Skip to main content

Agartha at mga Teorya Tungkol sa Hollow Earth (Part 1)

May kaharian daw sa kaloob-looban ng ating mundo, sa kaila-ilaliman ng ating kinatatayuan, at hindi daw totoo na solid ang core o pinakagitna nito gaya ng napag-

aralan natin sa Science. Paniniwalaan mo ba ito? Himayin natin ang Hollow Earth Theory at ang Alamat ng Agartha dito.

Ang ibig sabihin ng hollow ay walang laman, butas ang loob o mayroong espasyo sa gitna. Kung nakakain na kayo ng masarap at matamis na pinoy delicacy na angpao, parang ganyan ko mailalarawan ang salitang hollow. Akala mo ay solid ang loob pero kapag biniyak mo ay wala palang laman. Ganyan din ang paniniwala ng ilang indibidwal tungkol sa ilalim ng ating mundo. Ang pinaka-core o gitna daw ng Earth ay hindi solid taliwas sa sinasabi ng mga scientists at siya ring itinuturo sa atin sa paaralan.

Hindi ba ang alam natin sa ating Science class, ang Earth ay binubuo ng mga layers. Ang apat na pangunahing layer ay:

1. ang crust, kung saan tayo nakatayo. Wala pang 1% ng bigat o mass ng Earth ang sakop ng crust. Ito ay may kapal na tatlumpung kilometro kapag sa lupa at mas manipis naman sa ilalim ng dagat na mga limang kilometro lang hanggang sa tuktok ng susunod na layer na tinatawag na

2. mantle. Ang mantle ang pinakamakapal na layer na mga 2,900 kilometers ang kapal at ang 68% ng bigat o mass ng buong Earth ay narito sa mantle.Binubuo ito ng molten rock o natutunaw na bato.

3. Ang outer core ay may kapal na 2,300 kilometers at ito ay likidong iron at nickel.

4. At ang inner core ay isang solid na bola na binubuo rin ng iron at nickel at ang kapal nito ay 1,221 kilometers. Napakainit ng inner core at ang temperatura nito ay umaabot sa 5,400 degrees celcius.

Ito ang napag-aralan natin. Kaya medyo mahirap ipagkasundo ang kaalamang ito at ang teorya ng hollow earth. Katunayan, hindi lang iisa ang teorya tungkol dito. Iba-iba ang ideya ng mga naniniwala sa hollow earth. Ang ilan sa mga sumikat na teorya ay galing sa mga prominenteng siyentipiko at mathematicians.

Taong 1692, ipinaalam ni Edmond Halley ang kanyang ideya na ang mundo ay binubuo ng shell na may kapal na 800 kilometers. Sa loob nito ay dalawang magkasunod na pabilog na shell o concentric shells at sa kaloob-looban ay ang core. Ayon kay Halley, pinaghihiwalay ng atmosphere ang mga shell na ito at ang bawat shell ay may sarili niyang magnetic pole. Magkakaiba raw ang ikot ng bawat bilog o sphere at iba-iba rin ang bilis ng ikot ng mga ito.

Inisip niya na ang bawat rehiyon sa loob ay may atmosphere, maliwanag at pinaninirahan ng iba-ibang buhay na nilalang. Inisip din niya na ang gas galing sa loob ay nakakalabas at ang resulta nito ay ang aurora borealis. Nabuo niya ang teoryang ito dahil sa mahirap ipaliwanag na pabago-bagong resulta ng basa niya sa compass at gayun din sa magnetic field.

Si Edmond Halley nga pala ang nakapag-compute ng galaw at petsa ng pagbabalik ng isang kometang ipinangalan sa kanya – ang Halley’s Comet. Tama ang kanyang prediksyon, na ito ay makikitang muli mula sa Earth sa taong 1758. Kaya lang ay hindi na niya ito naabutan dahil pumanaw siya noong 1742. Ngayon ay 2019. Kung ikaw ngayon ay 20 years old, makikita mo ang pagbabalik ng Halley's comet kapag ikaw ay 63 years old na dahil nakatakda itong makita muli mula sa Earth sa taong 2062.

Isang magaling na mathematician noon ding 18th century — si Leonhard Euler mula sa Switzerland, ay naniwala din sa hollow earth pero para sa kanya wala itong concentric shells. Basta wala lang laman ang loob ng earth pero mayroong araw sa gitna nito na ang diameter ay 966 kilometers. Ang loob daw na ito ay pwedeng marating sa pamamagitan ng mga butas sa North Pole at South Pole.

April 10 1818, sa pamamagitan ng isang dokumentong nilagdaan niya, idineklara naman ni Captain John Cleves Symmes Jr. sa buong mundo na ang daigdig ay hollow, pwedeng mabuhay sa ilalim nito, binubuo ng mga concentric spheres at itinataya daw niya ang kanyang buhay para sa paniniwala niyang ito. Isang opisyal ng American army, handa daw si Symmes na siyasatin o galugarin ang guwang na ito kung susuportahan siya ng mundo.


Kung saan-saan niya ipinakalat ang limang daang kopya ng dokumentong ito pero hindi maganda ang reaksyon ng mga tao dito. Karamihan ay kinutya lang siya at sinabing ito ay produkto ng magulong imahinasyon o resulta ng bahagyang pagkabaliw. Pero hindi natinag si Kapitan Symmes. Sa halip ay lalo pa niyang pinag-igihan ang kanyang pagtatanggol at pangangampanya sa paniniwalang ito sa pamamagitan ng pagsusulat at pagle-lecture sa iba’t ibang lugar. Sa huli ay binago niya ang kanyang teorya at tinanggal niya na ang limang concentric spheres sa loob. Isang hollow earth na lang daw ito.

Sinabi din niya na lahat daw ng planeta ay hollow rin. Kahit gaano kapursigido si Kapitan Symmes sa kanyang pagnanais na mapatunayan ang kanyang hollow earth theory ay hindi rin niya nagawa hanggang sa kanyang pagpanaw.

Kaugnay sa mga teoryang ito ang alamat na nagmumula sa mga Buddhists tungkol sa isang mundong nasa ilalim ng ating kinatatayuang lupa. Ito nga ang Kaharian ng Agartha. Ayon sa mga Buddhists, ang Agartha daw ay unang naging kolonya ilang libong taon na ang nakakaraan nang sinundan ng grupo ng mga tagasunod ang isang banal na lalaki na nagtungo sa ilalim ng lupa. Mula noon, lahat sila ay hindi na muling nakita.

May mga nagsasabi din na ang sibilisasyon ng Agartha ay galing sa nawawalang sibilisasyon ng Atlantis at Lemuria na nakaligtas bago tuluyang lumubog ang mga kontinente nila. Resulta ito ng giyera sa pagitan ng dalawang kontinente at dahil dito ay natutunan nila ang leksyon na ang pakikipaglaban ay walang-saysay kaya ngayon ay pinili nilang mamuhay nang mapayapa.

Ginugol nila ang kanilang panahon sa siyensiya kaya de hamak na mas malayo na ang kanilang narating sa larangang ito kaysa sa mga taong naninirahan sa ibabaw ng mundo. At dahil hindi na sila nahahadlangan ng mga giyera at away na siyang nangyayari sa ibabaw ng lupa, ang mga scientists ng Agartha ay natutong gamitin ang mga puwersa ng kalikasan.

Isang halimbawa daw nito ay ang mga flying saucers na napapatakbo nila sa pamamagitan ng di kilalang pinanggagalingan ng enerhiya na mas banayad kaysa sa atomic energy. Mabibilis ang mga sasakyang ito at madaling nakakabiyahe sa lupa maging sa dagat.

Dahil na din sa mga makabagong nadiskubre nila sa Physics, may kakayahan na silang makita at kontrolin ang mga nangyayari sa mundo. Kung tutuusin ay kaya daw nilang pakawalan ang kapangyarihan ng apat na elemento — ang lupa, hangin, apoy at tubig — at tapusin ang sangkatauhan. Pero hindi nila ito gagawin dahil nga mahal na nila ang kapayapaan. Isa pa, ang mga Aghartans daw ay napakabait at bukas-palad kaya hindi sila dapat katakutan.

Milyon milyon na raw ang naninirahan sa buong kaharian ng Agartha at ito daw ay binubuo na ng maraming siyudad, kasama na ang capital nitong Shambhala kung saan naninirahan ang pinakapinuno ng kaharian. Ito daw ay isang lugar kung saan walang giyera, kalungkutan o pighati at matatagpuan ito sa isang lambak o valley. Sa gitna daw ay isang bundok na gawa sa kristal at sing-taas ng siyam na palapag. Nakatayo ito sa isang banal na lawa at sa ibabaw ng bundok ay isang palasyong napapalamutian ng mga coral, perlas at iba pang mamahaling hiyas. Ito ay isang kaharian kung saan ang karunungan ng tao ay hindi nababahiran ng korupsyon at nakahanda lang ito upang iligtas ang mundo sa oras ng pangangailangan.

May lagusan daw na kumukonekta mula sa Tibet papunta sa pasukan ng Shambhala at ang pasukang ito ay nasa bundok ng Himalaya na binabantayan ng mga lama o guru. Ang mga lama na ito ay nanumpa na ililihim sa mga taga-labas ang tunay na kinaroroonan ng pasukang ito.

May mga nagsasabi din na may iba pang pasukan papuntang Agartha bukod sa Tibet gaya ng mga sumusunod:

·  Kentucky Mammoth Cave sa south-central Kentucky sa US

·Mount Shasta, California sa US (ang siyudad ng Telos sa Agartha ay nasa ilalim daw ng bundok na ito)

·  Manaus sa Brazil

· Mato Grosso sa Brazil (ang siyudad ng Posid sa Agartha ay nasa ilalim daw ng kapatagan na ito)

·16-C    Iguazu Falls na nasa border sa pagitan ng Brazil at Argentina

·Mount Epomeo sa Italya

· Mongolia (ang siyudad ng Shingwa ay nasa ilalim daw ng border sa pagitan ng Mongolia at China)

· Rama, India (sa ilalim daw nito matatagpuan ang nawawalang siyudad na ang pangalan din ay Rama)

·Pyramid ng Giza sa Egypt

· At sa North Pole at South Pole

Ang mga mamamayan ng Agartha ay namumuhay daw nang masagana, mapayapa, masaya, walang sakit at hindi tumatanda.

Sa aklat na isinulat ng French author na si Marquis Alexandre Saint-Yves d'alveydre na pinamagatang “The Mission to India,” (Mission de l'Inde) sinabi niya na may kakayahan siyang mag-out-of-body travel, ibig sabihin ay nakakarating siya sa ibang lugar na hindi niya dala ang kanyang katawan. Sa pamamagitan nito ay nabisita at nakita raw niya mismo ang Agartha.

Ang liwanag daw ng Agartha ay nanggagaling sa araw na nasa loob nito. Maraming iba’t ibang halaman at mga bulaklak ang mayroon dito, gayundin ang mga hayop at mga tao na gaya ng sa ibabaw ng mundo. Inilarawan din ni Marquis Saint-Yves ang mga library na milya milya ang lawak at naglalaman ng mga dokumento ng buong kasaysayan ng sangkatauhan, pati mga librong naglalaman ng malalaking sikreto. Ang mga aklat na inakalang nawala na nang panghabang-buhay sa ibabaw ng mundo ay dito na pala matatagpuan sa Agartha.

Binanggit din sa aklat ni Marquis Saint-Yves ang tungkol sa mga flying saucer na gawa ng mga taga-Agartha. May mga pagkakataon nga daw na sinubukang habulin ng mga piloto sa ibabaw ng mundo ang mga flying saucer na namataan nila ngunit ang mga ito daw ay napapalibutan ng magnetic field na nagpoprotekta dito kaya anumang pagsalakay dito ay hindi tatalab. Pwede daw itong bumato ng mga sinag na pwedeng patayin ang makina ng humahabol na eroplano.

Mayroon na din daw mga nilalang mula sa Agartha ang namumuhay sa ibabaw ng mundo upang ipamahagi ang magandang prinsipyo ng pamumuhay. Inuulit ko na ang kuwento ng kaharian ng Agartha ay isa lamang alamat pero buong puso itong pinaniniwalaan ng mga Buddhists. Para sa atin na may ibang pananampalataya, nasa atin na kung seseryosohin natin ang kuwentong ito na puno naman ng positibong pananaw o kung ikikibit-balikat lang natin at ituturing na pantasya. Gayunpaman, hindi natin dapat isawalang bahala ang leksiyon ng Agartha na ang mga namumuhay ng mapayapa, walang pag-iimbot at puno ng pagmamahal ay mamumuhay din ng masagana.

Sa Part 2 ng ating Hollow Earth series ay pag-uusapan natin ang mga taong sinasabing nakarating na daw sa Agartha at kung ano ang karanasan nila doon.  

Comments

Popular Posts

Totoo ba ang HOLLOW EARTH Ayon sa Siyensiya? (Part 5)

Isang napakagandang mundo! Isang sibilisasyong walang kaguluhan, walang tumatanda, masagana ang buhay, malinis ang hangin, mababait ang

Pilipinas, Makakagamit ba ng 1Gbps Starlink Internet ni Elon Musk?

Makakatulong kaya at mapapakinabangan sa Pilipinas ang Starlink satellite project ni Elon Musk at ng SpaceX?