Skip to main content

Olaf at Jens Jansen, Dalawang Taon Nanatili sa Agartha o Eden (Hollow Earth Part 3)

Mag-amang mangingisda na nahanap daw ang pasukan papunta sa inner world o sa loob ng daigdig? ... at nanirahan pa sila doon ng mahigit dalawang taon? Pero

tinawag nila itong Garden of Eden at hindi Agartha! Ano kaya ang karanasan nila at ang nadiskubre nilang kakaibang pamumuhay sa misteryosong lugar na ito? Ito po ang tatalakayin natin dito.

Narito na tayo sa PART 3 ng ating Hollow EarthSeries. Sa PART 1 ay pinag-usapan natin ang mga teorya ng mga intelihenteng tao tungkol sa kani-kanilang hollow earth theory. Inilarawan din natin ang Kaharian ng Agartha at sinumulan nating banggitin ang tungkol sa isang indibidwal na nakapaglakbay na raw sa Agartha, pero sa pamamagitan lamang ng out-of-body travel. Sa PART 2 naman ay tinalakay natin ang isa pang indibidwal na napadpad din daw sa Agartha — si Admiral Richard Byrd. Inilantad din natin ang katotohanan tungkol sa sikat na secret diary niya.

The Smoky God

Ang kuwento ni Olaf Jansen ay inilahad sa isang aklat na inilathala noong 1908 at isinulat ni Willis George Emerson, isang amerikanong nobelista. Ito ay pinamagatang The Smoky God. Isang Norwegian si Olaf.

Ayon sa aklat, nakilala ng manunulat na si Emerson si Olaf Jansen nang minsang naglalakad siya isang hapon at napansin niya ang ganda ng isang bungalow na nadaanan niya. Ang may-ari pala nito ay si Olaf Jansen at hindi daw maipaliwanag ni Emerson kung ano ang nagbunsod sa kanya upang makipagkuwentuhan sa matandang lalaki na mahigit siyamnapung taong gulang na.

Ang minsan nilang pagkukuwentuhan ay naulit pa ng ilang beses hanggang isang gabi, mga alas dos ng madaling araw, nagising si Emerson sa tunog ng doorbell. Isa palang mensahero ang ipinadala ni Olaf Jansen sa kanya para sabihing malubha na siya at pinapapunta si Emerson sa tahanan nito. Dali-dali niya itong pinuntahan at doon na nga isiniwalat ni Olaf Jansen ang kanyang sikreto. Sinabi niyang malamang ay hindi na siya umabot sa pagsikat ng araw kaya’t kailangan na niyang masabi kay Emerson ang kanyang nalalaman.

Habilin ni Olaf Jansen

Inihabilin ni Olaf Jansen kay Emerson ang ilang mga documento, larawan, mapa, at isang manuscript na siya mismo ang sumulat at naglalaman ng kuwento ng kanyang buhay, kasama na ang sikretong ipinagkatiwala niya kay Emerson. Hiniling niya kay Emerson na ipangakong ibabahagi nito ang kanyang nalalaman sa buong mundo. At pumanaw na nga si Olaf Jansen, sa edad na 95 years old.

Ang sikretong sinabi niya kay Emerson ay ang pagkadiskubre niya ng nawawalang “Garden of Eden” na nasa pusod ng daigdig. Naglagi daw si Jansen dito ng dalawang taon. Hindi man binanggit ni Olaf Jansen na ang lugar na pinuntahan niya ay ang Agartha, ang lahat ng kanyang inilarawan, ayon sa ibang mambabasa, ay tila tumutukoy sa parehong kaharian.

Sinimulan ni Olaf ang manuscript sa pamamagitan ng pagpapakilala sa kanyang sarili. Sinabi niyang siya ay ipinanganank sa isang maliit na bayan ng Uleaborg sa silangang baybayin ng Gulf of Bothnia at nasa bandang hilaga ng Baltic Sea. Nagkataon daw na naglalayag noon ang kanyang mga magulang sa Gulf of Bothnia at napunta sa Uleaborg nang siya ay ipinanganak.

Itinuturing niya ang sariling isang Norwegian dahil ang kanyang ama ay ipinanganak sa may Scandinavian Coast na malapit sa Lofoden Islands at doon sila madalas mangisda. Ang kanyang ina naman ay taga Stockholm at doon na nanirahan ang kanyang ama nang sila ay magpakasal. Doon na din nag-aral si Olaf.

Napadpad siya sa misteryosong lugar na lagpas na  daw sa North Pole, mga taong 1829, nang siya ay 19 years old pa lamang at kasa-kasama siya noon ng kanyang ama na si Jens Jansen sa kanyang pangingisda.

Simula ng Biyahe

April 3 1829 nang nilisan nila ang Stockholm. Naglayag sila patimog na nasa kaliwa nila ang Gothland Island at ang Oeland Island naman ay nasa kanan. Pagkalipas ng ilang araw ay dumating sila sa Sandhommar Point. Lumipas pa ang ilang araw at nakarating naman sila sa Christiansand kung saan sila nagpahinga ng dalawang araw. Mula dito ay tumungo naman sila pa-kanluran papuntang Lofoden Islands.

Pagkalipas ng isang linggo ay tumigil sila sa Hammerfest kung saan sila kumuha ng ekstrang supply ng mga pagkain at mga kakailanganin sa mahabang paglalakbay. Galing dito ay patuloy silang naglayag papuntang Spitzbergen. Ika dalawampu’t tatlo ng Hunyo nang nakarating sila sa Spitzbergen. Ibinaba nila ang angkla sa Wijade bay at nakahuli sila ng mga isda na pandagdag sa supply nila ng pagkain. Patuloy silang naglayag sa Hinlopen Strait. Dinala sila ng malakas na hangin sa may Franz Josef Land.

Isang araw habang nakaharap sila sa bukas na dagat, sa direksyong pahilaga, nabanggit ni Jens na ayon sa tradisyon ay may mga diyos daw na galing sa malayong hilaga. Dito raw ay may lugar na higit na napakaganda kaysa sa anumang nakita na ng kahit sinong mortal at ito ay pinaninirahan ng “PINILI” o the “CHOSEN.” Si Jens ay mananampalataya ng mga Norse gods na sila Odin at Thor na siyang naroon sa sinasabing lugar. Dito iminungkahi ni Olaf na sana ay makapunta sila sa lugar na iyon.

Pagtungo sa Inner Earth

Tinanong ni Jens kung nakahanda ba siyang makarating kung saan wala pang tao ang nangangahas pumunta.  Syempre, siya ay umo-o. Dito na nagsimula ang paglalakbay ng mag-ama papunta sa INNER EARTH.

May mga limang buwan din silang naglalayag sa Arctic Ocean, at sa panahong iyon ay dumaan sila sa ilang peligro gaya ng mabagsik na snow storm, malalaking alon at muntik-muntikanang pagbangga sa mga icebergs. Himala nilang itinuturing na nakaligtas sila sa lahat ng iyon. Pero kumalma rin ang dagat. August 1 nang nakita nila ang isang korteng araw.

Para ngang araw pero iba, dahil bahagyang pula ang kulay nito na nagpapalit at nagiging puting ilaw na parang makinang na ulap. Kakaiba ang nakikita nila. Akala nila ay mawawala rin ito pero lagi lang siyang nandoon, labingdalawang oras sa isang araw. Nagkasundo ang mag-ama na hindi ito repleksyon ng araw kundi para siyang isang planeta, isang totoong bagay.

Ilang araw pa ay nakarating sila sa bunganga ng isang malaking ilog o piyordo, na kinalaunan ay nalaman nilang ito ang tinatawag na Hiddekel river. (Sa aking pagsasasaliksik ay nalaman kong ito ay isa sa apat na ilog na tumutuloy sa Garden of Eden na binabanggit sa bibliya sa aklat ng Genesis Chapter 2 verses 10 hanggang 14. Sa ibang bibliya, ang tawag dito ay  ang Tigris River, pero sa King James Version na bibliya, binanggit mismo na ang ikatlong ilog ay ang Hiddekel. Galing sa salitang Hebrew ang Hiddekel na ang ibig sabihin ay mabilis. Ang salitang Tigris naman ay orihinal na galing sa Sumerian at ang ibig sabihin ay mabilis na ilog. Kapag hinanap mo sa mapa ang Hiddekel River, ituturo ka sa Tigris River na nasa bandang Iraq.)

Medyo malayo ito sa lokasyong pinag-uusapan natin pero ituloy natin ang kuwento ni Olaf. Halos mauubos na ang imbak na pagkain at tubig ng mag-amang Jansen nang laking tuwa nila dahil nakakita sila ng lupain na may mga malalaking puno at mga halaman. Nilapitan ng kanilang bangka ang nasabing lupain at binaybay ang pampang na tumuloy sa isang malawak na ilog. Hinayaan nilang dalhin ang kanilang bangka ng hangin papasok sa lugar na may lupain. Dito na nila ibinaba ang kanilang angkla. Naibsan ang kanilang gutom nang makita nila ang napakaraming mani na napakasarap na nagkalat sa pampang. Unang araw ng Setyembre nang may napakalaking barko ang tumambad sa kanila. Sa loob ng barko ay may mga nagkakantahan na singlakas ng mga isang libong boses na inaakumpanyahan ng instrumentong di nalalayo sa tunog ng alpa.

Mga Higante

Tila papunta sa kanila ang napakalaking barko ngunit ito ay huminto at nagbaba ng isang bangka na may sakay na anim na mala-higanteng mga lalaki. Sumagwan ang mga ito papunta sa kanila. Ibang lengwahe ang salita ng mga ito. Sumenyas ang pinuno ng mga lalaki na parang tinatanong kung pwede nilang iwan ang kanilang bangka at sumama na lang sila sa barko. Naisip ng mag-amang Jansen na mukhang mababait naman ang mga ito at wala rin naman silang magagawa, kaysa naman puwersahin pa sila ng mga ito.

Sa malaking barko ay nakita nila ang may mga ilang daang katao. Lahat ng lalaki ay mga 12 ft ang taas at may mga balbas, maaamo at magaganda ang mga mukha. Ang balat nila ay mapuputi na mamula-mula. Ang kapitan ay mas higit pang mataas kaysa sa iba. Ang mga babae naman ay nasa mga 10 ft hanggang 11 ft ang taas at magaganda din ang mga balat. Ang ama ni Olaf na si Jens ay may taas na 6 ft 3 inches pero ni hindi ito umabot sa baywang ng mga higanteng nasa barko.

Ayon kay Olaf, ang barko ay mas mabilis pa sa mga tren na nasakyan na niya  pero wala itong kaingay-ingay. Dalawang araw na bumiyahe ang barko bago nila narating ang isang siyudad na tinawag na JEHU. Sa tingin ng nakatatandang Jansen, sila ay nasa ilalim ng Stockholm o London. Napakaganda daw ng mga bahay sa siyudad na ito at ang pangunahing kabuhayan ay agrikultura at arkitektura. Ang mga burol o hill ay puno ng ubasan at ang mga lambak naman o valley ay mga palayan. Kahit saan tumingin si Olaf ay mayroong ginto —sa pintuan, sa mga lamesa, sa bubungan at sa mga templo.

Dito, ang isang pirasong ubas ay singlaki ng kahel o orange at ang mansanas ay singlaki ng ulo ng tao. Nanirahan sila sa Jehu sa loob ng isang taon at sa tulong ni Jules Galdea at maybahay nito ay natutunan na rin nila ang salita dito na parang Sanskrit. Ang Sanskrit ay isa sa pinakamatandang lenguahe sa mundo.

Sa tantsa ng matandang Jansen, ang crust mula sa loob ng mundo kung saan sila naroon hanggang sa labas ay nasa 300 miles ang kapal. Ang liwanag ng buong kontinente sa loob ng mundo ay nanggagaling sa isang malaking pulang bola ng apoy na parang maliwanag na ulap na tinatawag na “Smoky God”. Para rin itong araw na sumisikat sa silangan at lumulubog sa kanluran dahil daw sa araw-araw na pag-ikot ng mundo.

Siyudad ng Eden

Napag-alaman nila na sa siyudad ng Eden naninirahan ang pinakapinuno ng buong kontinente ng loob ng mundo — ang Chief High Priest — at minsan ay ipinatawag sila nito.

Marami itong itinanong sa kanila at sa huli ay tinanong nito kung gusto pa rin ba nilang manirahan dito sa loob o kung gusto ba nilang bumalik sa labas. Sinabi ni Jens na bagamat gusto nilang makita ang buong kontinente sa loob ng mundo ay kailangan din nilang bumalik sa labas dahil inaantay ang kanilang pagbabalik ng kanyang maybahay.

Sinabi ng pinuno na naroon lang ang kanilang bangka kung kailan nila gustong maglakbay. Mayroon daw labasan sa north pole o south pole, kaya lang ay napaka-peligroso daw ng biyahe. Naglagi pa ang mag-amang Jansen sa loob ng mundo ng mahigit isang taon at nakapunta nga sila sa iba’t-ibang mga lugar doon gaya ng mga siyudad ng Nigi, Delfi at Hectea. Marami pa silang nalaman tungkol sa pamumuhay doon gaya ng, ang mga lalaki pala ay hindi nagpapakasal hanggang ito ay mga 75 years old hanggang 100 years old na. Ang mga babae ay mas bata lang ng kaunti dito. Ang lahat ay umaabot ng mga 600 hanggang 800 years old ang buhay at ang iba ay mas matanda pa dito.

Ang mga bata ay hindi pa pwedeng pumasok sa paaralan hanggang wala pa silang 20 years old. Pagtungtong nila sa ganitong edad pa lang nag-uumpisa ang kanilang buhay estudyante na umaabot ng tatlumpong taon. Ang sampung taon dito ay nakagugol sa pag-aaral nila ng musika.

Paalam, Smoky God

Dumating na din ang panahon na kinailangan nang lisanin nina Olaf at Jens Jansen ang lupain ng Smoky God para makabalik sa Outer World. Sinabi nila ang planong ito sa mga taga roon. Kahit ayaw pa sana silang paalisin ng mga ito, pinagbigyan naman sila sa kanilang kahilingang makauwi. Nakahingi din ang matandang Jansen ng kumpletong mapa ng inner earth, kasama ang mga siyudad, karagatan, ilog, gulpo at iba pa. Binigyan din sila ng mga bag na naglalaman ng mga tipak ng ginto na may mga kasinglaki ng itlog ng gansa.

Inihatid sila ng “Naz,” ang barkong siya ring nagdala sa kanila sa loob. Pagdating sa bukana ng ilog ng Hiddekel na siya ring daan palabas ay tinulungan sila ng mga higante nilang kaibigan na makalipat sa kanilang bangka para makauwi. Sa kanilang paglalayag ay hindi sila makausad dahil sa lakas ng hangin na taliwas sa kanilang direksyon. Dahil dito ay nagpasya ang matandang Jansen na bumalik sa kanilang pinanggalingan. Ang nangyari ay pumasok uli sila sa Inner Earth at lumusot sa kabilang dulo — sa South Pole.

Apatnapung araw silang bumiyahe pabalik sa Inner Earth at narating nila ang siyudad ng Delfi na malapit sa bunganga ng Gihon river. (Sa bibliya, ang Gihon ang pangalawang ilog na tumutuloy sa Eden.) Tinanggap uli sila ng maayos ng mga tagaroon at tumigil sila dito ng dalawang araw. Nakapagbaon pa sila ng mga kailangan nila para sa biyahe. Tumuloy sila sa kanilang paglalakbay at bandang Nobyembre o Disyembre ay narating na nila ang South Pole.

Malungkot na Wakas

Totoo ang sinabi ng Chief High Priest na masyadong delikado ang paglalakbay palabas ng inner earth. Dahil sa mga nabibiyak na mga gabundok na icebergs sa karagatan ng Antarctica na kailangan nilang daanan, nasawi ang ama ni Olaf bago sila makabalik sa kanilang tahanan sa Stockholm. Si Olaf naman ay nasagip ng barkong “The Arlington.”

Bakit Isinikreto ni Olaf ang Tungkol sa Inner Earth

Ang dahilan kung bakit nadala na si Olaf na sabihin ang sikretong ito habang siya ay nabubuhay ay dahil tuwing ikukuwento niya ito ay napapahamak siya. Ang kapitan ng “The Arlington” ay ikinulong siya sa barko nang sinabi niyang galing siya sa “inner earth” dahil inisip nitong nababaliw siya. Pinakawalan lang siya nang iniba niya ang kanyang kuwento at sinabing hindi maayos ang kanyang memorya. Pag-uwi niya sa Stockholm ay nalaman niyang pumanaw na pala ang kanyang ina nang nakaraang taon pa.

Pagkakanulo

Isang araw ay naikuwento niya sa kanyang tiyuhin ang lahat ng detalye ng kanyang karanasan sa inner earth. Dahil ito ay mayaman, hinimok niya pa ito para sumuporta sa kanyang expedisyon upang makabalik doon. Akala niya ay interesado ito pero dinala siya nito sa mga opisyales na inaresto naman siya at ipina-confine sa tahanan ng mga baliw. 28 years siyang nagdusa dito bago siya pinalaya nung October 17, 1862.

Kaya mula noon ay hindi na uli siya nagsalita tungkol sa napakaganda sana niyang karanasan sa mundo sa loob ng ating mundo. Sinubukan niya uling mabuhay. Nangisda uli siya at makalipas ang ilang taon ay gumanda na rin ang kanyang kabuhayan. 1889 nang nag-desisyon siyang tumungo sa Amerika at dito na nga niya nakilala si Willis George Emerson na siyang nagbahagi sa buong mundo tungkol sa inner earth sa pamamagitan ng aklat na isinulat niya.

Sa pinakahuling bahagi ng aklat ay sinabi ni Emerson na ang manuscript, pati na ang mga naiwang drawing ni Olaf Jansen ay ibibigay niya sa Smithsonian Institute upang mapangalagaan.

Katotohanan o Kathang-Isip Lang?

May katotohanan nga ba ang salaysay na ito ni Olaf Jansen? Bagamat ang pagkakuwento ng manunulat na si Willis George Emerson ay nagpapahiwatig na ito ay totoong pangyayari, tandaan natin na si Emerson ay isang nobelista. Ibig sabihin, siya ay may kakayahang lumikha ng napakaganda at makatotohanang nobela na gaya ng The Smoky God, bunga lamang ng kanyang malikhaing imahinasyon.

Ang tanging ebidensiya lang sanang ito ay may katotohanan ay kung lilitaw ang manuscript at mga drawing ni Olaf Jansen sa Smithsonian Institute. Sinubukan kong i-search ang pangalan ni Olaf Jansen sa website ng Smithsonian Institute pero wala ni isang resultang lumabas. Sinubukan ko rin ang kay Willis George Emerson pero iba ang lumabas — mga larawan ng ibang tao na mayroong willis o george o emerson sa kanilang pangalan, pero hindi ang manuscript o drawing ni Olaf Jansen.

Kaya ano sa tingin ninyo? Katotohanan ba ito o kathang-isip lang?

Comments

Popular Posts

Agartha at mga Teorya Tungkol sa Hollow Earth (Part 1)

May kaharian daw sa kaloob-looban ng ating mundo, sa kaila-ilaliman ng ating kinatatayuan, at hindi daw totoo na solid ang core o pinakagitna nito gaya ng napag-

Totoo ba ang HOLLOW EARTH Ayon sa Siyensiya? (Part 5)

Isang napakagandang mundo! Isang sibilisasyong walang kaguluhan, walang tumatanda, masagana ang buhay, malinis ang hangin, mababait ang

Pilipinas, Makakagamit ba ng 1Gbps Starlink Internet ni Elon Musk?

Makakatulong kaya at mapapakinabangan sa Pilipinas ang Starlink satellite project ni Elon Musk at ng SpaceX?