May lagusan daw mula sa Area 51 papunta sa inner earth o ilalim ng mundo kung saan nandoon ang Agartha? Isang nag-retirong koronel
na nakapagtrabaho daw mismo sa napaka-masikretong Area 51 ang nagpapatotoo dito. Iyan ang tatalakayin natin dito.Si Col Billie Faye Woodard ay nagtrabaho daw sa Area
51 mula January 28 1971 hanggang 1982. Pumasok daw siya sa US Air Force
dalawang taon pagka-graduate niya ng High School. Pagkatapos ng kanyang
training ay pumirma siya ng kontrata para sa kanyang unang destino sa Hawaii.
Sa halip, ay ipinadala daw siya sa Pentagon. Ang Pentagon ay ang gusaling
nagsisilbing headquarters ng United States Department of Defense na matatagpuan
sa Washington DC, mga limang kilometro lang ang layo sa White House, ang
tahanan naman ng Pangulo ng Estados Unidos.
Sa Pentagon ay sinabihan si Billie na ang susunod daw
niyang assignment ay sa isang top secret na pasilidad sa desyerto ng Nevada.
Ito na nga ang tinatawag na Area 51. Second Lieutenant ang ranggo ni Billie
bago siya nagumpisa magtrabaho sa Pentagon. Nang idestino na siya dito ay
itinaas na daw siya sa ranggo ng First Lieutenant. Pagkatapos ng tatlong linggo
niyang assignment sa Pentagon ay ibinigay sa kanya ang ranggo ng Colonel dahil
kailangan daw na ito ang kanyang maging ranggo at hindi daw sapat ang
Lieutenant para sa pasilidad kung saan siya susunod na madedestino. (Alam kong
dito pa lang ay nakakapagtaka na ang kuwentong ito pero ituloy muna natin ang
salaysay.)
Papuntang Area 51, sumakay daw sila sa isang eroplano
sa Nellis Air Force Base malapit sa Las Vegas, Nevada. Lahat daw ng bintana ay
nakatakip o puro itim kaya walang makita sa labas. Kaunting sandali pa ay
nag-landing na ang eroplano dahil narating na nila ang Area 51. Kahit umaga pa
noon ay napakadilim at parang gabi na daw pero walang mga bituin. Nang nagkomento
daw si Billie tungkol dito, nalaman niya na sila ay nasa loob ng isang bundok.
Sumakay naman sila sa isang kotse para sa mga staff
at dumaan ito sa isang rampang pababa na naka-incline ng anggulong 45° na kahit
paano ay nakakakaba. Narating nila ang panibagong level at pinababa si Billie ng
sasakyan para pumunta sa isang building. Dito ay pinaghubad siya para
sumailalim sa decontamination. Napuno
daw ng pink na parang ulap o mist ang kuwarto.
Matapos nito ay pinagsuot na siya ng ibang damit at
sumakay uli sa isa pang sasakyan na dumaan uli sa isang matarik na rampa pababa
sa panibagong level, na de hamak na mas
malalim kaysa sa naunang level. Pinapunta na naman daw siya sa isa pang
building at kinailangan uling sumailalim sa panibagong decontamination. Dito naman
ay napuno ng asul na mist ang decontamination room. Pinagsuot naman si Billie
ng bagong uniform at ang logo daw na nandito ay isang triangle na may nakasulat
na number 51. Sa labas ng logo na ito ay may bilog at may nakasulat na “Black
Project.” Sa ilalim naman ng bilog ay ang mga salitang “Top Secret.”
Sumakay si Billie at mga kasama niya sa isang
elevator at bumaba uli sila sa isa na namang level. Napakabilis daw ng pagbaba
ng elevator na para na lang silang lumulutang. Maya-maya ay bumagal na din at
huminto ang elevator. Pagbukas ng pinto ay tumambad sa kanila ang tila isang
underground na siyudad kung saan may mga taong lumalakad papunta sa iba’t ibang
direksyon. Sila daw ay naroon sa 10th level. Dito ay maliwanag, na parang
katanghalian dito sa ating mundo. Mayroon daw liwanag na nanggagaling sa isang
bilog na parang araw na nasa kalangitan pero sa itaas nito ay purong itim lang.
Ang tirahan ni Billie dito sa Area 51 ay narito sa level 10.
Ang pasilidad daw ay may mga 150,000 na tauhan, mga walumput limang porsiyento ay mga militar at labinglimang porsiyento ay sibilyan. Ang unang labinglimang levels daw ng Area 51 ay man made o gawa ng tao pero ang level 16 hanggang level 27 ay matagal na raw na nandoon at ito ay itinayo ng mga nilalang na matagal nang nabubuhay bago pa nabuhay ang mga tao. Ang mga tauhan lang ng Area 51 ang nagmementena nito.
Ang opisina naman kung saan naka-assign si Billie ay
nasa level 6 kung saan naroon ang Archives o ang taguan ng mga dokumento,
impormasyon, history at iba pang mahahalagang papeles. Sa lamesa ni Billie ay nakalapag daw ang mga
sikretong dokumento na nakalap ng militar tungkol sa hollow earth. Kasama daw
dito ang tatlumput limang pahina ng dokumento tungkol sa mga biyahe ni Admiral
Richard E Byrd sa hollow earth sa pamamagitan ng mga pasukan sa north pole at
gayundin sa south pole. Inaral daw ito ni Billie at tandang-tanda pa niya ang
nabasa niyang eksaktong coordinates o lokasyon ng pasukan sa north pole. Nabasa
din daw ni Billie ang orihinal na diary ni Admiral Byrd. Ito daw ang tunay na
diary at hindi ito yung kumakalat sa internet.
Kinabukasan daw ay may isang mataas na opisyal ang pumunta sa kanya at sinabing hinihiling daw ang kanyang presensya sa mas mababang level (sa level 27). Pangalan daw mismo niya ang ipinatawag. At sumunod nga si Billie sa opisyal. Sumakay sila sa elevator pababa sa level 27. Paglabas ng elevator ay tumuloy sila sa isang tunnel o lagusan kung saan may nakaabang na shuttle train. Napag-alaman ni Billie na may malaki at maliit na shuttle train na ginagamit sa mga tunnels dito. Ang maliit ay nasa 15 hanggang 20 meters lang ang haba at ito ang sasakyan ni Billie. Ang malaki naman ay nasa mga 400 meters ang haba at ito ay ginagamit daw ng mga nakatira sa ilalim ng mundo. Sinabi daw ng opisyal na siya ay maglalakbay at kailangan daw niyang idokumento ang lahat ng makikita niya at maririnig.
Dalawa daw ang mga attendants na bumati sa kanya sa
may tren at pareho silang matatangkad na nasa 13 hanggang 14 feet ang taas. Ang
isa daw ay lalake at ang isa ay babae. Pinasakay siya ng mga ito at nang
tinanong niya kung saan sila pupunta, sinabi nilang sa Telos. Ang Telos daw ang
underground city na nasa ilalim ng Mt. Shasta sa California. Ang bilis ng tren
ay mas mabilis pa daw sa speed of sound na nasa 343 m/s. [Sa 2012 interview
sinabi niya na ang bilis ng tren ay 4000 mi/hr o mga 1788 m/s] Kaya raw nito
marating ang pinakaloob ng Earth sa loob ng lima hanggang anim na minuto lang.
Paglabas niya ng tren ay nakita niya ang siyudad ng
Telos. Ito daw ay nasa ilalim ng parang dome. May mga gusali daw na anyong
pyramid at mayroon namang bilugan. Matatangkad ang mga tao at ang balat ay
kulay asul. Nakatagpo niya ang pinuno ng Telos na si Adama at ang maybahay
nitong si Raia. Ang anak daw nilang si Bonnie Condey, o kilala rin bilang si Princess
Sharula ay nakatira na ngayon sa ibabaw ng mundo. Si Adama daw ay isa sa
nagpatawag sa kanya at nang tinanong niya kung bakit alam nito ang kanyang
pangalan, sinabi ni Adama na alam niya ang parehong pangalan ni Billie — ang
pangalan niya sa ibabaw ng mundo na Billie at ang tunay niyang pangalan ay
Zaraya. Kaya daw nito alam ay dahil kakilala raw nito ang tunay na ama ni
Billie na si Zorra.
Binigyan daw si Billie ng tour sa underground city na
ito. Ang dome na nasa ibabaw ng siyudad ay parang kristal. Sila ay nasa ilalim
ng bulkan ng Mount Shasta pero kahit ito ay pumutok ay protektado daw ang
siyudad ng Telos. Ang temperatura ay nasa 23 degrees Celsius. Ang distansya daw
mula sa ibabaw ng mundo hanggang sa kinaroroonan ng mundo sa ilalim ay mga 1287
km hanggang 1368 km (800-850 miles).
Ang sentro daw ng gravity ay nasa gitna nito at ang
gravity sa inner earth ay mga 1/3 lang ng gravity natin dito sa ibabaw. Ito raw
ang dahilan kung bakit mas lumalaki na parang mga higante ang mga tao sa hollow
earth. Pitong sibilisasyon daw ang naninirahan sa ilalim ng mundo, kasama na
nga dito ang Agartha. Nagkakaintindihan ang lahat at kayang makapagsalita ng kahit
anong lenguahe sa mundo. Ang kanila raw kaalaman pagdating sa medisina ay
pambihira.
Ayon kay Billie, napakagandang lugar daw ng hollow
earth — mapayapa at magkakasundo ang lahat. Kahit daw ang mga hayop ay mababait
at hindi agresibo. Kaya rin ng mga itong makipag-usap sa mga tao sa pamamagitan
ng isip lamang. Ang lahat daw ng hayop doon ay puro halaman lang ang kinakain
at ni isa ay walang kumakain ng karne.
Ang mga tao rin daw ay kayang mag-usap sa pamamagitan lang ng mental
telepathy. Ang hangin daw doon ay napakalusog kaya hindi nagkakasakit ang mga
naroon. Kung mayroon mang tao na galing sa ibabaw ng mundo ang may sakit at
mapunta sa inner earth, ito ay gagaling kapag malanghap lang ang hangin doon. May
sariling araw daw ang hollow earth na siyang nakakapagbigay ng photosynthesis
para mabuhay ang mga halaman, hayop at tao doon.
Pagkatapos na maipasyal si Billie sa Telos, ibinalik
na uli siya sa Area 51.
Sa kanyang pananatili sa Area 51 ng mahigit
labing-isang taon, tatlong beses daw bumiyahe si Billie sa hollow earth sa
parehong paraan — sakay ng shuttle train na dumadaan sa lagusan mula Area 51 papuntang
hollow earth. Ang misyon daw niya ay ang makisalamuha sa mga taga hollow earth
at i-report sa mga opisyal ng Air Force ang lahat ng kanyang malalaman.
Nakapunta din daw si Billie sa Eden gaya ng mag-amang Olaf at Jens Jansen na
inilahad naman natin sa ating Part 3 ng seryeng ito. Sumasang-ayon daw si
Billie sa kuwento ni Olaf Jansen at sa mga eksaktong paglalarawan nito tungkol
sa hollow earth.
Ang siyudad daw ng Eden ay itinayo sa palibot ng orihinal
na Garden of Eden. Gaya ng mag-amang Jansen, ipinatawag din daw siya sa palasyo
ng Great High Priest na siya ding hari ng inner world. Sinamahan daw siya ng
isang Air Force Col McCloud at sa isa pang pagkakataon ay isa namang Col
Stevenson. Marami daw tinanong sa kanila ang hari tungkol sa mga nangyayari sa
outer world, sa gobyerno, sa militar ng US at kung ano ang mga plano nila.
Tuwing bumabalik daw si Billie sa Area 51 galing sa
hollow earth ay kailangan niyang i-report ang lahat ng nalaman niya at i-submit
ang mga larawang kinuhanan niya. Sa Area 51 pa rin, minsan daw ay inutusan
siyang paliparin ang isang sasakyang panghimpapawid na tinawag nilang Sports
Craft. Ito rin daw ang parehong sasakyan na nakita ng isa pang dating empleyado
ng Area 51 na nagsiwalat din ng mga sekreto ng pasilidad – si Bob Lazar. Isang ALIEN
daw ang nagturo kay Billie kung paano paliparin ang Sports Craft. Kaya daw
itong kontrolin sa pamamagitan lang ng paglapat ng kamay sa control panel na
korteng kamay at sa utos lamang ng isip.
Kung gusto niyang pumunta sa isang direksyon, iisipin
lang niya ito at susunod na ang Sports Craft sa utos ng isip niya. Kaya daw
nitong lumiko ng 90 degrees kahit napakabilis, at lumipad sa kahit anong
direksyon na hindi naaapektuhan ang piloto ng tinatawag na G-force gaya ng sa ordinaryong
eroplano. Ang G-force ay ang epekto ng napakalakas na gravity sanhi ng biglaang
pagbilis o pagbaba ng sinasakyang eroplano. Maaaring mawalan ng malay ang
piloto kapag napakataas na ng G Force na nararanasan nito. Pero sa Sports Craft
na sinubukan ni Billie ay wala raw siyang ganitong naramdaman.
May mga aktibidad sa Black Projects ng militar na
ikinadismaya ni Billie kagaya daw ng ginagawa umano nitong genetic engineering at ang planong pagsalakay ng mga
aliens mula sa kalawakan gamit ang mga flying saucers na ginagawa nila. Ang
layunin daw nito ay upang magkaroon ng isang gobyerno para sa buong mundo at
ipagtanggol ang mga aliens na sila rin ang lumikha. Ito raw ang dahilan kung
bakit siya nagdesisyon na iwanan na ang buhay militar.
Pagka-discharge daw niya sa serbisyo, ipinagutos daw
ng mga nakatataas na opisyal na i-selyado ang mga records ni Billie upang
walang makakuha nito. Siya daw mismo ay ilang beses sumubok na humingi ng
record ng kanyang serbisyo pero hindi daw siya nagtagumpay. Sinabihan din siya
bago siya i-discharge na hindi niya pwedeng ibulgar sa kahit kanino ang tungkol
sa naging trabaho niya sa militar. Pero ang katuwiran niya ay dahil hindi na
siya nagtatrabaho doon ay pwede na daw niyang gawin kung ano ang gusto niya.
Dahil daw dito ay tinanggal sa kanya ang benepisong makatanggap ng pensyon. Ang
bumubuhay na lang sa kanya ay ang kanyang Social Security disability.
Sino nga ba si Col Billie Faye Woodward at bakit siya
nabigyan ng ganitong pribilehiyo? Ayon sa kanyang kuwento, siya daw at ang
kanyang kakambal na si Zuria ay ipinanganak sa hollow earth! Ang tunay niyang
ama na si Zorra ay 150,000 years old na at ito din ang gumagabay sa kanya at
minsan ay nagsasalita sa pamamagitan niya sa paraan ng chanelling.
Ipinadala daw sila sa ibabaw ng daigdig sa Wichita
Falls, Texas noong September 18 1951. Inilagay daw sila sa basurahan sa isang
park. Narinig daw ng isang tauhan sa park at ng isang pulis ang kanilang iyak
kaya’t kinuha sila ng mga ito at dinala sa bahay ampunan. Makalipas ang limang
taon ay inampon sila ni US Air Force Colonel Woodard at ng maybahay nito. Noon
ay mayroon nang dalawang anak na lalaki ang mag-asawang Woodard.
Si Billie at Zuria daw ay ipinanganak na may mga
pambihirang abilidad. Naalala daw ni Billie ang isang insidente nang sila ay
limang taong gulang pa lamang. Kumakain sila noon sa isang restaurant kasama
ang mga umampon sa kanila. Nag-uusap ang kambal at sa di kalayuan ay may
lalaking nakarinig sa kanila. Lumapit ang lalaki sa kanilang mga magulang at
gulat na gulat na tinanong kung alam ba ng mga ito kung ano ang pinag-uusapan
ng mga bata? Nagpakilala raw itong isang propesor ng makalumang mga lenguahe o
ancient languages at nagtuturo sa
University of Texas. Ang lenguahe daw na gamit ni Billie at Zuria ay Lumurian
language na matagal nang extinct.
Ang isa pang kakaiba sa kambal ay sila daw ay mga
hermaphrodites, ibig sabihin ipinanganak silang ang gender at mga ari ay sa
parehong babae at lalake. May kuwento si Billie na dumating ang panahon nang
mga 10 years old siya na dinala siya ng kanyang ama-amahan sa ospital ng US Air
Force upang maoperahan at ipatanggal ang kanyang matres, obaryo at lahat ng
parteng pambabae upang siya ay maging ganap na lalaki.
Nang siya daw ay 12 years old at pauwi na siya galing
sa isang activity ng mga boy scouts, kasama niya ang isang kaibigan. Niyaya
niya itong dumaan sa short cut sa taniman ng mais pero takot daw ito kaya
naghiwalay sila. Sa kalye dumaan ang kaibigan at si Billie naman ay dun nga sa
taniman ng mais. Nang malapit na siya sa bahay nila, may lalaki daw na
naka-uniporme ang sumigaw sa kanyang “mobile phone” at sinabi sa wikang ingles
na nahanap na si Billie kaya itigil na ang paghahanap.
Gusto daw malaman ng mga magulang na umampon sa kanya
kung ano ang nangyari sa kanya sa loob ng anim na buwan. Nagulat siya dahil ang
alam niya ay kanina lang sila naghiwalay ng kaibigan niya para umuwi. Ang
kaibigan naman niya na nandoon sa oras na iyon ay sumagot, na anim na buwan na
ang nakaraan nang mangyari iyon. Nakatira lang ito sa kabilang bahay at
dali-dali itong pumarito nang malamang nakita na si Billie.
Ang ibig sabihin ay hindi natandaan ni Billie ang
lahat ng nangyari sa buong anim na buwan na nawala siya. Ang ginawa ng kanyang
ama-amahan ay dinala siya sa base militar upang sumailalim sa hypnosis para
matulungan siyang maalala ang nangyari. Lumabas sa sesyon na ito na habang
naglalakad si Billie sa taniman ng mais ay may napansin siyang maliwanag na
bituin. Habang tumatagal ay lalo daw itong naging mas maliwanag hanggang nakita
niya ang metal na pabilog ang korte. Nang mas lumapit ito ay isa pala itong
flying saucer na may mga 150 feet ang sukat ng diameter.
Narinig daw niyang may kakaiba pero nakaka-relax na
musika galing sa flying saucer. May tila maamong boses na nagtanong kung gusto
niya bang maglakbay sa kanilang sasakyan. Nang sinabi niyang mukhang masaya
iyon, bigla siyang lumutang papunta sa flying saucer at sumakay dito. Mababait
naman daw ang mga ilang taong nakasakay dito pero sila ay matatangkad. Dalawa
ang nag-asikaso sa kanya — isang babae na mga 10 feet ang taas at ang lalake ay
nasa 13 feet.
Lumipad ang flying saucer at nadaanan ang iba’t ibang
states sa US pati na sa Canada, hanggang narating nila ang Arctic ocean.
Pumasok daw ito sa isang malaking butas sa Arctic at tumuloy sa loob ng mundo.
Dito tumira si Billie sa loob ng anim na buwan. Nakita ni
Billie doon ang mga taong nawala sa ibabaw ng mundo gaya ni Amelia Earhart at
mga pilotong napabalitang nawala sa Bermuda triangle.
Si Amelia Earhart ay napakasikat na abiador dahil
siya ang kauna-unahang babaeng piloto na solong nakatawid sa Atlantic Ocean. Misteryoso
siyang nawala sa may Pacific Ocean kasama ang kanyang navigator na si Fred
Noonan habang isinasagawa ang paglipad paikot ng mundo sa rotang dumadaan sa
may equator noong July 2 1937. Hanggang ngayon ay hindi pa malaman kung ano
talaga ang nangyari sa kanila.
Nakita din daw ni Billie dito ang kanyang kakambal na
si Zuria. Ito raw ang nagsabi sa kanya na ibabalik din siya sa ibabaw ng mundo pagkatapos
ng anim na buwan. Nagkahiwalay kasi si Billie at si Zuria nang sila ay 6 years
old pa lamang. Ibinenta daw ng ama-amahan nila si Zuria sa isa pang militar sa
halagang 1 million dollars.
Sa hollow earth ay nakakita din daw si Billie ng mga
pre-historic na hayop gaya ng pterodactyl at t-rex. Ang mga ito daw ay mababait
at puro halaman lang ang kinakain taliwas sa alam nating mabangis ang mga ito
at mga carnivores — ibig sabihin ay kumakain ng karne. Ang mga ito ay extinct
na kasabay ng pagkawala ng ibang mga dinosaurs.
Nakapunta daw si Billie sa iba’t ibang siyudad sa
hollow earth. Nang matapos ang anim na buwan,
bago ibinalik si Billie sa ibabaw ng mundo, sumailalim daw siya sa
detoxification o decontamination para maalis lahat ng dumi at sakit sa kanyang
katawan at para lumakas ang immune system niya. Pinapasok daw siya sa isang
silid at pinaupo. Napuno daw ang silid ng asul na parang ulap o mist.
At ibinalik na nga si Billie sa maisan sa parehong
flying saucer. (Inaasahan ko sana na mabanggit niya ang masayang reunion niya
sa kanyang mga tunay na magulang sa hollow earth pero sa tatlong interview na
nabasa at napanood ko ay wala ang ganitong pangyayari.)
Sa 2012 interview, sinabi ni Billie na mga 15 o 16
years old pa lang siya nang pumasok siya sa US Air Force at nagsimula
mag-training. Kung paano nga ba nakapasok si Billie sa militar at nabigyan agad
ng mataas na posisyon, ang paliwanag niya ay dahil daw ito sa kanyang mataas na
score sa pagsusulit na ibinigay sa kanya nang mag-apply siya nung 12 years old
pa lang siya. Sinabi niyang naka-graduate na siya sa Senior High School sa
ganitong edad dahil din sa kanyang pambihirang katalinuhan. Dahil daw sa
resulta ng exam, sinabi daw ng military personnel na nag-check nito na kahit
saang sangay ng military ay kuwalipikado siya. Pero nang nakita raw ang kanyang
edad, hindi ito makapaniwala dahil siya ay malaki at hindi mukhang 12 years
old. Dahil dito ay pinaghintay muna siya ng ilang taon bago siya pinagsimula sa
kanyang training at serbisyo.
D
E B U N K I N G
Para sa mga naniniwala sa kuwento ni Retired Col
Billie Woodard, nasa inyo na po kung gusto niyo pang ipagpatuloy ang panonood
dahil ang susunod na bahagi ay para i-analyze kung gaano ba ka-totoo o hindi
totoo ang mga sinabi niya. Kaya kung ok pa sa inyo, tara at magpaka-detective
tayo sa paghanap ng katotohanan.
Nahirapan at natagalan ako sa pagsusulat ng script na
ito dahil nahilo ako sa pagkakaiba-iba at inconsistencies ng mga detalye sa
tatlong magkakahiwalay na interviews na ibinigay ni Col Woodard. Narito ang
ilan ...
[1] Sa 2008 interview, sinabi ni Billie na inialis
siya sa poder ng mga Woodard nang siya ay 13 years old at inampon naman siya ng
pamilya Henderson. Ang bagong adoptive father niyang si Mr. Henderson ay
nagtrabaho din daw sa militar pero hindi siya isang military man at ito daw ang
pumirma ng pagsang-ayon para pumasok si Billie sa Air Force.
Pero sa kanyang 2002 at 2012 interview, walang
nabanggit tungkol sa pamilya Henderson na nag-ampon sa kanya. Sa 2002
interview, lumalabas na si Col. Woodard ang nanigurado na makasama niya si
Billie sa Pentagon at kinalaunan nga ay sa Area 51.
[2] Yun namang tungkol sa pagkawala ni Billie sa
taniman ng mais ...
Sa 2008 interview, nang makabalik na siya at wala
siyang maalala sa nangyari sa kanya sa loob ng anim na buwan, dinala siya sa base
militar para sumailalim sa hypnosis na tumulong sa kanya makaalala.
Pero sa 2012 interview, nasa bahay lang siya nang sinaksakan
daw siya ng isang kemikal ng opisyal na hindi naka-uniporme para maalala niya
ang nangyari at sumailalim din siya sa hypnosis.
Malaki ang kaibahan ng kuwento dahil sa unang
interview ay dinala siya sa base militar at walang binanggit na kemikal pero sa
2012 interview ay nasa bahay lang siya.
[3] Tungkol pa rin sa insidente sa maisan, sa 2008
interview nabanggit ni Billie na nang makita siya ng isang pulis (man in
uniform) sumigaw ito sa kanyang “mobile phone”.
Ang unang tawag mula sa isang mobile phone ay
nangyari lamang nung 1973 nang tinawagan ni Martin Cooper, isang researcher at
executive ng Motorola, si Dr Joel Engel ng Bell Labs sa isang lumang prototype
ng DynaTAC mobile Phone. Sampung taon pa ang lumipas bago inilabas sa merkado
ang pinakaunang mobile phone noong 1983 — ang Motorola DynaTAC 800x.
Kung 1951 ay baby pa sila ng kanyang kakambal, mga
1960s lang nang siya ay 12 years old nung nawala siya sa may maisan. Kaya
malabo yata ang kuwentong iyon ni Billie.
[4] Sa 2008 interview ay 6 years old daw si Billie at
ang kanyang kakambal nang magkahiwalay sila dahil ibinenta si Zuria sa ibang
pamilya.
Pero sa 2012 interview ay 9 years old daw nang
nagkahiwalay sila.
[5] Sa 2008 interview sinabi ni Billie na sa panahon
ng kanyang 11.5 years na pagse-serbisyo sa Area 51, tatlong beses siya bumiyahe
papuntang hollow earth.
Pero sa kanyang 2002 interview, anim na beses daw
siyang bumisita sa hollow earth.
[6] Sa 2008 interview sinabi ni Billie na 13 years
old siya nang inampon siya ng mga Henderson at lumipat sa Apache Junction sa
Arizona. Doon na din siya nag-high school at nag-graduate sa maagang edad sa advanced
gifted program ng Apache Reservation School.
Pero sa 2012 interview, sinabi niyang nag-graduate
siya sa High School nang 12 years old pa lang siya. Hindi daw sinasadya ang
pag-graduate niya dahil nagkataon lang na sinagutan niya ang exam habang
hinihintay niya ang nakatatandang kapatid o adoptive brother niya na tapusin
ang exam. Na-perfect daw niya ang exam na ito. Sa graduation ceremony ng
nasabing kapatid ipinatawag daw si Billie ng education board para sabihing
kasama siya dapat sa mga ga-graduate at siya pa ang naging valedictorian dahil
lang nai-perfect niya ang final exam sa high school. Pinag-speech pa nga daw
siya.
Ang labo di ba? Kasi ang pagiging valedictorian ay
hindi lang naka-base sa isang exam. May mga iba-ibang subjects, may extra
curricular activities at may puntos din para sa ugali at karakter. Mabait lang
talaga si Walter Nowasad, ang nag-iinterview kay Billie at magalang pa rin ito
magtanong kahit hindi na siya makapaniwala sa mga sagot ni Billie... At talagang magkaiba pa rin ang kuwento sa
2008 interview at 2012 interview.
[7] Sa 2008 interview sinabi ni Billie na inoperahan
siya sa ospital ng US Air Force para maging ganap na lalaki nang siya ay mga 10
years old.
Sa 2012 interview sinabi niya na mga 15 o 16 years
old siya nang nagsimulang mag-training para sa military at noon ay naroon pa
rin ang kanyang mga pambabaeng organs.
[8] Sa 2008 interview sinabi ni Billie na ang opisina
niya sa Area 51 ay nasa level 6 at ang kanyang tinitirhan ay nasa level 10.
Pero sa 2012 interview, sinabi niyang ang opisina
niya ay nasa level 10.
[9] Sa 2008 interview sinabi niyang sa unang araw na
pumasok siya sa opisina niya sa Area 51, binasa niya ang mga dokumento tungkol
kay Admiral Byrd at kinabukasan ay may opisyal na pinuntahan siya at sinabing
pinapatawag siya sa mas mababang level.
Sa 2012 interview sinabi niyang noong araw din na
iyon pagkabasa niya ng diary ni Admiral Byrd ay pinuntahan siya ng opisyal.
Ilan lang iyan sa mga pagkakaiba-iba ng paglalahad ni
Col Woodard ng kuwento niya. Nagsisinungaling kaya siya?
Nang pinanood ko ang video ng interview ni Walter
Nowasad kay Col Billie Woodard, dalawang bagay ang agad kong napansin. Una,
lagi siyang pumipikit kapag nagsasalita
Ilan lang ito sa napakaraming beses na pumipikit siya
habang nagsasalita.
Ang bawat pagpikit ay tumatagal ng mga dalawang
segundo o higit pa.
At pangalawa, lagi niyang kinakamot ang mukha niya.
Gaya po sa kanyang pagpikit, bukod sa ipinakita ko
dito ay napakarami pang ibang pagkakataon sa interview na kinakamot niya ang
mukha niya kaya kapansin-pansin talaga.
Sa aking pagsasaliksik, nalaman ko na ang dalawang
bagay pala na ito ay malalaking senyales na ang isang tao ay nagsisinungaling.
Ayon kay Mark Bouton, isang agent na nanilbihan sa FBI ng tatlumpung taon, ang
pagpikit daw nang mahigit isang segundo ay isang defense mechanism ng isang
taong nagsisinungaling. Ang pagkakamot naman ng mukha ay may paliwanag din.
Sabi ni Mr Bouton, ang pagsisinungaling daw ay nakakalikha ng chemical reaction
na nagdudulot ng pangangati ng mukha.
Sa lahat ng tinalakay natin dito, sa tingin ninyo mayroon nga ba talagang lagusan mula Area 51 patungong hollow earth?
Comments
Post a Comment