Skip to main content

Totoo ba ang HOLLOW EARTH Ayon sa Siyensiya? (Part 5)

Isang napakagandang mundo! Isang sibilisasyong walang kaguluhan, walang tumatanda, masagana ang buhay, malinis ang hangin, mababait ang

mga hayop, makabago at mas advanced ang teknolohiya kaya nakakalikha ng mga flying saucers. Ito ang kadalasang deskripsyon sa mundo na nasa hollow earth o sa kailailaliman ng tinatapakan nating mundo. Pero totoo nga ba ang Hollow Earth, kung ang pagbabasehan ay ang siyensiya? Iyan ang tatalakayin natin dito.

Bago natin masagot ang tanong kung totoo nga ba ang Hollow Earth, intindihin muna natin mabuti ang teorya na ito.

Ganito inilarawan ng artist na si Max Fyfield ang Hollow Earth, kung saan naroon ang mundo ng Agharta. Ito ay nababalutan ng shell o crust at may araw sa gitna. Binanggit dito na ang center of gravity ay 400 miles down at ang itinuturo nito ay ang gitna ng crust. Kaya tila sinasabi ni Max Fyfield na ang crust ay nasa 800 miles ang kapal.

Dahil iba-iba ang sinasabi ng mga taong nagsusulong ng hollow earth theory,  Ikumpara muna natin ang mga paglalarawan nila tungkol dito. Unahin natin ang mga prominenteng taong nag-isip ng hollow earth theory na tinalakay natin sa Part 1.

Ayon kay Edmond Halley, ang shell ng mundo ay may kapal na 800 km or 500 miles at sa loob nito ay may dalawang magkasunod na pabilog na shell o concentric shells. Ang kaloob-looban ay ang core.

Ayon naman kay Leonhard Euler, walang laman ang loob ng earth pero mayroong araw sa gitna nito na ang diameter ay 855 km o 600 miles. Wala tayong makita na binanggit ni Euler tungkol sa kapal ng shell o crust.

Kay John Cleves Symmes Jr naman, ang shell daw ng mundo ay 800 miles ang kapal. Noong una ay sinabi niyang may limang concentric spheres sa loob ng mundo pero kinalaunan ay binawi niya ito at isang hollow earth na lang daw ito. Naniniwala din si Symmes na pwedeng mabuhay sa loob ng hollow earth.

Ngayon naman ay tignan natin kung ano ang paglalarwan ng hollow earth ayon sa mga taong nakarating na diumano doon. Ayon kay Olaf Jansen (na tinalakay natin sa Part 3), ang distansya daw mula sa inner earth hanggang sa labas, kung baga ang kapal ng shell, ay 300 miles. Ang sentro daw ng gravity ay nasa gitna ng shell, kaya ito ay nasa mga 150 miles sa ilalim ng lupa.

Ayon naman kay Col Billie Faye Woodard na tinalakay natin sa Part 4, ang kapal daw ng shell ng mundo ay nasa 800 miles. Ang sentro ng gravity, ayon sa kanya, ay nasa gitna rin nito o mga 400 miles sa ilalim ng lupa.

Sa diumano’y secret diary naman ni Rear Admiral Richard E Byrd na tinalakay natin sa Part 2, ay walang nabanggit tungkol sa lalim ng inner earth o kapal ng shell na bumabalot dito.

Narito naman ang pagsasalarawan ng mga scientists tungkol sa ilalim ng ating mundo.

Ang tinatapakan natin ay ang pinakalabas na layer ng Earth na tinatawag na  CRUST, Ito ay may 30 km o 19 miles ang kapal. Sa ilalim naman ng karagatan, ang crust ay mas manipis — mga 5 km or 3 miles lang ang kapal. Kumpara sa ibang layer ng Earth, ang crust ang pinakamanipis at umookupa lang ng mas maliit pa sa 1 percent ng kabuuan ng Earth. Sa ilalim ng crust ay ang pangalawang layer na tinatawag na MANTLE. Ito ang umookupa ng 84 percent ng volume o kabuuan ng Earth. Ang kapal nito ay nasa 2900 km o 1800 miles at ang bigat ay 4.01 x 1024 kg o mga 68% ng kabuuang bigat ng Earth!

Bago natin talakayin ang susunod na layer ng Earth, huminto muna tayo sumandali dito at imadyinin natin ... paano kung totoo ang hollow earth. Ang ibig sabihin wala ang mantle. Sa halip, ang naroon ay ang mundo ng Agartha at mga sibilisasyong sinasabing naninirahan sa inner earth. Ang kanilang tinatapakan ay ang kabila ng crust na tinatapakan natin. Yun nga lang pabaligtad ang tayo nila kasi sinasabi nilang ang sentro ng kanilang gravity ay nasa gitna ng crust.

May mga importanteng punto tayong dapat linawin dito at ipapaliwanag sa pamamagitan ng siyensiya.

Una, kapag walang mantle sa ilalim ng crust, saan na manggagaling ang 68% ng bigat ng Earth?

Mayroong paraan ang mga scientists kung paano kalkulahin ang bigat ng Earth at iyan ay sa pamamagitan ng formula na ginawa ni Sir Isaac Newton sa kanyang Law of Universal Gravitation at ang kanyang Second Law of Motion. Ang resulta nito ay ang Earth ay may bigat na mga 5.98 × 1024 kilograms O 6 X 1024 kilograms kung iro-round off. Ganito din ang paraan kaya nalalaman ng mga scientists ang bigat ng ibang planeta.

Kung halos pareho lang ang struktura ng mundo ng Agartha sa mundong nasa ibabaw, wala pang isang porsiyento ang idadagdag nito sa bigat ng Earth. Base sa Law of Universal Gravitation ni Sir Isaac Newton, BIGAT o ang MASS ng isang bagay ang pangunahing makakaapekto sa gravity.

Kaya kung natanggal ang 68% ng bigat ng Earth na dulot sana ng mantle at napalitan lang ng 1% na bigat ng Agartha, ibig sabihin ang magiging bigat ng Earth ay ...

100% - 68% (mantle) = 32%

                                     + 1% (Agartha)                                   

                                                33%

... 33% lang ng alam nating bigat niya na 5.98 × 1024 kilograms o 5,980,000,000,000,000,000,000,000 (5.98 septillion). Kaya kung totoo ang hollow earth, dapat ang gravity natin ay 33% lang ng nararanasan nating gravity ngayon.

Ang gravity sa Earth, gamit ang formula ni Newton ay 9.807 m/s2 kaya 33% niyan ay 3.24 m/s2 na lang. Medyo lumulutang sana tayo ngayon at hindi bigla ang pagbagsak kapag tumatalon. Oo nga pala, mas mataas lang ng kaunti dito ang gravity sa Mars na 3.711 m/s2.

Pangalawang punto, sa Physics, ang totoong sentro ng gravity ng Earth ay nasa may pinakagitna nito at hindi sa crust gaya ng inilalarawan ng mga nagsusulong ng teorya ng hollow earth, sa kadahilanang sa isang uniform gravitational field gaya ng sa ibabaw o loob ng Earth, ang sentro ng gravity ay pareho lang ng sentro ng bigat nito. Ang sentro ng gravity ay isang point o tuldok at hindi isang buong bilog na umiikot sa gitna ng crust ng Earth.

Kung gayon, hindi posible na makatayo ang mga Naninirahan sa hollow earth sa kabilang dulo ng kinatatayuan nating crust dahil hihilahin sila ng gravity sa gitna ng Earth. Pati ang mga bundok, templo, palasyo, karagatan na nasa loob ng hollow earth ay hindi rin maaaring mag-exist dahil hihilahin ang lahat ng ito sa sentro ng gravity na nasa gitna. Maging tayo na nasa ibabaw ng mundo at ang crust ay hindi rin tatagal na buo dahil lahat ng ito ay babagsak paloob kapag wala ang mas matibay at mas makapal na mantle sa ilalim nito.

Pangatlong punto. Ang lava na lumalabas sa mga siwang ng bulkan o volcanic fissures ay galing sa mantle, partikular, sa asthenosphere na natunaw at naging magma. Para sa inyong kaalaman, magma ang tawag kapag ito ay nasa ilalim pa ng bulkan. Pag lumabas na ito ay tinatawag na itong lava. Kung wala ang mantle, paano naman mapo-produce ng hollow earth ang napakainit na lava na umaabot ang temperatura sa 700 hanggang 1200 degrees celsius?

Pang-apat na punto, hindi man pisikal na mapuntahan ang mantle upang mapatunayan na naroon ito at kung ano ang komposisyon nito, napatunayan naman ito ng siyensiya sa pamamagitan ng ibang ebidensya. Nung 1909 isang seismologist mula sa Croatia na nagngangalang Andrija Mohorovičić ang nakadikubre na ang mga waves na nalilikha ng lindol na tinatawag na SEISMIC WAVES ay mas gumagalaw ng mabagal sa ibabaw ng lupa at biglang bumibilis sa ilalim. Ang alam kasi niya, ang mga waves ay bumibiyahe ng mas mabilis kapag ito ay nasa mas makapal o siksik (dense) at mas solid na bagay.

Kaya ang konklusyon ni Mohorovicic ay, may layer na mas siksik at makapal (dense) sa ilalim ng crust, at ito na nga ang mantle. Dito na rin nakita ang kahalagahan ng LINDOL. Na sa pamamagitan pala ng nililikha nitong SEISMIC WAVES na naitatala ng seismograph, ay malalaman natin ang tipo o komposisyon ng materyal sa loob ng daigdig.

Kapag lumilindol kasi, naglalabas ito ng enerhiya sa pamamagitan ng seismic waves. Gumagalaw ang seismic waves sa lupa gaya ng kung paano gumagalaw ang isang tsunami sa dagat. Nagsisimula itong bumiyahe mula sa pinangyarihan ng lindol papunta sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa iba’t ibang direksiyon at ito ang nagiging sanhi ng pagkasira o pagbagsak ng lupa, puno, mga gusali at iba pa. Dalawa ang pangunahing uri ng seismic waves – ang SURFACE waves na gumagalaw lang sa ibabaw ng Earth at ang BODY waves na siyang bumibiyahe sa interior o loob ng earth.

BODY waves ang naobserbahan ni Mohorovicic at ito ay mayroon ding dalawang uri — ang P WAVES o PRIMARY WAVES at ang S WAVES o SECONDARY WAVES.  Ang P WAVES ang pinakamabilis at unang dumarating sa isang seismic observatory at ang biglaang pagbilis nito ang nagsabi kay Mohorovicic na ang komposisyon sa mas malalim na bahagi ng lupa ay nag-iba at naging mas siksik at makapal. Kung totoo ang hollow earth, hindi dapat bumilis ang P WAVES paglagpas ng crust dahil wala itong mas makapal at mas siksik na bato na makakasagupa.

Karagdagang kaalaman lang: Ang boundary sa pagitan ng crust at mantle ay ipinangalan kay Mohorovicic at tinawag na Mohorovicic Discontinuity o Moho. May mga nagsusulong na marating ang Moho. At sa Russia ay nakuha ngang mag-drill ng pinakamalalim na hukay sa Kola Peninsula sa bandang hilagang kanluran ng Russia.

Umabot ito sa lalim na 12 km! Nahinto ang proyekto nang di inaasahang umabot ang temperatura sa 180oC na dobleng init sa inaakala ng mga ruso sa ganitong lalim. dahil na rin sa kakulangan ng pondo, tinanggap nilang hindi na posibleng ipagpatuloy pa ang proyekto. selyado na ngayon ang butas.

Pang-limang punto. Walang mga kontinente, bundok, bulkan at karagatan kung wala ang mantle na may malaking ginagampanan sa pagbuo ng itsura ng mundo na nakikita natin ngayon. Mayroon akong ikukuwento tungkol sa nangyari sa Earth mga 250 million years na ang nakararaan. Maya-maya ay sasabihin ko kung ano ang koneksyon nito sa hollow earth.

Hindi ba’t mayroon tayong pitong kontinente – ang Asia, Africa, North America, South America, Antarctica, Europe at Australia? Alam mo bang mga 250 million years na ang nakaraan, ang pitong kontinenteng ito ay isang buong kontinente?

Ang supercontinent na ito ay tinawag ng German meteorologist na si Alfred Wegener na PANGAEA. Sa salitang Griyego, ang ibig sabihin ng PANGAEA ay buong Earth! Napansin kasi ni Wegener na kapag titignan mo ang mapa ng mundo, ang mga continente ay parang mga piraso ng  jigsaw puzzle na pwedeng buuin. Oo nga ano! Tignan mo na lang ang South America at Africa. Hindi ba’t ang korte nila ay pwedeng pagdugtungin? Dito nabuo ni Wegener ang kanyang teorya ng Continental Drift na nagsasabing mula sa isang buong kontinente, ang Pangea, nagkahihiwa-hiwalay ito at naging pito simula ng Jurassic Period.

Ilang milyong taon din ang dumaan bago lumayo nang lumayo ang mga kontinente sa bawat isa. Nang nagkahiwalay ang South America at Africa ay nagkaroon naman ng Atlantic Ocean sa pagitan nila. Kung iisa lang ang kontinente noon, iisa din ang karagatan na sumasakop sa buong mundo, at ito ay tinawag na Panthalassa Ocean.

Sa panahon ni Wegener ay nahirapan tanggapin ng mga ibang siyentipiko ang teoryang ito na iprinesenta niya nung 1912 at ipinalathala noong 1915. Pero sa ngayon ay ito na ang pinaniniwalaan ng nakararami dahil sa mga ebidensyang nagpapatunay dito. Ngayon, ano nga ba ang kinalaman ng continental drift sa hollow earth? Ang isang paliwanag kasi sa paggalaw ng mga kontinente ay ang prosesong tinatawag na CONVECTION CURRENTS at ito ay nangyayari sa mantle. Kung wala ang mantle at sa halip ay hollow earth ang nasa lugar nito, wala ring mangyayaring convection current at hindi rin nangyari ang continental drift. Hayaan mong ipaliwanag ko kung ano ito.

Ang convection current ay ang paulit-ulit na paggalaw ng magma sa mantle kung saan ang mas magaan na magma ay umaangat at sa gayon ay lumalayo sa core na siyang pinagmumulan ng init. Dahil dito ay lumalamig naman ito at nagiging mas solid at mas mabigat kaya lulubog naman ito at lalapit sa init. Lalabnaw na naman ito at gagaan at aangat uli kaya lalayo na naman sa init. Ang paulit-ulit na prosesong ito ang nagpapagalaw sa magma sa isang circular o paikot na pattern na siyang humihila o nagpapagalaw sa tectonic plates ng crust. Ang tectonic plates ay pira-pirasong bahagi ng mga kontinente at karagatan na pinaghihiwalay ng mga boundary kung saan kadalasan naroon ang fault line. Mayroong pitong pangunahing tectonic plates.

Pwede kasing magkabungguan (CONVERGENT) ang mga plates na ito na lumilikha ng lindol, pag-usbong ng mga bulubundukin at mga trenches sa karagatan gaya ng Mariana Trench. Pwede ring magkalayo-layo (DIVERGENT) ang mga plates gaya ng nangyari sa Pangaea na nagkaroon ng continental drift at naging pitong kontinente. At pwede ring magkiskisan (TRANSFORM) na lumilikha ng mapaminsalang lindol gaya ng lindol sa San Francisco, California noong 1906 na umabot sa magnitude 7.8.

Patuloy ang prosesong ito ng convection current at dahil dito ay patuloy din ang paggalaw ng mga tectonic plates. Sa katunayan, dahil dito ay mas lumalawak pa ang Atlantic Ocean at lumiliit naman ang Pacific Ocean. Sa lahat ng nangyayaring ito sa mantle, hindi ba’t mahirap ipaliwanag kung saan pa pwedeng lumugar ang hollow earth?

Nabanggit natin kanina na ang core ang siyang pinagmumulan ng init. Ito ang layer na nasa ilalim ng mantle. Mayroong outer core at inner core. Ang outer core ay may kapal na 2,300 km o 1400 miles at ang komposisyon nito ay likidong iron at nickel na may temperaturang mula 4,500° hanggang 5,500° Celsius. Ang inner core naman ay may radius na 1,221 km o 759 miles at binubuo rin ng mga metal na iron at nickel pero ito ay solid.

Ito ang pinakamainit na layer na may temperaturang umaabot sa 6,000° Celsius. Kasing init ito ng araw! Gaya ng mantle, napatunayan din ang pagkakaroon ng core sa pamamagitan ng seismic waves. Kahit may mga nauna na sa kanyang makadiskubre na mayroong core sa loob ng earth, si Inge Lehmann, isang seismologist at geophysicist mula Denmark, ang nakabuo ng teorya na mayroong solid na inner core sa loob ng likidong outer core. Isinulat niya ang tungkol dito nung 1936. Ang S waves ay hindi tumatagos sa kahit anong likidong bagay at ito ang nagbigay ng ideya na ang outer core ay likido.

Sa ngayon ay mas makabago na ang mga instrumento na ginagamit sa lindol na sumusukat ng mga seismic waves at malayo na rin ang iniunlad ng teknolohiya gaya ng mga computers. Sa pamamagitan ng mga ito ay nakumpirma na ng ilang beses ang mga naunang obserbasyon at teorya tungkol sa kaugnayan ng seismic waves at ng komposisyon ng mga layers sa loob ng earth.

Siyanga pala, hindi pwedeng hindi ko banggitin na ang likidong outer core ang siyang responsable sa pagkakaroon natin ng magnetosphere na pumoprotekta sa ating mundo sa makapaminsalang solar wind. Para kasi magkaroon ng magnetic shield ang isang planeta, kailangang may tamang laki ito at mayroong likidong core na binubuo ng iron at kailangan din na may sapat na bilis ang pag-ikot nito. Mapalad tayo at natugunan ng Earth ang ganitong kondisyon.

Kung wala ang magnetic field na nililikha ng likidong core, walang sasangga sa solar wind na pwedeng unti-unting hipan ang atmosphere natin hanggang tuluyan na itong mawala. Kapag nagkaganoon, naka-expose ang Earth sa ultraviolet at cosmic radiation na magreresulta sa kawalan ng tubig at buhay gaya ng nangyari sa planetang Mars. Nang nag-yelo kasi ang core nito, nawala na din ang magnetosphere ng Mars.

Kaya ang ika-anim na punto ay... Kung totoo ang hollow earth, wala sana tayong gumagalaw na outer core na binubuo ng likidong iron at nickel na nakakalikha ng napakahalaga at makapangyarihang magnetic field.

Ika-pitong punto. Sinasabing mayroon daw araw sa loob ng hollow earth at ito ay nasa lugar kung saan alam nating naroon ang inner core ng Earth. Sa napag-usapan natin kanina tungkol sa sentro ng gravity, lumalabas ngayon na ang sentro ng gravity ay nandito sa gitna ng araw na ito kung totoo man ang hollow earth. Kung gayon, dumikit na sana ang buong Agartha sa kanilang inner sun.

Ang pangwalo at pinakahuling punto. Sa haba ng panahon na pinag-aaralan ng mga scientists kung paano nabuo ang daigdig 4.5 billion years na ang nakararaan, isipin natin kung paano mangyayaring may maiiwan na napakalaking espasyo sa loob ng crust – kung ang Earth ay galing sa pinagbuo-buong mga bato na galing sa kalawakan.

Bilang konklusyon, paumanhin sa mga fans ng hollow earth pero kung ang pagbabatayan ay ang walong puntong tinalakay natin na mga napatunayan nang teorya ng siyensiya kaugnay sa interior o loob ng ating mundo, hindi po maaring maging totoo ang hollow earth at ang sinasabing kaharian sa loob nito.

Pero mahiwaga ang buhay at bilang tao ay limitado pa rin ang ating kaalaman sa mga misteryo ng mundo. tanging diyos lamang ang siyang nakakaalam ng lahat at ang may tamang kasagutan sa lahat ng ating katanungan.

Dito na po nagtatapos ang ating Hollow Earth Series.

 

Comments

Popular Posts

Agartha at mga Teorya Tungkol sa Hollow Earth (Part 1)

May kaharian daw sa kaloob-looban ng ating mundo, sa kaila-ilaliman ng ating kinatatayuan, at hindi daw totoo na solid ang core o pinakagitna nito gaya ng napag-

Pilipinas, Makakagamit ba ng 1Gbps Starlink Internet ni Elon Musk?

Makakatulong kaya at mapapakinabangan sa Pilipinas ang Starlink satellite project ni Elon Musk at ng SpaceX?