May mga ilang indibidwal daw na nakarating na sa Kaharian ng Agartha, na sinasabing matatagpuan sa kaila-ilaliman ng ating mundo!
Isa na dito ang tinitingala pagdating sa larangan ng explorasyon — si Rear Admiral Richard E Byrd. Paano nga ba siya napadpad daw sa Agartha?Narito na tayo sa PART 2 ng ating Hollow EarthSeries. Originally ay 3 parts lang dapat itong series na ito ngunit mukhang
aabot tayo sa Part 5 dahil napakalawak ng diskusyon tungkol dito. Sa PART 1 ay
pinag-usapan natin ang mga teorya ng mga prominenteng siyentipiko at
mathematicians tungkol sa guwang na mundo o ang kani-kanilang hollow earth
theory.
Una sa ating listahan ng mapapalad na indibidwal na
nakarating na raw sa Kaharian ng Agartha ay si Rear Admiral Richard Evelyn Byrd
Jr. Itinuturing na bayani at inspirasyon si Admiral Byrd ng maraming
Amerikanong explorer dahil sa kanyang tapang na sumuong sa mga lugar na hindi
pa nararating ng tao gaya ng North Pole at South Pole. Ang pagkakasama ni
Admiral Byrd sa listahang ito ng mga taong nakarating na daw sa Agartha ay
nakabase sa isang diary na isinulat daw niya at lumitaw lang maraming taon na
ang nakalipas mula nang siya ay pumanaw.
Hindi binanggit ang salitang Agartha sa diary ni
Admiral Byrd. Sa halip ay sinabi dito na ang lugar kung saan napunta si Admiral
Byrd ay lupain ng Arianni. Sa ibang mga sources, sinasabing ang Arianni daw ay
isa sa mga lahi ng mga naninirahan sa Agartha.
Ang diary, na pinamagatang “The Exploration Flight
Over the North Pole,” ay nagsimula sa pahayag ni Admiral Byrd na kailangan
niyang isikreto ang pagsusulat niya tungkol sa paglipad niya sa may Arctic nung
ika labing siyam ng Pebrero, 1947. Alas seis ng umaga ay naghahanda na sila sa
kanilang biyahe papuntang hilaga (north) at 6:10 AM ay lumipad na sila.
Ini-record dito ni Admiral Byrd ang mga nangyayari at mga na-oobserbahan niya
sa kanilang biyahe — kung may turbulence o ligalig sa eroplano, kung may nakikita
siyang bundok, kung nag-radyo siya sa base o kung may leak sa makina, etc.
Bandang alas diez ay may nakita silang bulubundukin
at lambak na may ilog o batis na dumadaloy sa bandang gitna. Takang-taka dito
si Admiral Byrd at sinabing hindi normal na mayroong luntiang lambak at
malagong kagubatan dito dahil ito dapat ay lugar ng yelo at snow. Ang kanilang
mga instrumento para malaman ang kanilang direksyon gaya ng compass at
gyroscope ay parang nagwawala at di pumipirmi. Ibinaba nila ng bahagya ang
eroplano upang mas makita ang nasa ilalim.
Hindi makapaniwala si Admiral Byrd na mayroong
malaking hayop na parang elepante siyang nakita. Ginamitan pa niya ng
binoculars para mas makita niya ito. Hala! Mukhang isa itong mammoth, isang
klase ng hayop na nabuhay noong panahon ng Ice Age at sa pagkakaalam ng lahat,
ay naging extinct ilang libong taon na ang nakakaraan. Inirecord ni Admiral
Byrd na ang temperatura ay 74°F o 23.3°C. Take note na ang karaniwang
temperatura sa North Pole kapag Pebrero, na sakop pa ng winter season, ay nasa -30° F o
-34°C, kaya ang temperaturang nararanasan noon ni Admiral Byrd ay
lubhang kakaiba. Sinubukan niyang kumontak sa base ngunit hindi na gumagana ang
radyo.
11:30 AM, lalong namangha si Admiral Byrd dahil tumambad
sa kanyang paningin ang animo’y isang siyudad!? Sa puntong ito, ang kanilang
eroplano ay parang gumaan at lumulutang at hindi na gumagana ang mga controls
nito! Sa parehong kaliwa at kanang pakpak ng eroplano ay nakita niyang may mga
lumilipad na kakaibang klase ng sasakyang panghimpapawid. Lalo pang lumapit ang
mga sasakyang ito sa kanilang eroplano kaya nakita niya ang mga marka nito na
kapareha ng simbolo ng swastika. Ang mga sasakyan ay korteng disc, pabilog na
parang CD at kumikinang.
Makaraan ang limang minuto ay tumunog ang radyo at
may nagsalita sa wikang Ingles na parang may German o Nordic accent. Ang sinabi
nito:
"Welcome, Admiral, to our domain. We shall land
you in exactly seven minutes! Relax, Admiral, you are in good hands."
Sa puntong ito ay tumigil na nang tuluyan ang mga makina ng kanilang eroplano at ibang puwersa na ang nagko-kontrol dito. Ilang minuto pa ay nag-landing na ang eroplano. May mga lalaking naglalakad na papalapit at tila sinusundo sila. Matataas ang mga ito at ang mga buhok ay blond ang kulay. Isa sa mga ito ay inutusan si Admiral Byrd na buksan ang pintuan ng eroplano.
Maganda naman ang pakikitungo ng mga matataas na
lalaki at wala itong mga armas. Dinala si Admiral Byrd at ang kanyang radioman
sa siyudad na tila gawa sa kristal. Nakarating sila sa isang malaking building
na ang disenyo ay parang sa isang futuristic sci-fi movie.
Binigyan sila ng maiinom na ayon kay Admiral Byrd ay
napakasarap at ngayon pa lang niya natikman. Makalipas ang sampung minuto ay may
dumating na dalawang lalaki para ianunsyo na kailangan niyang sumama sa kanila.
Wala naman siyang magawa kung hindi sumunod. Kinailangan din niyang iwanan ang
kanyang radioman at lumakad na siya kasama ang dalawang lalaki patungo sa isang
pasukan na tila isang elevator. Bumaba ang elevator ng ilang sandali hanggang
huminto ito at sila ay tumuloy sa mahabang pasilyo. Tumigil sila sa isang
malaking pintuan at pinapasok si Admiral Byrd dito. Sinabi ng isang lalaki na
huwag siyang matakot dahil kakausapin siya ng Master.
Ang loob ng silid ay napakagara at may mahabang
lamesa kung san nakaupo ang Master. Pinaupo nito si Admiral Byrd. Sinabi nito
na pinahintulutan nilang papasukin siya sa kanilang mundo dahil kilala siya sa
“Surface World” o ibabaw ng daigdig at dahil siya ay may marangal na pagkatao.
Sinabi din nito na siya ay nasa lupain ng Arianni, ang mundo sa loob ng Earth.
Nagka-interes daw silang papuntahin siya doon nang pasabugin ng mga kalahi ni
Byrd ang mga naunang atomic bomb sa Hiroshima at Nagasaki, Japan na nangyari
nung 1945. Dahil daw dito ay pinadala nila ang kanilang mga flying machines na
tinawag nilang “Flugelrads” sa ibabaw ng mundo para imbestigahan ang nangyari.
Sinabi pa ng Master na hindi raw sila nakikiaalam sa
mga nakaraang digmaan ng ating lahi pero dahil natutunan na ng mga tao sa
ibabaw ang kapangyarihang hindi nararapat sa tao — ang atomic energy, dito sila
nababahala dahil ito ang wawasak sa mundo.
Sinabi ng Master na sinubukan nilang makipag-ugnayan sa lahi ng mga tao
sa ibabaw ngunit ang kanilang mga Flugelrads ay pinaputukan lang at hinabol ng
mga fighter planes na parang kalaban. May mga emisaryo na ring nagpahatid ng
mensahe sa mga may kapangyarihan sa ibabaw ng mundo pero hindi daw nila ito
dininig. Kaya si Admiral Byrd ay napili upang maging saksi na ang mundo sa
ilalim ay tunay na nage-exist.
Inihayag din ng Master na sa malayong hinaharap ay
may bagong mundo rin ang lilitaw mula sa mga nasira ng ating lahi at ang mga
taga Arianni ay tutulong para muling buhayin ang ating kultura at mga nawalang
kayamanan. Marahil daw na sa panahong iyon ay natutunan na din ng mga tao sa
ibabaw na walang kabuluhan ang away at digmaan. Dito na halos tinapos ng Master
ang kanilang pag-uusap at maaari na raw makabalik si Admiral Byrd sa ibabaw ng
mundo. Ang dalawang lalaking naghatid sa kaniya sa malaking silid ng Master ay
naroon uli upang sunduin siya. Bago tuluyang lumabas ay tumingin muli siya sa
Master at nginitian siya nito sabay sabing “Paalam, aking anak.”
Paglabas niya ng malaking silid ay tumuloy uli sila
sa elevator. Paakyat naman ito ngayon at habang naroon sila, sinabi ng isa sa
kanyang mga kasama na kailangan na nilang magmadali dahil ayaw ng Master na
mahuli siya sa kanyang schedule. Importante daw na makabalik siya agad upang
maiparating sa kanyang mga kalahi ang
mensahe ng Master para sa kanila.
Sa itaas ay
nagkita uli si Admiral Byrd at ang kanyang radioman na tinawag niyang Howie.
Mukhang nag-aalala ito kaya pinanatag siya ni Admiral Byrd at sinabing ayos
lang ang lahat. Bumalik sila sa kanilang eroplano at gaya ng pagdating nila
dito ay ineskortan uli sila ng mga Flugelrads. Ibang puwersa uli ang
nagko-kontrol sa eroplano hanggang sa medyo mataas na ang kanilang lipad.
Maya-maya pa ay may boses silang narinig sa radyo na sinabing
“We are leaving you now, Admiral, your controls are
free. Auf Wiedersehen!!!”
na ang ibig sabihin ay, “Iiwan na namin kayo,
Admiral. Sa inyo na ang kontrol, paalam!”
Pinanood nila habang nawala sa kanilang paningin ang
mga flugelrads. Ang eroplano naman nila ay animo’y nahulog nang panandalian,
pero mabilis nilang nabawi ang control nito. Nakita na uli nila ang mga yelo at
snow. Nakapag-radyo na rin sila sa base at nawala ang pangamba nito nang
nagkaroon uli sila ng contact. Alas tres ng hapon ay nakapaglanding na rin sila
sa base.
Itinuloy diumano ni Admiral Byrd ang pagsusulat sa
animo’y diary niya sa petsang March 11 1947. Sinabi niya na sa araw na ito ay dumalo
siya sa meeting sa Pentagon at inilahad niya ang kanyang nadiskubre, pati na
ang mensahe mula sa Master. Lahat daw ay naka-record at ang Presidente ay
nasabihan na. Idinitene si Admiral Byrd ng mahigit anim na oras habang iniinterview
siya ng mga Top security forces at ng medical team. Pahirapan daw ang
pangyayaring ito. Ang resulta ... binawalan si Admiral Byrd na magsalita
tungkol sa kanyang mga nalalaman. At dahil isa siyang taong militar, kinailangan
niyang sumunod.
Ang pinakahuling naitala sa diary na ito ay may
petsang December 30 1956. Isinulat diumano ni Admiral Byrd na matapat niyang
itinago ang sikreto sa mahabang panahon kahit ito ay taliwas sa kanyang
moralidad. Pero nararamdaman daw niya na malapit na ang kanyang oras at ayaw
niyang isama sa kanyang kamatayan ang sikreto. Ito raw marahil ang natatanging
pag-asa ng sangkatauhan. ... March 11
1957 nang binawian ng buhay si Admiral Byrd habang siya ay natutulog at dahil na
rin sa sakit sa puso. Siya ay 68 years old.
== DEBUNKING THE 1947 SECRET DIARY OF ADMIRAL RICHARD
BYRD ==
Walang pisikal na dokumento na nagpapatunay na ang
diary ay isinulat nga ni Admiral Byrd, hindi gaya ng naunang lumabas na diary
niya na isinulat mula 1925 hanggang 1927 at lumitaw lamang nung 1996, 39 years
pagkalipas ng kanyang pagpanaw nung 1957.
Ang 1925 diary ay nadiskubre ni Raimund Goerler na
archivist ng Ohio State University. Ang 1947 na diary naman ay walang matukoy
na tunay na nakadiskubre at wala ring maipakitang larawan man lang ng kahit
isang pahina nito na sulat kamay ni Admiral Byrd.
May mga nagsasabi na ang 1947 diary daw ay
ipinalathala ng isang pamangkin ni Admiral Byrd pero may mga nagsasabi naman na
ang diary daw ay unang lumitaw mula sa isang organisasyong tinatawag na
"The Society for a Complete Earth” na ngayon ay tinatawag ng “The Hollow
Earth Research Society.” Isa itong organisasyon na naniniwala at nagpapalaganap
ng impormasyon tungkol sa Hollow Earth theory. Ang magkaibang impormasyon na
ito ay nagdudulot ng pagdududa kung authentic o totoo nga ba na si Admiral Byrd
ang nagsulat ng nasabing diary.
Magugulat ka na ang pag-uusap ni Admiral Byrd at ng
Master sa “secret diary” ay malaki ang pagkakahalintulad sa dialogue sa isang
pelikula noong 1973 na pinamagatang “Lost Horizon.” Hinanap ko tuloy at
pinanood ang video ng pelikulang ito. Pinakinggan ko at tinype ang dialogue sa
pagitan ng High Lama at ng bidang pinangalanang si Richard Conway. Nang
ikumpara ko ang dialogue na ito sa bahagi ng diary ni Admiral Byrd kung saan
kinausap siya ng Master ng Arianni ay namangha talaga ako sa halos
magkakaparehong pangungusap.
Tignan ninyo ang magkaparehong kulay ng highlight sa
kaliwa at sa kanan. Halimbawa, sa Lost Horizon sa kaliwa na naka-highlight ng
dilaw ay sinabi ng High Lama na “There will be no safety by arms, no help from
authority, no answer in science.” Sa secret diary naman na nasa kanan na
naka-highlight din ng dilaw, sinabi ng Master na “There will be no answer in
yor arms, there will be no safety in your science.” Hindi ba bahagya lang ang
pagkakaiba?
Yung green highlight naman — sa kaliwa, sinabi ng
High Lama “It will rage till every flower of culture is trampled, and all human
things are leveled in a vast chaos.” Sa kanan, sinabi naman ng Master, “It may
rage on until every flower of your culture is trampled, and all human things
are leveled in vast chaos.” Hala halos parehong-pareho di ba? At makikita ninyo
na ganun din ang iba pang pangungungusap. Mukhang kinopya lang ng kung sino
mang nagpanggap na si Admiral Byrd ang mga dialogue mula sa Lost Horizon at
isinama ito sa diumano’y secret diary. Pati ang kuwento ng pagkaka-kidnap nila
Admiral Byrd para mapunta sa Arianni ay hango din sa pagkaka-kidnap kay Richard
Conway at mga kasamahan niya para mapunta sa Shangri-la.
Ang pinakamalakas na ebidensya na hindi totoong
isinulat mismo ni Admiral Byrd ang 1947 diary ay ang US NAVY ANTARCTIC
DEVELOPMENT PROJECT o codename Operation Highjump. Ito ang pinakamalaking
ekspedisyon sa Antarctica at pinamunuan at inorganisa mismo ni Admiral Byrd ang
may apat na libong military men gamit ang labingtatlong barko at dalawamput
tatlong sasakyang panghimpapawid. Bukod sa pagtatayo ng base at paliparan sa
Bay of Whales sa Antarctica, ilan pa sa pangunahing misyon ng Operation Highjump ay ang
i-train ang mga military personnel at subukin ang mga kagamitan nila sa
kondisyong may napakalamig na temperatura na gaya ng Antarctica. Nagsimula ang
operasyon ng August 26 1946 at nagtapos ng April 1 1947.
Kahit pa nakalagay sa Wikipedia na nagtapos ang Operation
Highjump bandang Pebrero ng 1947, ang totoong petsa na nakalagay sa opisyal na report
ng Signal Corps Observer kung kailan nagtapos ang mga aktibidades ng
ekspedisyon ay April 1 1947. Hindi maaaring iwanan ni Admiral Byrd ang
ekspedisyon na ito hangga’t hindi ito tuluyang natapos dahil siya ang officer
in charge at kanya itong proyekto.
Kung nasa Antarctica — sa may South Pole si Admiral
Byrd noong Pebrero 1947, malabong bigla na lang niyang iiwan ang kanyang mga
tauhan habang nasa kalagitnaan ng kanyang pinakamalaking ekspedisyon, para
pumunta sa kabilang dulo ng daigdig sa North Pole, kung saan nangyari ang
nakasulat sa diumano’y diary niya daw ng February 19 1947.
Mayroon ding detalyadong salaysay tungkol sa
Operation Highjump ang south-pole.com base sa research ng mga miyembro ng
American Society of Polar Philatelists at kitang-kita sa mga petsa na nandoon
mismo si Admiral Byrd sa Antarctica at South Pole ng Pebrero 1947 at kung gaano
katagal ang biyahe mula South Pole
pabalik ng Amerika, lalo pa kaya kung papuntang North Pole. Kaya
napaka-imposible ang sinasabi ng napakasikat na ngayong secret diary daw ni
Admiral Byrd. Kung sino man ang sumulat nun, malamang ay nalito at nailagay na
nagpunta si Admiral Byrd sa North Pole imbes na sa South Pole. O di kaya, hindi
siguro nito na-research mabuti na nasa South Pole pala si Admiral Byrd sa
petsang iyon.
May pangyayari sa Operation Highjump na nagkaroon ng malaking
natuklasan ang isa nilang kasamahang piloto. Isang PBM ang minamaneho ni
Lieutenant Commander David E. Bunger. Ang PBM ay isang seaplane na dinisenyo
para sa World War 2. Isa itong eroplanong pwedeng maglanding sa tubig. Lumipad
si Bunger at kanyang crew. Nagulat si Bunger nang sa gitna ng tila walang
hanggang yelo sa Antarctica na purong puti ay biglang nag-iba ang kulay. Nilapitan
nila ito at tumambad sa kanila ang asul at berdeng lawa (lake) at tsokolateng
kulay ng mga burol (hills)! Isang malaking lupain na walang yelo?!
Kamangha-mangha talaga! Ininspeksyon nila ang lugar at ini-landing pa ni Bunger
ang PBM sa isa sa malalaking lawa para tignan ang temperatura nito na nasa 38°F
o 3.33°C. Ito ay mainit-init kumpara sa karaniwang temperatura sa Antarctica.
19-B Na-excite din ang mga mamamahayag sa discovery
na ito at mabilis itong kumalat sa mundo. Inihalintulad nila ito sa Shangri-La
at ang init daw dito ay may misteryosong pinanggagalingan. Ang Shangri-la ay
ang lugar na hango sa nobela ni James Hilton na “Lost Horizon” kung saan walang
kaguluhan at walang tumatanda. Ang nobela ay inilathala noong 1933 at ito rin
ang pinagbasehan ng pelikulang binanggit na natin kanina. Ang lugar na nadiskubre ni Lieutenant Commander
Bunger ay pinangalan sa kanya — ang Bunger’s Oasis at kinalaunan ay pinalitan ito
at ginawang Bunger Hills. Nasabi tuloy ni Admiral Byrd sa kanyang interview
noong 1954 na marami pang pwedeng tuklasin sa South Pole
“... and that's beyond the pole on the other side of
the South Pole from Little America. And it's, ah, I think, it's quite
astonishing that there should be an area as big as that unexplored ... so
there's a lot of adventure left down at the bottom of the world.”
Na-misinterpret naman ito ng mga Hollow Earthers na
ang ibig sabihin daw ng sinabi ni Admiral Byrd na “beyond the pole” at “bottom
of the world” ay ang inner earth. Pero may paliwanag ang mga geologists sa
nangyari sa Bunger Hills. Ito daw ay dumaan sa deglaciation — ang pagkatunaw ng
mga glaciers o mga gabundok na yelo na
resulta ng climate change — kaya lumitaw
ang lupa at mga burol na dating natatakpan ng yelo.
Comments
Post a Comment