal na makapagbibigay ng ganitong enerhiya.   

May mga konseptong naiisip ang mga scientists na paraan upang makabalik sa nakaraan pero puro hypothetical lang ang mga ito at malayo pang mapatunayan.  Ang isa ay ang tachyon na isang hypothetical particle na mas maliit pa sa atom at pirmeng gumagalaw ng mas mabilis pa sa speed of light. Wala pang patunay na nge-exist nga ito.

Einstein-Rosen Bridge (Wormhole)
Ang isa pang konsepto ay ang wormhole na tinatawag ding Einstein-Rosen Bridge. Ipinangalan ito kina Albert Einstein at Nathan Rosen na parehong nakaisip at nakapag-develop ng teorya tungkol sa wormhole.

Para itong isang tunnel o tulay na shortcut at kumokonekta sa dalawang magkahiwalay na tuldok sa spacetime – maaring magkahiwalay na lokasyon o magkahiwalay na panahon. 

Sa pelikulang Interstellar, ginamit ang wormhole bilang daan papunta sa ibang galaxy. Isang paraan para ma-imagine natin ang wormhole ay ang isang papel na guguhitan natin ng dalawang tuldok na medyo magkalayo pero sa parehong side ng papel. 

Explaining Wormhole Using Paper and Pen

Ang papel ay sumisimbolo sa spacetime at ang dalawang tuldok ang magkalayong lokasyon o panahon. Kapag pinagdugtong mo ang dalawang tuldok sa pamamagitan ng pagbaluktot sa papel ay parang ganito rin ang wormhole na pinaglalapit ang dalawang magkalayong lokasyon o magkaibang panahon.

Pero kahit ang wormhole ay naaayon sa Theory of Relativity, nakita ng mga scientists na napaka-unstable nito. Hindi posibleng makatawid dito ang tao o kahit anong bagay dahil madali itong maguho. Upang mapanatili itong stable, kailangan ng exotic matter o matter na mayroong negative mass. Again, wala pang napapatunayang nage-exist ang mga ito. 

Time Travelers Nga Ba Sila? Ang Kasagutan...

Yung babaeng taga-1928 at yung isang taga-1938, na parehong tila may hawak na cellphone, ay hindi nag-time travel. Ang posibleng hawak nila ay mga lumang modelo ng hearing aid na ginamit upang makatulong sa mga may problema sa pandinig nung panahong iyon.

Sa panahong totoong mayroon nang time travel pabalik sa nakaraan, malamang ang paraan ng komunikasyon ay hindi na rin kagaya ng cellphone na gamit natin ngayon, na nangangailangan ng network signal na wala naman nung 1928 o 1938. . 


Comments

Popular Posts

Agartha at mga Teorya Tungkol sa Hollow Earth (Part 1)

May kaharian daw sa kaloob-looban ng ating mundo, sa kaila-ilaliman ng ating kinatatayuan, at hindi daw totoo na solid ang core o pinakagitna nito gaya ng napag-

Totoo ba ang HOLLOW EARTH Ayon sa Siyensiya? (Part 5)

Isang napakagandang mundo! Isang sibilisasyong walang kaguluhan, walang tumatanda, masagana ang buhay, malinis ang hangin, mababait ang

Pilipinas, Makakagamit ba ng 1Gbps Starlink Internet ni Elon Musk?

Makakatulong kaya at mapapakinabangan sa Pilipinas ang Starlink satellite project ni Elon Musk at ng SpaceX?