Skip to main content

Mga Hamon sa Misyon sa Mars ni Elon Musk (Part 2)

Kaya mo bang tumira sa planetang Mars? Mabubuhay kaya tayo sa Mars? 

Ito ang ikalawang bahagi ng ating serye tungkol sa misyon ni Elon Musk na magpadala ng tao na maninirahan at mag-uumpisa ng kolonya sa Mars. (Basahin dito ang Part 1.) 

Dito sa part 2 ay hihimayin natin ang mga malalaking hamon na kakaharapin ni Elon at ng SpaceX sa pagpunta sa Mars.


Mars Mission ni Elon Musk Series

1. Umpisahan natin sa temperatura. 

Napakalamig sa Mars . Ang karaniwang temperatura doon ay -81°F o -63°C. Kapag summer o tag-init sa Mars, ang temperatura ay umaabot sa 20°C sa may equator nito pero sa gabi bumababa ang temperatura hanggang -73°C.

Dito sa ating mundo, ang pinakamababang naitalang temperatura sa lugar kung saan may mga taong naninirahan, ayon sa Guinness Book of World Records, ay ang Oymyakon sa Sakha Republic of Russia sa record na -67.7°C noong ika-6 ng Pebrero taong 1933. Mas malamig ito ng kaunti sa karaniwang temperatura sa Mars . Ang populasyon ng oymyakon ay nasa 500 katao at ang karaniwang temperatura dito ay -46.4°C.

Siyempre, ang pinakamalamig pa ring lugar sa ating planeta ay ang Antarctica na wala naman talagang permanenteng nakatira. Dito nakuha ang pinakamababang naitalang temperatura sa mundo na -89.2°C. Kung mayroon mang tao doon, iyon ay mga scientists, researchers at ilang mga turista na hindi basta-basta pinapayagang makapunta doon dahil sa Antarctic treaty na nilagdaan ng iba't-ibang bansa.


2. Ang atmospera o atmosphere.

Kung tutuusin, hindi mabubuhay ang tao sa Mars kung ito ay walang suot na spacesuit. Hindi tayo makakahinga sa Mars dahil 96 na porsyento o 96% ng nasa atmosphere nito ay Carbon Dioxide. At siyempre alam naman natin na oxygen ang kailangan natin para makahinga na .15% lang ang mayroon sa atmosphere ng Mars .

Isa pa, ang atmosphere ng Mars ay de hamak na mas manipis kaysa sa Earth — mga isang daang beses na mas manipis ang sa Mars kumpara sa Earth.

Kaya, kung malamig man sa Mars, dahil manipis ang atmosphere nito, hindi nito kayang sanggain ang init na nanggagaling sa araw kumpara sa planetang may mas makapal na atmosphere. Kung halimbawa, ang temperatura sa Mars ay -100°C, ang katumbas marahil na pakiramdam nito sa Earth ay parang 0°C lang.

3. Air pressure. 

Heto pa. Ang air pressure sa ibabaw ng Mars ay napakababa rin. Ang air pressure ay ang puwersa kung saan ang mga air molecules ay nagsisiksikan at nagtutulakan laban sa atin at sa lahat ng nakapaligid sa atin. Ang air molecules ay kombinasyon ng iba't ibang gas sa ating kapaligiran gaya ng Nitrogen, Oxygen, Argon at iba pa.

Mas malamig ang hangin at malapit sa lebel ng dagat (o sea level), mas nagiging siksik at makapal ito. Ibig sabihin, ang mga air molecules ay mas magkakadikit kaya mas mataas ang air pressure. Samantala, kapag naman mas mainit ang hangin at habang mas mataas ito sa lebel ng dagat, mas magkakalayo ang mga air molecules kaya mas manipis ito at mas mababa ang air pressure.

Ang air pressure sa ibabaw ng Mars ay may sukat lamang na 600 Pascals na higit na mababa kumpara sa air pressure sa ating mundo na nasa 101,300 Pascals sa lebel ng dagat.

Dahil sa mababang air pressure at mababang temperatura sa Mars, hindi nagtatagal ang tubig sa likido nitong estado o liquid state. Either ito ay madaling mag-evaporate at maging vapor sa low air pressure o madaling maging yelo sa low temperature. Dito pumapasok ang susunod na malaking problema sa Mars.

Yellowknife Bay, Gale Crater, Planet Mars (credit: NASA)

4. Tubig.

Hanggang ngayon ay hindi pa nga nakakakita ng malinaw na likidong tubig sa Mars ang mga eksperto. Hala, paano na yan? Ang sabi nga, kung saan may tubig, may buhay.

Lagi nga nating nasasabi na di bale nang walang kuryente huwag lang mawalan ng tubig.

Kung walang tubig, hindi mabubuhay ang mga halaman, hayop, lamang dagat, iba't-ibang organismo at siyempre, ang tao.

May mga kuhang larawan ang NASA na nagpapahiwatig na may tubig sa Mars, pero mas malamang na ito ay frozen o nag-yelo na. Magandang balita pa rin ito! Kung hindi man ngayon, sa nakaraan nito ay maaaring puno din ito ng tubig gaya ng ating mundo. O kaya ay napunta ang tubig sa kailailaliman ng lupa. Ito ang isa sa pangunahing misyon ng SpaceX bago magpadala ng tao sa Mars — ang mahanap ang tubig sa Mars.

5. Ozone layer.

Kung dito sa Earth ay nangamba tayo ng husto ng matuklasang may butas ang ating Ozone layer, sa Mars, hindi lang butas — talagang walang Ozone layer.

Ang Ozone layer ay isang bahagi ng ating stratosphere na nakapalibot sa mundo at nagsisilbing proteksyon natin laban sa nakapamiminsalang ultraviolet radiation o UV rays na nanggagaling sa araw.

Ang mga epekto ng UV rays ay ang posibilidad na magkaroon ng skin cancer, madalas na sunburn, mabilis na pagtanda ng balat, paghina ng immune system ng balat, katarata at iba pang problema sa mata. Isipin natin na ang Ozone layer ay parang payong na nagpoprotekta sa atin para hindi mabasa ng ulan o masunog sa tindi ng init ng araw. Kung wala ang Ozone layer, ay dire-diretso ang UV rays na papasok sa ating atmosphere. Ganito ang sitwasyon sa Mars. Dahil dito, ang ultraviolet radiation ay mabilis na nakakapasok sa planeta at madaling sumisira sa kahit anong organic molecule.

Para tuloy imposible talagang may mabuhay doon.

6. Magnetic field.

Ang isa pang napakalaking problema sa Mars , ang magnetic field. Wala ring matibay na magnetosphere ang Mars . Ang magnetosphere ay isang layer ng magnetic field na parang bulang nakapalibot sa planeta. Ang trabaho nito ay sanggain at ilihis ang iba't ibang butil ng materyales o charged particles na nanggagaling sa araw, na tinatawag na solar wind. Palayo sa araw, kumikilos ito sa bilis na 8 milyong kilometro kada oras o higit pa, kaya makakarating ito sa ating mundo sa loob lamang ng 18 oras.

Mga 4.2 billion years na ang nakaraan mula nang nawala ang magnetosphere ng Mars at dahil sa kawalan ng protective shield, unti unti nang hinipan ng solar winds ang atmosphere nito. Ang resulta: naka-expose ang planeta sa ultraviolet at cosmic radiation na naging dahilan ng kawalan ng tubig at buhay sa planetang Mars .

Dito sa Earth, napapangalagaan natin ang ating atmosphere dahil sa magnetic field na bumubuo ng ating magnetosphere. Sinasangga nito ang mga solar wind na sumusugod sa ating planeta. Pero alam niyo ba na may mahinang bahagi ang magnetosphere natin? Ito ay sa north pole at sa south pole na hindi kasing lakas ng nasa ibang bahagi, gaya ng sa equator.

Ang nangyayari, may maliit na porsiyento ng solar wind na nakakalusot sa ating atmosphere sa pamamagitan ng north pole at south pole. Bumabangga ngayon ang mga electrons ng solar wind sa atoms ng Oxygen at Nitrogen na nasa ating atmosphere. Sa banggaang ito, lumilipat ang energy ng mga atom na nasa solar wind sa atom ng Oxygen at Nitrogen sa Earth. Itinataas nito ang antas ng enerhiya ng atom ng Oxygen at Nitrogen na nagiging excited. Pag na-excite ang atom, ang electron nito ay lumalayo sa kanyang nucleus. Para kumalma uli ang atom, kailangan nitong magpakawala ng energy upang bumalik sa original nitong estado. Ang napakawalang enerhiya ay nasa anyo ng photon or ilaw.

Magugulat ka na ang ilaw pala na ito ay ang tinatawag nating aurora. Kaya mayroong aurora borealis o northern lights at aurora australis o southern lights.

Nakamamangha talaga na ang kahinaan ng ating magnetic field sa north at south pole ay lumilikha ng napakagandang palabas ng ilaw sa langit.

Hay! Napakagaling talaga ng Dakilang Lumikha ng ating daigdig at ng buong  universe, ang ating Panginoong Diyos!

Anyways, balik tayo sa problema ng Mars. Kung iisipin natin, hindi pala tayo mabubuhay sa Mars! Bakit pa pinapangarap ni Elon Musk na magtayo ng kolonya ng tao doon?

Ang sabi niya, isa nang matinding pangangailangan na magtayo ng kolonya sa ibang mga planeta para makasiguro na ang sangkatauhan ay magpapatuloy. Naniniwala kasi si Elon na darating ang panahon na mawawala o magiging extinct ang ating mundo at ang paghahanda na mamuhay sa ibang planeta ay isang mabuting alternatibo.

Ang tanong, Mars lang ba ang pwedeng tirhan ng tao, sa dinami-dami ng ibang planeta, buwan at iba pang nasa kalawakan? Iyan ang tatalakayin natin sa Part 3, kung saan ipapaliwanag ko naman kung bakit Mars ang napili ni Elon Musk, sa kabila ng malalaking hamon at problemang dapat munang masolusyunan bago makatungtong ang tao sa napakalupit at walang buhay na planetang ito.

Tatalakayin rin natin ang kongkretong planong gagawin ni Elon Musk at ng SpaceX patungo sa layuning magtayo ng kolonya ng sangkatauhan sa Mars.

Comments

Popular Posts

Agartha at mga Teorya Tungkol sa Hollow Earth (Part 1)

May kaharian daw sa kaloob-looban ng ating mundo, sa kaila-ilaliman ng ating kinatatayuan, at hindi daw totoo na solid ang core o pinakagitna nito gaya ng napag-

Totoo ba ang HOLLOW EARTH Ayon sa Siyensiya? (Part 5)

Isang napakagandang mundo! Isang sibilisasyong walang kaguluhan, walang tumatanda, masagana ang buhay, malinis ang hangin, mababait ang

Pilipinas, Makakagamit ba ng 1Gbps Starlink Internet ni Elon Musk?

Makakatulong kaya at mapapakinabangan sa Pilipinas ang Starlink satellite project ni Elon Musk at ng SpaceX?