Skip to main content

ELON MUSK: Bilyonaryong Magpapadala ng Tao sa Mars (Part 1)

Mga limang taon mula ngayon, sa taong 2025, may mga tao nang makakarating sa planetang Mars, hindi lang upang lumakad sandali doon at magtayo ng bandera ng Estados Unidos kungdi upang doon na manirahan. Yan ang vision ng bilyonaryong si Elon Musk.

Kung mahilig ka sa science fiction o kung napanood mo ang pelikulang The Martian na ipinalabas nung 2015 na pinagbibidahan ni Matt Damon,  maaring interesado kang malaman kung posible nga ba na tumira ang tao sa planetang Mars.

Mars Mission ni Elon Musk Series

Matagal na itong pinaguusapan at kahit ang National Aeronautics and Space Administration o NASA ay may planong magpadala ng tao sa Mars. Kaya lang tila masyadong maaga ang 2025 para sa misyong ito. Nung si Barack Obama pa ang pangulo ng Estados Unidos, sinabi niya sa kanyang speech nung 2010 na pinaniniwalaan niyang sa gitna ng dekada 2030 hanggang 2040 o mid 2030s, pwede nang magpadala ng mga tao sa orbit ng Mars at maibabalik sila ng ligtas dito sa Earth. Kasunod na nito ay makakapag-landing na ang tao sa Mars.

Pero iba si Elon Musk. Positibo ang kanyang pananaw na sa 2024 ay handa na ang kumpanya niyang Space Exploration Technologies Corp. o SpaceX na isakay ang mga 100 katao sa spaceship na ginagawa nila. Ang biyahe ay aabutin ng 3 hanggang 5 buwan at sa  taong 2025, makatatapak na ang tao sa Mars.

Sino nga ba si Elon Musk?

Si Elon Reeve Musk lang naman ang pangatlo sa pinakamayayamang tao sa buong mundo (as of December 14 2020), ayon sa Forbes.com. Ayon din sa Forbes, ang yaman daw ni Elon Musk ay umaabot ng 136.9 billion dollars sa edad na 49 years old.

Ipinanganak si Elon sa South Africa noong June 28 1971. Ang kanyang ina ay si Maye Haldeman Musk na ipinanganak sa Canada pero lumipat sa South Africa nang siya ay 2 taong gulang pa lamang. Isa siyang model at dietician at nagtapos ng 2 masteral degree, isa sa Dietetics at isa sa Nutritional Science. Ang ama naman ni Elon na si Errol Musk ay isang electromechanical engineer, piloto at marino sa South Africa. Nag-divorce ang mga magulang ni Elon nang siya ay 8 taong gulang pa lamang. Makaraan ang 2 taon matapos ang paghihiwalay, pinili ni Elon na sumama sa kanyang ama pero nasabi niya sa isang panayam na pinagsisihan niya ito.

Young Musk siblings — Kimbal, Tosca and Elon
Photo: Kimbal Musk / Instagram

Panganay si Elon sa tatlong magkakapatid. Ang sumunod sa kanya ay si Kimbal at ang bunso ay si Tosca. Mayroon ding mga kapatid si Elon sa ama nang mag-asawa uli ito matapos ng pakikipaghiwalay sa ina ni Elon na si Maye.

Ang hilig lang ni Elon nang siya ay bata pa ay ang magbasa. Nang naubusan na siya ng babasahin ay pati Encyclopedia Britannica ay binasa niyang lahat.

Introvert daw at kakaiba si Elon nung bata at lagi itong nabu-bully. Na-ospital pa nga ito ng isang linggo nang itulak siya ng isang grupo ng kalalakihan sa hagdan.

Pero hindi ito naging hadlang sa pagtamo niya ng karunungan.

10 years old pa lang si Elon nang tinuruan niya ang sariling mag-program sa computer. Nung 12 years old siya, nakagawa na siya ng sarili niyang video game na tinawag niyang Blastar at naibenta niya ang code ng program nito na sinulat niya sa BASIC programming language sa isang magazine sa halagang 500 dollars. Talagang negosyante na si Elon kahit bata pa lang.

Young Elon Musk on the computer
Photo: Elon Musk

17 years old si Elon nang lumipad siyang mag-isa patungong Canada nung 1989, kahit ayaw ng kanyang mga magulang. Sa kanyang pag-alis, naiwasan din ni Elon ang obligasyon sa South Africa na mag-serbisyo sa militar. Dahil Canadian citizen ang kanyang ina ay madali niyang nalakad ang passport niya dito, pero ang totoo ay ang America talaga ang gusto niyang marating dahil naniniwala siya na nandoon lahat ng malalaking pagbabagong nangyayari sa mundo, at ginawa lang niyang daan ang Canada patungo doon.

Nag-aral siya ng 1st year at 2nd year college sa Queen's University sa Ontario, Canada mula 1989 hanggang 1991 bago lumipat at nakakuha ng scholarship sa University of Pennsylvania sa Philadelphia, U.S.A. Naniniwala kasi si Elon na kung makakapagtapos siya ng pag-aaral sa isang magandang university sa America ay mas malaki ang tsansa niya na makakuha ng trabaho sa malalaking kumpanya. At dalawang kurso pa ang natapos niya dito, Bachelor of Science in Economics at Bachelor of Science in Physics.

Nung 1995, natanggap siya sa prestiyosong Stanford University para kumuha ng kanyang doctoral studies na magfo-focus sa Energy Physics. Sa panahong ito ay nagsisimula na rin ang pagsikat ng internet at ayaw ni Elon na mapag-iwanan. Nagdesisyon siyang piliing sumabay sa kasagsagan ng internet at nag-drop out sa Stanford kahit 2 araw pa lang siyang nakakapasok dito. Ito ay para umpisahan ang internet business niya, ka-partner ang kapatid na si Kimbal Musk. Pero kinausap muna niya ang mga autoridad sa Stanford para masiguro na kung sakaling hindi siya magtagumpay sa itinatayong kumpanya ay maaari pa siyang makabalik para mag-aral.

Ang puhunan ni Elon at ni Kimbal para sa nasabing negosyo ay 28,000 dollars mula sa pera ng kanilang ama. Tinawag nila itong Zip2 Corporation.

Zip2 Logo
Zip2 Corporation

Para itong internet version ng yellow pages natin sa telephone directory na may kasama pang mga mapa. Marami pa noong hindi marunong gumamit ng internet at nakakita ng oportunidad si Elon para matulungan ang mga negosyante na madaling hanapin ang kanilang negosyo sa internet. Sa kinalaunan, malalaking diyaryo ang naging mga kliyente ng Zip2, isa na dito ang The New York Times kaya lumaki rin ang kumpanyang itinatag ng magkapatid na Musk. Nung 1999, binili ng Compaq Computer Corp. ang Zip2 sa halagang 307 million dollars at dahil dito ay naging milyonaryo si Elon sa edad na 28 years old at ganun din ang kanyang kapatid na si Kimbal na noon ay halos 27 years old lang.

Nung Marso nang taon ding iyon, mula sa perang nakuha niya sa pinagbentahan ng Zip2, inumpisahan naman ni Elon ang kumpanyang X.com na isang online financial service at email payment company. Nang sumunod na taon, 2000, nagsanib ang X.com at ang kakumpetensya nitong kumpanya na Confinity na siyang gumawa ng PayPal. Tinawag ang magkasanib na kumpanya, na X.com pero nung June 2001, pinalitan uli ang pangalan at ginawang PayPal. Binili naman ng eBay ang PayPal nung taong 2002 sa halagang 1.5 billion US Dollars, at dahil si Elon ang may pinakamalaking shares of stock, malaki din ang nakuha niya sa bentahang ito na tumataginting na 180 million dollars.

Peter Thiel and Elon Musk during PayPal days
Peter Thiel at Elon Musk sa kanilang kumpanyang PayPal

Kasunod agad nito, ayon kay Elon ay

·ipinuhunan niya ang 100 million dollars sa SpaceX, ang kumpanyang magpapadala ng mga tao sa Mars

·70 million dollars ang ipinuhunan niya sa Tesla, ang kumpanyang gumagawa ng mga electric cars at

·10 million dollars sa SolarCity, ang kumpanyang naglalayon na samantalahin ang enerhiyang galing sa araw para makabawas sa paggamit ng kuryenteng unti unting nakasisira sa kalikasan.

Walang natira sa pera ni Elon, pero sulit naman ang lahat ng ipinuhunan niya. Hindi naging madali ang tagumpay sa mga negosyong ito at muntik-muntikanan na ring magkasabay na ma-bankrupt ang Tesla at SpaceX.

Elon Musk

Maraming beses pumalpak ang mga rocket na ginagawa ng SpaceX pero hindi nawalan ng pag-asa si Elon. Ang bawat kabiguan ay itinuring ni Elon na leksiyon at pagkakataong matuto kaya bumabangon siya uli.

Ngayon ay history na ang mga iyan at napatunayan na niya ang sarili niya sa mundo ng pagnenegosyo.

Nagtayo pa ng ilang kumpanya si Elon gaya ng The Boring Company na naglalayong gumawa ng mga underground tunnel para maibsan ang problema sa traffic. Isa pang solusyon niya sa traffic ay ang konsepto ng Hyperloop kung saan ang mga sasakyan ay bibiyahe sa loob ng mga malalaking tubo at kayang bumilis hanggang 700 miles per hour.

Itinayo din niya ang OpenAI, isang research company na pinag-aaralan ang artificial intelligence para makatulong sa sangkatauhan.

Sinuportahan din niya ang Neuralink, isang kumpanyang lumilikha ng mga device na pwedeng ilagay sa utak ng tao upang maikonekta ito sa isang computer program.

Iisa ang nag-uugnay sa lahat ng mga negosyong pinapasok ni Elon, at iyan ay ang layuning makatulong sa hinaharap o future ng ating sibilisasyon at siguraduhing mapangalagaan at mapanatiling magtutuloy ang sangkatauhan.

Elon Musk

Isa sa mga dahilan kung bakit itinatag ni Elon Musk ang kumpanyang SpaceX noong 2002  ay dahil nadidismaya siya noong mga panahong iyon sa kawalan ng galaw at plano ng NASA tungkol sa pagpunta sa Mars.

Kaya naman pinursige ni Elon na makagawa ng mga malalaki, epektibo at mga makapangyarihang rocket at spacecraft na ang pangunahing layunin ay ang makapagdala at makapagtayo ng kolonya ng tao sa Mars.

Starships on Mars (artist's visualization)
Starship sa Mars (artist's visualization)

Ang pinaka-engrandeng patunay sa tagumpay ng SpaceX ay noong February 6 2018 nang ginawa nito ang Falcon Heavy Test Flight. Isinakay dito ang Tesla Roadster mismo ni Elon Musk na nagkakahalaga ng 100,000 dollars. Ang nasa manebela ng roadster na ito ay isang mannequin na pinangalangang Starman at nakasuot ng spacesuit. Hanggang ngayon ay nasa orbit pa ang roadster at bumibiyahe sa kalawakan na walang ginagamit na gasolina o baterya. Dumaan na ito sa Mars nang bandang Nobyembre at tuloy tuloy sa pag ikot sa araw gaya ng mga planeta.

Ang tagumpay ng Falcon Heavy ay hakbang papalapit sa ambisyosong plano ni Elon Musk na magpadala ng tao sa Mars.

Bakit nga ba napaka-ambisyoso ang planong ito? Iyan ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo bilang ikalawang bahagi ng seryeng ito.

Comments

Popular Posts

Agartha at mga Teorya Tungkol sa Hollow Earth (Part 1)

May kaharian daw sa kaloob-looban ng ating mundo, sa kaila-ilaliman ng ating kinatatayuan, at hindi daw totoo na solid ang core o pinakagitna nito gaya ng napag-

Totoo ba ang HOLLOW EARTH Ayon sa Siyensiya? (Part 5)

Isang napakagandang mundo! Isang sibilisasyong walang kaguluhan, walang tumatanda, masagana ang buhay, malinis ang hangin, mababait ang

Pilipinas, Makakagamit ba ng 1Gbps Starlink Internet ni Elon Musk?

Makakatulong kaya at mapapakinabangan sa Pilipinas ang Starlink satellite project ni Elon Musk at ng SpaceX?