Alam nating ang galaxy kung saan tayo nabibilang ay tinatawag na Milky Way galaxy. Pero napakarami pang hiwaga at kamanghamanghang bagay ang malamang ay hindi niyo pa alam tungkol dito.
Narito ang 9 na nakamamanghang kaalaman tungkol sa Milky Way galaxy.
1. Bakit kapangalan ng galaxy natin ang isang chocolate bar?
Ayon sa kasaysayan, tinawag ng mga Romans ang galaxy na “via lactea” na ang translation ay “road of milk” o “daan ng gatas.” Ito ay dahil kapag tinignan nila ito sa kalangitan ay mukha itong patse ng gatas.
Pero sinasabi ring nakuha lang ito ng mga romano sa mga Greeks o griyego na tinawag itong “galaxias kyklos” na ang ibig sabihin ay “milky circle” o “magatas na bilog.”
Nanggaling ang kuwento sa Greek Mythology, kung saan si Zeus, na dios ng kalangitan, ay may anak sa labas, si Heracles na kilala rin sa tawag na Hercules.
Watch it here:
Ang ina ni Hercules ay isang mortal at ordinaryong babae kaya’t ang bata ay hindi rin naging imortal. Pero may paraan upang maging imortal si Hercules. Ito ay kung makakainom siya ng gatas mula kay Hera na isang diyosa at totoong asawa ni Zeus.
Pero galit si Hera sa anak sa labas ni Zeus kaya itinaon ni Zeus na natutulog si Hera para pasusuhin ang sanggol. Nang nagising si Hera, itinulak niya agad ang bata at natapon ang ilang patak ng gatas sa kalangitan.
Kaya ito ang tinawag nilang “galaxias kyklos.” Walang kinalaman ang masarap na tsokolate sa naging pangalan ng ating galaxy.
Ngayon, sa science, ang depinisyon ng galaxy ay isang malaking koleksyon o pagsasama-sama ng gas, alikabok at bilyon-bilyong mga bituin at kani-kanilang mga solar systems. Lahat ng ito ay binagbubuklod ng gravity at isa nga dito ang Milky Way.
2. Ang Milky Way ay halos kasing tanda ng universe.
Ang edad ng universe ay nasa 13.77 billion years old. Karamihan ng mga galaxies ay nasa pagitan ng 10 billion at 13.6 billion years old. Ibig sabihin, karamihan ng mga galaxies ay nabuo nang ang universe ay medyo bata pa.
Base sa edad ng mga matatandang bituin sa ating galaxy, tinatantya ng mga astronomers na ang Milky Way ay isa sa mga matatandang galaxies na nasa mga 13.6 billion years old.
3. Ang Milky Way ay isang cannibal at nabuo mula sa ibang galaxies na kinain niya.
Ang lawak ng Milky Way galaxy o ang diameter nito ay tinatantyang mga 100,000 light years. Ibig sabihin, kung ikaw ay nakakalipad ng singbilis ng speed of light, aabutin pa ng 100,000 years, mula sa isang panig para marating mo ang kabilang panig ng Milky Way. Ganoon siya kalaki!
Pero lumaki lang siya ng ganoon dahil marami na siyang nakaing ibang galaxies kaya sinasabing isang cannibal ang Milky Way. Ang ibig sabihin nito, kapag may mas maliit na galaxy na napalapit sa Milky Way, mahihila ng gravity ng Milky Way ang mas maliit na galaxy.
Sa pagsasanib ng dalawang galaxies, tila nilamon ng Milky Way ang mas maliit na galaxy at ngayon ay bahagi na ito ng Milky Way.
Sa paghila ng gravity ng Milky Way, ang mga bituin ng mas maliit na galaxy ay mahihila na parang isang tali ng mga bituin. Tinatawag itong stellar stream at ang susunod na mangyayari ay iikot ito sa halo o yung pinakagilid na nakapalibot sa galaxy.
Dahil sa mga stellar streams ay nalalaman ng mga astronomers ang mga pinagkainan ng Milky Way. Ayon sa pag-aaral, may mga labinlimang galaxies na ang kinain ng Milky Way. Kasama na dito ang dwarf galaxy na Gaia Sausage na tinatawag ding Gaia Enceladus.
Credit: European Space Agency |
Hindi pa tapos sa pagkilala ng ibang nakaing galaxies ang mga astronomers at patuloy pa ang kanilang pag-aaral. Katunayan, kahit sa kasalukuyan ay may kinakain pa rin ang Milky Way.
Nasa proseso ito ngayon ng paglunok ng Canis Major Dwarf Galaxy, Sagittarius Dwarf Galaxy, ang Large Magellanic Cloud at ang Small Magellanic Cloud.
Ang Milky Way mismo ay inuumpisahan nang kainin ng mas malaking Andromeda galaxy at sa loob ng mga 5 billion years ang dalawang spiral galaxies ay magiging isang giant elliptical galaxy.
4. May mga 200 billion stars sa Milky Way
Actually hindi naman talaga kayang mabilang ng eksakto ang dami ng bituin dahil iba-iba ang laki at bigat ng mga ito. Ang tantya ng mga astronomers ay nasa pagitan ng 100 billion at 400 billion ang dami ng bituin sa Milky Way at ang ating araw ay isa lang sa bilyon bilyong mga bituing ito.
Ang galaxy natin ay medium lang ang laki, pero ang isa sa pinakamalaking nadiskubreng galaxy — ang IC 1101 ay may mahigit sa 100 trillion stars!
5. Nasaan tayo sa Milky Way?
Ang ating solar system ay malapit sa tinatawag na Orion Arm o Orion Spur na nasa pagitan ng Sagittarius arm at Perseus arm.
Credit: NASA |
6. Ang Earth ay 18 Galactic years old pa lang.
Ang ating solar system, ibig sabihin ang araw, kasama ang mga planeta, dwarf planets, mga buwan, asteroids, meteors at lahat ng umiikot dito kasama na tayo dito sa Earth, ay nagbibiyahe paikot sa Milky Way sa bilis na 230 km/sec o 828,000 km/hr.
Sa ganitong bilis, aabutin pa rin ng 250 million years bago nito makumpleto ang isang ikot. 4.5 billion years old ang edad ng ating planeta. Ibig sabihin nakaka-18 na kumpletong ikot pa lang tayo sa Milky Way o 18 galactic years old pa lang tayo.
250 million years ago, kung kailan huling nasa parehong spot tayo sa Milky Way, nagsisimula pa lang sumulpot ang mga dinosaurs.
7. Ang Milky Way at karamihan sa malalaking galaxies ay may higanteng black hole sa pinakagitna nila.
Ang black hole sa gitna ng Milky Way ay pinangalanang Sagittarius A*. Ito ay mga 4.3 million times na mas mabigat sa ating araw at may lawak na 22 million km. Huwag kayong mag-alala, infomates dahil ang layo ng ating solar system sa Sagittarius A* ay mga 25,000 light years kaya safe na safe naman tayong hindi mahuhulog sa black hole na ito.
Credit: Event Horizon Telescope |
Kamakailan lang ay inilabas ng Event Horizon Telescope Team ang tunay na imahe ng Sagittarius A* pero bago ito, ay hindi direktang nade-detect ng mga astronomers ang black hole. Sa pag-obserba sa galaw ng mga bituin malapit sa sentro ng Milky Way, lumilitaw na may napakabigat na bagay na nakakaapekto sa kanila.
Ito ang nagpapahiwatig na posibleng ang malaking bagay na ito ay isa ngang black hole. Pero sa pagkakuha ng Event Horizon Telescope ng imahe ng Sagittarius A*, may pisikal nang ebidensya na nage-exist nga ito.
8. Gumagalaw at bumibiyahe rin ang Milky Way.
Dahil sa puwersa at impluwensya ng gravity na nasa universe, ang lahat sa space ay gumagalaw. Kasama na diyan ang Milky Way.
Gaya ng araw at lahat ng mga planeta, ang buong Milky Way galaxy ay umiikot rin na parang trumpo. Gaano kabilis? Mga 210 km/sec lang naman. Iyan ay ang pag-ikot niya sa sarili niya o yung tinatawag na rotation o spin.
Pero bukod diyan, bumibiyahe rin sa universe ang Milky Way. Ang Cosmic Microwave Background, ang radiation na naiwan mula sa Big Bang ang ginagamit ng mga astronomers bilang reference point upang sukatin ang bilis ng mga bagay na gumagalaw sa space, gaya ng Milky Way.
Ang kanilang kalkulasyon? Ang bilis ng Milky Way ay nasa 2.1 million km/hr.
9. Saan naman papunta ang Milky Way? May iniikutan rin ba ito?
Ang simpleng sagot, wala siyang iniikutan. Kung saan siya papunta ay naging isang malaking misteryo para sa mga astronomers.
1929 nang nadiskubre ni Edwin Hubble na ang mga galaxies ay lumalayo sa atin. Naipakita niya na mas malayo ang galaxy sa atin, mas mabilis ang galaw nito papalayo. Dahil dito, napatunayan niya na ang universe ay nage-expand at ang lahat ng mga galaxies ay lumalayo sa bawat isa. Ang resulta ng discovery na ito ang tinaguriang Hubble’s Law.
Pero nung 1970’s hanggang 1980’s, nakita ng mga scientists na may kakaibang nangyayari sa Milky Way na hindi naaayon sa Hubble’s Law. Tila nahihila ito, kasama ng iba pang galaxies sa isang direksyon papunta sa konstelasyon ng Centaurus.
Hindi maintindihan ng mga astronomers kung bakit o kung anong makapangyarihang puwersa ang humihila sa ating galaxy at iba pa nitong kasamahang mga galaxies. Tinawag nila ang rehiyon kung saan papunta ang mga galaxies na “The Great Attractor” at itinuring na isang anomalya.
Tinatantyang ang Great Attractor ay may diameter na mga 300 million light years at ang pinakasentro nito ay mga 147 mllion light years ang layo mula sa Earth.
Noong una ay inakala pa ng iba na ito ay isang supermassive black hole. Nahirapan ang mga astronomers na makita ito dahil sa mga gas, dust at bituin na nakakatabon dito. Pero nung 2005, sa pamamagitan ng x-ray astronomy, ang nakita nila sa lokasyon ng Great Attractor ay ang napakalaking supercluster ng mga galaxies na tinatawag na Norma Cluster.
Gayunpaman, hindi pa rin tumutugma sa galaw ng Milky Way at ibang galaxies ang hila ng Norma Cluster a.k.a. The Great Attractor. Katunayan, mismong ang Great Attractor ay nahihila ng mas malakas pang puwersa. Ang puwersang ito ay nanggagaling sa mas malaki pang supercluster na tinatawag na Shapley Supercluster na kinabibilangan ng mahigit pa sa walong libong galaxies.
Delikado ba tayo dito? Ang sabi ng mga astronomers, hindi darating ang panahong makakarating o mahuhulog tayo sa Great Attractor o kahit sa Shapley Supercluster dahil ang mga superclusters na ito ay mabubuwag rin.
Sa bandang huli, matatalo ng dark energy na siyang sanhi ng expansion ng universe ang gravity na siya namang nagbubuklod sa mga superclusters.
Comments
Post a Comment