Elon Musk Planong Ibalik ang Ganda ng Mars at Gamitin ang Starship sa Biyaheng Earth to Earth (Part 3)
Bakit Mars? Bakit ang planetang iyon ang gustong pagtayuan ni Elon Musk ng bagong kolonya ng mga tao kahit napakawalang-buhay at ni walang tubig at oxygen doon? At ano nga ba ang kongkretong plano ni Elon para mangyari ito?
Table of Contents
Exoplanet na Pwedeng Tirhan ng Tao?Mars lang ba ang Pwedeng Lipatan sa Solar System?
Dating maganda ang Mars.
Kulang ang Carbon Dioxide sa Mars?
Kapag na-"terraform" ang Mars
Rocket na Sasakyan Papuntang Mars
Timeline ng Misyon sa Mars ni Elon Musk
Kumusta na ang Schedule?
Starship para sa Biyaheng Earth to Earth (parang airlines)
Nasa part 3 na tayo ng seryeng “Misyon sa Mars ni Elon Musk.” Sa PART 1 ay ipinakilala natin ang bilyonaryong si Elon Musk. Sa PART 2 naman ay hinimay natin ang mga problemang kakaharapin ni Elon at ng SpaceX sa Mars.
Exoplanet na Pwedeng Tirhan ng Tao?
Nung July 23 2015, kinumpirma ng NASA na nadiskubre ng kanilang Kepler Mission ang isang planeta, na tinawag nilang Kepler-186f, na halos kasinglaki ng Earth, at posibleng may tubig. Kaya lang, ito ay nasa ibang solar system, ibig sabihin ibang araw ang iniikutan ng planetang ito, kasama ng apat pang ibang planeta.
Ang star system na ito ay tinatawag na Kepler-186 system. Ang layo nito mula sa Earth ay 500 lightyears. Ang isang lightyear ay katumbas ng 9.46 trillion kilometers! Ang kasalukuyan nating mga rocket at spaceship ay wala pang kakayahang makapagbiyahe ng ganito kalayo, kaya, balik muna tayo sa ating sariling solar system.
Mars lang ba ang Pwedeng Lipatan sa Solar System?
Ang ating solar system ay may walong planeta at limang dwarf planets. Sa lahat ng ito, ang pinakamalapit lang na pwedeng lakbayin sa ngayon ng mga spaceship na makapagdadala ng tao mula sa Earth ay Mercury, Venus at Mars.
Ang Mercury ay lubhang napakalapit sa araw kaya napakainit dito. Kahit ang mga metal dito, gaya ng lead, ay natutunaw. Sa Venus, kahit mas malayo sa araw, ay mas mainit pa kaysa sa Mercury. Ito ay dahil mas makapal ang atmosphere sa Venus at ang init na nakukulong sa atmosphere nito ay tinatawag na “greenhouse effect.” Ang mga ulap sa Venus ay binubuo ng asido o sulfuric acid, kaya ang ulan dito ay asido din. Yun nga lang, dahil sa sobrang init, nage-evaporate na ang ulan bago pa bumagsak sa lupa.
Wala pa tayong teknolohiya para palamigin ang Mercury o ang Venus, pero ang painitin ang Mars, sa teorya, ay kaya na ng kasalukuyang teknolohiya.
Dating maganda ang Mars.
Ang isa pang dahilan kung bakit ang Mars ang pinagtutuunan ng pansin ni Elon Musk ay, base sa matagal nang pag-aaral tungkol sa Mars, ang posibilidad na mga bilyones na taon sa nakaraan ay maganda ang planetang ito na may tubig at tamang hangin bago mawala ang magnetosphere nito at numipis ang atmosphere.
May mga kailangan lang gawin para manumbalik ang dating Mars, gaya ng painitin uli ang temperatura nito, pakapalin ang atmosphere at may mga teorya na pwedeng maglagay ng artipisyal na magnetosphere dito.
Lumilitaw din sa mga pananalita ni Elon Musk ang salitang terraforming, na isang paraan para mapanumbalik ang ganda ng Mars. Ang terraforming ay isang hypothetical na prosesong naglalayong baguhin ang isang planeta para maging katulad ng Earth na puwedeng mabuhay at matirhan ng tao. Hypothetical-- dahil hindi pa ito napapatunayan at wala pang ebidensiya na pwede itong mangyari.
Sa kaso ng Mars, umaasa si Elon Musk na pwedeng gamitin ang terraforming sa paraan na gaya ng climate change o global warming na nangyayari ngayon sa earth, pero sasadyain at pabibilisin ang prosesong ito sa Mars. Ang ideya ay tunawin ang mga nagyeyelong bahagi ng Mars na pinaniniwalaang mayaman sa carbon dioxide upang gawing mas mainit at mas basa ang planeta.
Kulang ang Carbon Dioxide sa Mars?
Ang kaso, noong isang taon lang, may mga experto sa mars na naglathala ng kanilang pag-aaral sa online scientific journal na “nature astronomy.” sinasabi dito na ang imbak daw na carbon dioxide ng mars, base sa kanilang pagkukuwenta, ay hindi sapat para makalikha ng tamang atmosphere kaya’t hindi pa rin posible ang terraforming.
Pero kinontra ito ni Elon Musk at sinabi nito sa isang tweet na ang malaking quantity ng carbon dioxide ay na-adsorb sa makakapal na layer ng lupa sa mars. Ang adsorption ng carbon dioxide sa lupa ay kapareho lang ng kung paano hinihigop ng uling ang mababahong amoy sa refrigerator. Sa tamang init ay makakawala ang mga na-adsorb na carbon dioxide na ito. Ang init ay puwedeng manggaling sa natural o artipisyal na pamamaraan.
Tama si Elon dito dahil may mga nauna nang pag-aaaral na sinusuportahan ang impormasyong ito. Kaya buo pa rin ang paniniwala ni Elon na posibleng ma-terraform ang Mars.
Kapag na-"terraform" ang Mars
Kapag nangyari ito, ang susunod na hakbang ay ang magpatubo ng mga halaman para mag-produce ng oxygen na kailangan ng tao para makahinga. Mga lumot at mikrobiyo ang gagamitin para magkaroon ng matabang lupa.
Wow! Napakahirap ng proseso. Pero desidido at determinado si Elon. Narito ang kanyang plano.
Rocket na Sasakyan Papuntang Mars
Sa ngayon ay pinagbubuti ng SpaceX ang pagdi-disenyo at paglikha ng rocket na kakayanin ang biyahe sa Mars sa pinaka-abot-kayang halaga. Noon, bago pa lumitaw ang SpaceX, ang nakapagpapataas sa gastos ng space transportation ay ang kawalan ng kakayahan ng mga sinaunang spacecraft na makabalik ng buo sa Earth upang magamit uli. Ang nangyayari noon ay, matapos itong lumipad ay bumabagsak na lang ito sa Earth at hindi na uli nagagamit. Sayang!
Nagkaroon nga ang NASA ng Space Shuttle program na nagagawang bumalik at mag-landing sa Earth na parang karaniwang jet, pero mahal din ang bawat lipad nito at ang pagkukumpuni para magamit uli. Kadalasan ay kailangan pa rin palitan ang mga iba't-ibang bahagi na na-damage dahil sa tindi ng temperatura at pressure na sinasabak nito paalis at pabalik ng Earth. Hindi rin nakakalayo masyado sa Earth ang Space Shuttle.
Nagkaroon pa ng dalawang malalaking aksidente nang sumabog ang Space Shuttle Columbia pabalik sa Earth at ang Space Shuttle Challenger na sumabog wala pang dalawang minuto na nakakalipad. Labing-apat na astronaut ang hindi nakaligtas sa dalawang aksidenteng ito. Hindi na ipinagpatuloy ng NASA ang programa. Ang pinakahuling nag-landing ay ang Space Shuttle Atlantis nung July 21 2011.
Ayon kay Elon Musk inihahanda na nila ang pinakamalaki, pinakamatibay at pinaka-abot-kayang rocket na pwede uling gamitin na hindi na nangangailangang palitan ang mga piyesa. Ang rocket nga na ito ay ang Starship, na dating tinawag na Big Falcon Rocket.
Photo: SpaceX |
Timeline ng Misyon sa Mars ni Elon Musk
2022: Sa orihinal na plano ni Elon at ng SpaceX, sa taong 2022, dalawang Starship ang pupunta sa Mars upang magdala ng mga tag-isang daang toneladang kargamento. Wala pang taong nakasakay sa misyong ito na magkukumpirma ng pagkukuhanan ng tubig, susuriing mabuti ang mga panganib, maglalagay ng power supply, ihahanda ang pagmimina at life support para sa mga susunod na misyon.
Taong 2023, gagamitin ang Starship para sa biyaheng iikot sa buwan na may sakay na mga piling indibidwal na parang turistang nagbayad para sa isang package tour.
Ang unang kumpirmadong sakay nito ay si Yusaku Maezawa, isang bilyonaryong hapon na binayaran ang buong trip para sa anim hanggang walong katao. Pinili niyang makasama ang mga kilala sa sining gaya ng mga pintor, iskultor, musikero, arkitekto at manunulat.
Ipinangako ni Elon na ang trip to the moon na ito ay ila-livestream gamit ang high definition virtual reality kaya ang mga manonood ay parang naroon din at realtime ito. Delayed lang ng ilang segundo dahil sa speed of light.
Taong 2024, kung matagumpay ang mga naunang misyon, magpapadala pa ang Spacex ng dalawang Starship na may dalang cargo at dalawang Starship naman na may lulan nang mga sandaang katao. Kung pupunuin ang bawat starship ay mga 200 na tao lahat-lahat ang makakasama sa biyaheng ito, pero hindi pa malinaw kung ganito nga ang gagawin ng SpaceX.
Bakit dalawang taon ang pagitan ng biyahe sa Mars? Dahil ang pangyayari kung saan pinakamalapit ang position ng earth at Mars ay tuwing dalawang taon lang. Pag natiyempuhan ito ng biyahe ay malaki ang matitipid sa gastos, partikular na sa fuel dahil mas maiksi ang biyahe ng mga 33.9 million miles.
Taong 2025, maglalanding na ang bumiyaheng 2 Starship na may kasamang mga tao sa Mars.
Sa misyong ito, magtatayo na mismo sa Mars ng propellant production plant gamit ang mga solar panels, para sa paggawa ng mga bago at karagdagang rocket. Magtatayo rin ng mga istruktura na kailangan para makapagproseso ng tubig, makakuha ng carbon dioxide sa atmosphere ng Mars, makalikha at makapag-ipon ng CH4 (o methane) at O2 (o molecular Oxygen) para magamit na fuel sa Starship pabalik sa Earth o pwede ring papunta sa iba pang mga planeta.
Kumusta na ang Schedule?
Malapit na ang 2022 at sa ngayon ay ni hindi pa nangyari ang unang orbital flight test ng Starship kaya malamang ay maurong lahat ng planong ito.
Ang vision ni Elon Musk ay, umpisa sa isang Starship, magdadagdag ng iba pang mga Starship, tapos ay uumpisahan nang itayo ang siyudad, at palalakihin ito ng palalakihin, kasabay ng pag-terraform sa Mars hanggang ito ay maging isang magandang planeta.
Nakikita ni Elon na sa taong 2050, ay mayroon nang self-sustaining city o isang siyudad na kayang tuloy-tuloy na mamuhay sa Mars.
Starship para sa Biyaheng Earth to Earth (parang airlines)
Eto pa ang isang exciting na balita! Bukod sa pagpunta sa Mars, sinabi ni Elon Musk na naisip din nilang gamitin ang Starship para sa Earth to Earth transport. Kung kaya nito makapagbiyahe sa Mars at sa buwan, kaya din nitong makapunta sa malalayong lugar sa Earth.
Kapag nangyari ito, aba, napakabilis ng biyahe mula sa Pilipinas papuntang Amerika! Tignan nyo na lang ito. Mula Los Angeles hanggang New York, 25 minutes na lang, Bangkok hanggang Dubai 27 minutes na lang. Lahat puro less than 1 hour na lang! Ang galing! Kaya lang, siyempre mas mahal ang rocket ticket, hindi plane ticket, kundi, rocket ticket.
Isa lang ang sigurado, itong dekadang ito, maraming mangyayari pagdating sa space travel, at iyan ay dahil sa vision at determinasyon ni Elon Musk.
Comments
Post a Comment