Tren na may lulang isang daan at apat (104) na katao, pumasok sa isang lagusan sa bundok pero hindi na nakalabas sa kabilang dulo? May mga kuwentong lumitaw daw ang tren na ito na sakay pa rin ang parehong mga pasahero pero nasa ibang panahon at lugar na sila. Nag time travel nga ba ito? Posible nga bang magawa ng siyensiya ang time travel?
Libreng Sakay sa Zanetti Train
Sa bansang Italia, nag-organisa ang kumpanya ng tren na Zanetti ng bagong marketing campaign. Ito ay para i-demo ang bago nilang excursion train. Ang ginawa ng Zanetti, inimbitahan nila ang mga kilala sa lipunan – yung mga mayayaman at makapangyarihan – upang sumama sa libreng sakay sa tren na lilibot at ipapasyal sila sa mga magagandang lugar sa Italia.
Hapon ng ika-labing-apat ng Hunyo, taong 1911 (June 14, 1911), mahigit sa isang dosenang katao ang nakasaksi sa paglisan ng Zanetti Train sa istasyon sa Roma. Isang daang (100) pasahero at anim (6) na crew ang nakasakay sa tren na may tatlong (3) bagon. Masaya at enjoy na enjoy ang mga pasahero sa biyaheng ito na nagtsitsikahan at umiinom pa ng champagne. Isa sa destinasyon ng tren ang mahabang tunnel na inukit sa bulubundukin ng Lombardy.
Misteryosong Tunnel sa Bundok ng Lombardy
Ayon sa kuwento, nang malapit na ang tren sa nasabing tunnel, bumagal ang takbo nito, at nagbuga ng makapal na itim na usok na umakyat pataas sa hangin. Tumuloy na pumasok ang tren sa loob ng tunnel at hindi na ito lumabas.
Sinasabing ang tunnel ay isang mahabang diretso lang at ang dulo nito ay ang labasan na. Wala itong paliko-liko kaya’t kung tuloy-tuloy ang takbo ng tren ay dapat na simple lang itong makalalabas sa kabilang dulo.
Inimbestigahan ng mga opisyales at kapulisan ng Roma ang pagkawala ng tren at ng mga pasahero nito. Hinalughog at binungkal ang tunnel pero walang bakas ng tren o ng kahit isa sa mga nawawalang pasahero nito ang nakita. Walang makapagpaliwanag kung paanong naglaho na lang ito ng parang bula.
May Nakaligtas
Natural na malaking pangyayari ito sa Italia dahil kilala nga sa lipunan ang mga pasahero nito. Nabalita ito sa mga pahayagan at lumilitaw sa panayam ng mga nakasaksi na mayroon palang dalawang pasahero na nakaligtas sa insidente.
Naramdaman daw ng dalawang ito na may hindi tama kaya ilang segundo lang bago tuluyang nakapasok ang tren sa tunnel, ay nakuha nilang makatalon palabas ng tren.
Isa sa mga nakaligtas ang naglahad ng detalye ng pangyayari sa isang local newspaper. Sinabi nito na may narinig siyang tunog na hindi masyadong malinaw pero parang humuhuni. Napansin din nito ang makapal na itim na usok na lumitaw bago pumasok ang tren sa lagusan. Pero bukod daw sa itim na usok ay may nakita din siyang maputi o kulay gatas na hamog na gumagapang mula sa tunnel.
Parang kinakain at nilululon daw ng puting hamog na ito ang tren gaya ng isang malaking alon. Nakita niyang nabiyak at bumuka ang nauunang bagon. Nangilabot daw siya sa takot sa nakita niyang ito. Noong sandaling iyon ay pabagal na daw ng pabagal ang takbo ng tren kaya nakatalon siya palabas. Namataan din daw niya ang isa pang pasahero na nakatalon din mula sa tren kasabay niya. Pareho silang matindi ang pagkabagsak sa lupa at iyon na raw ang huli niyang natandaan.
Dahil sa insidenteng ito ay nagkaroon ng takot ang mga Italiano noong panahong iyon sa paggamit ng tren kaya umiwas silang sumakay dito. Ang mahiwagang lagusan o tunnel ay ipinasara na rin.
Mga Monghe sa Modena sa Malayong Nakaraan
Yung isa sa mga pasaherong tumalon mula sa tren ay nabibilang pala sa pamilya ng mga Sadjino. Ang mahabang henerasyon ng pamilyang ito ang nangangalaga ng koleksiyon ng mga lumang documento ng kasaysayan ng Medieval Era o Middle Ages sa Italia. Sakop ng panahong ito ang mga taong 500 AD hanggang 1500 AD. Ang mga kasulatan ay nakatago sa Casta Soleo na pag-aari ng mga Sadjino.
May kamangha-manghang nadiskubre ang pasaherong nakaligtas sa tren na tatawagin nating si Ginoong Sadjino. Sa kanyang pagbabasa ng mga lumang kuwento ng Medieval Era ay nadaanan niya ang isang paglalahad tungkol sa isang kakaibang natunghayan ng mga monghe sa monasterio sa probinsya ng Modena.
Ayon sa naitala, may malaking makina ang biglang sumulpot sa may dingding ng monasteryo. Inilarawan ng mga monghe ang nakita nilang bagay na parang karetang may tubong bumubuga ng nakasusulasok na itim na usok at may karag-karag na tatlong mas maliliit na karuahe.
Natakot ang mga monghe. Nagpanic ang mga ito at nagtago sa simbahan ng monasterio at nagdasal para mataboy ang masamang espirito. Nang lumabas kasi ang dalawa sa mga pasahero ng kakaibang makina, inakala nilang mga padala ito ng demonyo. Sa kanilang pagkakalarawan, ang mga ito ay malinis na nakaahit at nakasuot ng itim na pananamit. Sinubukan daw ng mga ito na makapasok sa monasterio pero hindi sila nagtagumpay dahil una, saradong-sarado ang mga gate, pangalawa, matindi ang panalangin ng mga monghe at pangatlo, hindi daw hinayaan ng Birheng Maria na mangyari ito.
Gusto ko uli banggitin na ito ay nangyari nung Medieval Era na nasa pagitan ng mga taong 500 hanggang 1500 A.D. Ang pinakaunang naitala na biyahe ng tren na de-makina o steam engine ay nangyari lamang sa taong 1804. Ibig sabihin, sa katapusan ng Medieval Era, mga 300 taon pa ang lumipas bago nagkaroon ng ganitong klaseng tren. Kaya mauunawaan natin ang pagkatakot ng mga monghe sa nakita nilang sasakyan.
Nai-konekta ni Ginoong Sadjino ang kuwentong nabasa niya sa nawawalang tren. Inisip niya na ito nga kaya ang parehong tren kung saan siya tumalon?
Nag time travel nga ba ang Zanetti train?
Hindi lang iyan ang naitalang report na nagsasaad ng tungkol sa pagkakakita sa nawawalang tren.
Taong 1840 sa bansang Mexico.
Isang doktor na psychiatrist na nagngangalang Jose Saxino ang metikuloso sa pagsusulat ng kanyang mga obserbasyon at diagnosis tungkol sa kanyang mga pasyente.
Kasama sa mga naitagong notes ng doktor na ito ay tungkol sa isang daan at apat na Italyanong misteriosong lumitaw. Kakaiba daw ang mga kasuotan ng mga ito at mga naghi-histerikal.
Isinulat ni Dr Saxino ang ganito sa wikang kastila:
Isang daan at apat na katao ang inadmit sa lokal na pagamutan. Ang diagnosis ay “mass insanity” o maramihang pagkabaliw. Pare-pareho ang diagnosis sa isang daan at apat na pasyenteng ito. Isa itong pambihirang pangyayari!
Lahat ng pasyente ay kumikilos ng hindi tama at walang naiintindihan sa sinasabi sa kanila. Ang katotohanan ay wala ni isa sa kanila ang Mexikano o Kastila. Sila ay mga Italiano. Ang nakakapagtaka pa ay wala sa kanila ang nabibilang sa kahit anong barko. Ako mismo ang nagsiyasat.
Ang lalo pang hindi kapani-paniwala ay bawat isa sa kanila ang nagpahayag na dumating sila lulan ng isang tren na nagngangalang Zanetti. At sila daw ay galing sa Roma! Ang mga taga-rito tuloy ay naniniwala na ito ay isang senyales galing sa Diyos at ang mga pasyenteng Italiano ay mga emisaryo galing sa Lugar ng Walang Hanggan. Pero hindi maaaari ito dahil hindi naman makabibiyahe ang tren sa tubig!
Sa panahong iyon ay hindi pa naiimbento ang eroplano na unang inimbento at pinalipad ng magkapatid na Wilbur at Orville Wright noong December 17 1903. Ang tanging sasakyang makatatawid ng karagatan noon ay ang mga barko at iba pang sasakyang pangdagat.
Hindi na rin nalaman kung ano ang nangyari sa mga Italianong ito dahil hindi naman siguro sila ikukulong sa ospital ng mga baliw habambuhay. Ang isa sa mga pasyente ay nakitaan ng kahon ng tabako na may nakatatak na petsang 1907! Ibig sabihin ay galing ito sa future!
Ang nasabing kahon ay itinatago pa rin daw sa isang museo. Hanggang ngayon ay nananatiling isang malaking misteryo ang pangyayaring ito sa Mehico.
Fast forward sa October 29 1955
Sa may Zavalichi na isang maliit na bayan sa Ukraine, may biglang lumitaw na lumang modelo ng tren na may tatlong bagon. Nakita ito ni Pyotr Ustimenko, trabahador sa riles bilang signalman. Tahimik daw na umaandar ang tren. Naka duty nang gabing iyon si Ustimenko at nakita niya itong tren na ito na hindi naman naka-schedule. Papunta daw ang tren sa Gasfort Mountain pero wala ito sa riles. Akala nga niya ay namamalikmata lang siya at kinuskos pa talaga niya ang mga mata niya para masigurong tama ang nakita niya. At nandoon talaga ang tren na nakatabing ng kortina ang mga bintana, nakabukas ang mga pinto at walang laman ang cabin ng tsuper.
Konektado sa kuwentong ito ang isang Sementeryo sa Italia na itinayo sa Gasfort Mountain malapit sa Sevastopol. Dito inilibing ang may dalawang libong sundalong namatay sa Giyera sa Crimea na nangyari mula 1853 hanggang 1856. Pagkalipas ng ilang taon, tinayuan ng riles ng tren na nagmumula sa Balaklava ang dating sementeryong ito. Pagkatapos ng Rebolusyon sa Russia nung 1917, hindi na nagamit ang riles at tuluyan ding giniba.
Sa mga mahilig sa paranormal, tinuturing nilang ghost train ang tren ng Zanetti at iniisip na baka daw umaandar ang ghost train sa ibabaw ng ghost na riles upang sunduin ang mga Italianong sundalo na namatay sa giyera.
Hanggang 1991?
Isa sa mga naging interesado sa Zanetti train ay ang paranormal investigator na si Vasyl Petrovych Leschatyi. Siya ang Chairman of the Board for the Study of Anomalous Phenomena sa lungsod ng Poltava sa Ukraine. Namataan ni Leschatyi ang tren na may parehong deskripsyon sa tren ng Zanetti na tumatawid sa riles noong September 25 1991. Hindi na niya pinalagpas ang pambihirang pagkakataong ito. Tumalon siya at nakaapak sa footboard ng tren para makasakay dito. Hindi na siya uli nakita mula noon at opisyal na dineklara ang kanyang pangalan sa talaan ng mga nawawalang tao.
Sa ngayon ay giba na rin ang tunnel sa bundok ng Lombardy dahil nung ikalawang giyerang pandaigdig o World War II ay nahagip ng bomba ang nasabing tunnel at sumabog ang pasukan nito.
Dahil sa paglitaw ng Zanetti train sa iba’t ibang panahon at lugar, sinasabing ito ay parang time machine na nagti-time travel.
Time Travel Ayon sa Siyensya
Panoorin ang video sa ibaba para sa kuwento ng Zanetti train. Para sa paliwanag ng siyensiya sa posibilidad ng time travel, maari kang pumunta sa 11:59 timestamp.
Comments
Post a Comment